Hehe…kung binabasa mo ang sanaysay na ito, marahil ay na-hook ka o natawag ang pansin ng katagang ‘anak na babae ni Satanas.’ Pero teka, may anak bang babae si Satanas? Hmm…that’s a delicious food for thought, lalo’t sa subject ng Demonology. Pero hindi demonology ang paksa ko sa sanaysay na ito, kundi tungkol sa isyu ng pananalig at pananalangin sa Diyos – mga bagay na hindi natin dapat maliitin, sapagkat…wika ni Master Jesus, and I also warn you…
“Watch and pray, that ye enter not into temptation: the spirit indeed is willing, but the flesh is weak.” (Matthew 26:41).
Limang Puntos para higit na Maunawaan ang Anak na Babae ni Satanas
Una sa lahat, ang kataga sa pamagat na ‘anak na babae ni Satanas’ ay hindi ko katha, kundi kataga mismo ng isang Church Father o writer ng isang Christian literature noong A.D. 160 na pinamagatang ‘Shepherd of Hermas’ (SH). Anonymous[1] (or kumbaga ay Zetzu) ang author ng book, pero siya ay kinilala ng isang matindi at mapagkakatiwalaang Church Father na si Irenaeus.
Ikalawa, gusto ko lang sabihin na ang pinaka contextual background ng book ay tungkol sa kahalagahan ng pagsisisi o repentance. Therefore, sa pagbabasa natin ng aking translation, i-note mo as a connection ang thematic background ng repentance sa SH.
Ikatlo, nang isinalin ko sa wikang Filipino ang kanyang aral, naalala ko ang mga talatang ito sa Biblia: Juan 14:14; 15:16; 16:23-24; Santiago 1:5-6, 4:3. Mangyari sanang pakibasa mo ang mga talatang iyan para makita mo kahit papaano na may biblical support ang sinasabi ni SH.
Ikaapat, bilang ‘passion writer’ isinama ko sa category ng ‘Bighani’ ang pangaral ni SH sapagkat sa wikang Ingles, ganito ang sinasabi sa James 4:3-4, “You ask and do not receive, because you ask wrongly, to spend it on your passions. You adulterous people!” Kita mo ang sinasabi sa verse? ‘…to spend it on your passions.’ Sa madaling salita, mayroong korelasyon o kontribusyon[2] ang ‘masamang passion’ sa ‘unanswered prayer.’ Pero bago ko ipagpatuloy ang nais ko pang sabihin tungkol sa ikalimang punto, gusto ko ng ibigay ang aral ni SH tungkol sa kaseryosohan ng panalangin at pananalig sa Diyos. Abangan mo ang paglabas ng katagang ‘anak na babae ni Satanas.’ Hehe. Sino kaya? O ano kaya yun? Literal ba o figure of speech?
Ganito ang sabi niya,[3]
Iwaksi mo ang pag-aalinlangan at huwag kang mag-atubiling humingi sa Panginoon. Huwag mong panghinain ang iyong sarili sa pagsasabing, ‘Paano ako hihiling sa Panginoon gayong napakarami kong pagkukulang sa Kanya?’ Huwag mo itong maging pangangatuwiran sa iyong sarili, bagkus ay may buong puso kang lumapit sa Panginoon at manalangin sa Kanya ng walang pag-aalinlangan; at iyo ngang malalaman ang napakayamang habag ng Kanyang puso; na hindi ka Niya pababayaan, kundi diringgin ang pakiusap ng iyong kalooban. Sapagkat hindi Siya gaya ng tao na nagtatanim ng galit o kaya’y nagiisip ng masama. Bagkus, Siya ay mahabagin sa Kanyang mga nilalang. Dalisayin mo kung gayon ang iyong puso mula sa lahat ng karumihan ng Mundong ito, at ang iyong panalangin na walang pag-aanlinlangan ay Kanyang tiyak na diringgin. Subalit kung ikaw ay mag-aalinlangan, hindi ka Niya diringgin at wala kang makakamit. Sapagkat sila na nag-aalinlangan sa Diyos ay nagdadalawang-isip at tuloy ay walang nakakamit mula sa Kanya. Subalit sila na buo ang tiwala sa Panginoon ay ipinapanalangin ang lahat ng bagay. Sila’y nagtitiwala sa Panginoon at tuloy ay may nakakamit sapagkat hindi nag-aanlinlangan o nagdadalawang isip. Linisin mo kung gayon ang iyong puso mula sa dumi ng pag-aalinlangan at palakasin ang iyong loob sa pananampalataya at manalig sa Diyos na makakamit mo ang iyong panalangin. At kung sakaling matapos na idalangin mo sa Diyos ang iyong naisin at hindi mo parin natatanggap ang iyong hiling, huwag kang mag-alinlangan, sapagkat ito’y maaring dulot ng isang tukso o kasalanan na hindi mo napapansin. Kaya’t huwag kang tumigil sa dalangin ng iyong puso hanggang sa ito’y iyong makamit. Datapwat kung ikaw ay manghina at tumigil sa iyong pananalangin, sisihin mo ang iyong sarili kung wala kang matanggap. Ang pag-aalinlangan ay isang masama at walang kabuluhang lagay ng pagiisip; marami ang tumalikod sa Pananampalataya ng dahil rito. Ang pag-aalinlangan ay anak na babae ni Satanas at lubhang mapaggawa ng kasamaan sa mga lingkod ng Diyos. Kaya’t iwaksi mong lubos ang pag-aalinlangan at gawin mo ang lahat upang ito’y paglabanan. Damitan mo ang iyong sarili ng pananampalataya sapagkat ito’y malakas at makapangyarihan. Ang pananampalataya ang nagpapaging ganap sa mga bagay, subalit ang pag-aalinlangan ay walang natatapos at laging bigo sa kanyang mga gawa. Ang pananampalataya ay nagmumula sa Langit, subalit ang pag-aalinlangan ay nagmumula sa Lupa, nagmumula sa diyablo at walang kapangyarihan. Maging masigasig ka kung gayon sa bagay na may kapangyarihan – walang iba kundi ang pananampalataya – at iwaksi mo ang pag-aalinlangan na walang kapangyarihan, at ikaw nga ay mamumuhay sa Diyos. At Oo, sila ay mamumuhay sa Diyos na ang isipan ay nakalagak sa pananampalataya sa Kanya.
