Pinoy Apologista

PER STILUM VINDICTA


God is Spirit: Ang Lupet Pala ng Ibig Sabihin Niyan!

Overview of the Article: Ang ‘n-c A’ ng Diyos: Kalabasan, Kaibahan, Kalampasan. Ang salitang Tuktugatog. Bakit ‘Yahweh’ ang pangalan ni Yahweh?


Kapinoy, pag-isipan mo ito: bagamat ang Diyos ay may ‘pagpapakita’ ngunit Siya’y ‘hindi nakikita.’[1] Heto pa: alam mo ba kung bakit may mga Atheista (hindi-naniniwala sa Diyos) sa UP Diliman? Kasi hindi nila ma-materialize ang Diyos. At dagdag na rin kasi na hindi nila alam ang biblikal na konsepto na ang Diyos ay ‘Espiritu.’ Ow. Yes. Yes.

Okay, bago mo basahin ang mga susunod kong sasabihin dito sa lesson, pikit ka muna ng 30 seconds…at pag-isipan ang simpleng tanong na ito: Ano ang pagkakaunawa ko sa katagang ‘ang Diyos ay Espiritu’? 1-2-3…close your eyes. Sige na…

Ang ‘n-c A’ ng Diyos

Ang Diyos ay Espiritu at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.” (Juan 4:24, MBB)

Natapos natin sa Lesson 3 at 4 ang paksa tungkol sa ‘Trinity,’ at sa totoo lang, ang dahilan kung bakit possible sa Diyos ang gayong katangian ng existensiya o substansiya ay kasi ‘Espiritu’ Siya. Yes! Iba kasi ang Kanyang ontology (being) kaysa sa atin. Pero para hindi ako maligaw ng usapan…pokus na tayo sa panibagong paksa – Ang Diyos ay Espiritu. So ano ang ibig sabihin niyan?

Sa basic na biblikal na punto ng John 4:24 (na konektado sa verses 20-21), ang Diyos ay Espiritu sa punto na hindi Siya kulong ng espasyo; wala Siyang laman at dugo; hindi material na being. Samantala…

Sa theolohikal kong punto, ang espirituwalidad ng Diyos ay tumutukoy pa sa isang mas malawak na katotohanan tungkol sa Kanyang essencia o sa kataga pa ng mga theologians ay ‘non-communicable attributes (n-c A)’ – yun ay, mga katangiang likas sa Diyos lamang. So ulitin ko ha, sa theolohikal kong punto, kapag sinabing ang Diyos ay ‘Espiritu,’ ito ay pupunta sa usapin ng (n-c A). Okay? Gets? Sure. 

Now, binibigyang diin sa mga katangiang ito (n-c A) ang Kanyang ‘transcendence’ o yung Kanyang ‘kalampasan,’ ‘kalabasan’ at ‘kaibahan’ sa nilikha. Okay, himayin ko yan para sa iyo para di ka matinik. Okay, narito ang tatlong kutsarita para maunawaan mo ang teknikalidad ng salitang ‘transcendence’ sa Theology.  

  1. ‘Kalabasan’ – Pagiging Labas. Iyon ay dahil sa ang Diyos ay hindi sakop ng espasyo at panahon (space-time). Mayroong tinatawag na ‘ontological distinction’ ang Diyos na hindi sakop ng mga ito – yun ay, ng