Kita mo na ang ‘anak na babae ni Satanas’? Siya pala’y ‘Ano.’ Hehe. But I want you to take note of that. It’s a good concept actually. Anyway…let me continue…
Ang pananalita ni SH ay kagalingan at kalakasan para sa aking puso. Sana ganun din sa iyo. Pero habang binubulay ko ang aral ni SH, may ikalimang puntos na sumagi sa isip ko na may kinalaman sa passion.
May Seksing Babae si Satanas sa Aking Puso
Ikalimang puntos. Napaghinuha ko – kasi ginamit ni SH ang konseptong ‘Ang pag-aalinlangan ay anak na babae ni Satanas’ – na kung paanong ang seksing babae, o mapaglarong babae, o haliparot na babae ay mabilis na tumatawag ng pansin sa puso ng lalake na gumawa ng kahalayan, gayundin naman, ang ‘pag-aalinlangan’ ay parang isang seksing babae na mabilis makatawag sa tibok ng ating puso na huwag manalig sa Diyos. Gamit ang konsepto ng ‘Original Sin’ or Peccatum Orihinale sa Theology, by human nature and tendency, hindi likas sa atin ang manalig sa Diyos. Hindi likas o karaniwan sa atin na lagi Siyang unahin at kilalanin sa lahat ng ating saloobin at lakad. Diba? Don’t deny. Iyan talaga ang totoo. Hindi sanay at pamilyar ang ating puso na umibig sa Diyos at ang gustuhin ang Kanyang presensya na maghari sa lahat ng aspeto ng ating buhay. At dahil rito, hindi sa atin kaakit-akit ang manalig sa Diyos; ang kaakit-akit sa atin ay ang mag-alinlangan sa Kanya. Kumbaga, sa mata ng isang barakong lalaki (I mean, yung hindi pakunwari pagdating sa babae), ang pag-aalinlangan ay katulad ng isang seksing babae; isang babae na nakadamit ng spaghetti at pekpek short; at talagang bakat-na-bakat ang mga bagay na hindi dapat ibakat – usong uso iyan sa Facebook at TikTok; nahihiya lang tayong pag-usapan sa simbahan. Sa kabaligtaran, ang pananalig ay katulad naman ng isang mahinhing babae na ang suot ay katulad ng sa ‘madre.’ See now the point? Ginamit ko lang na illustration ang mata at damdamin ng lalake pagdating sa babae, pero ang punto ko ay para sa lahat – lalake man o babae.
Ang gusto ko lang palabasin ay ito: ang pag-aalinlangan sa Diyos ang siyang ‘passion’ sa ating puso na likas, pamilyar, karaniwan, at so-easy para sa atin. Subalit ang manalig sa Kanya ay isang struggle – parang pagpili sa pagitan ng kung ano ang mas masarap inumin: Milktea or Water?
[1] Let me just say here na kumpara sa ating mga Facebook users sa panahong ito, ang pagiging Anonymous ng author ng Shepherd of Hermas ay good Zetzu. Hindi pagtatago ng identity kundi kapakumbabaan. Hindi sa may pinagtataguan siya, but he was preparing a dramatic move that will create ripple effects around him. At hanggang ngayon, ang sulat mula sa pastor ng Hermas ay umaabot sa ating panahon.
[2] ‘Kontribusyon sapagkat hindi ko ito tinitingnan bilang ‘absolute rule’ kundi bahagi ng kabuoang mga dahilan. And so, ‘ambag.’
[3] Shepherd of Hermas, Book 2, Chapter 9

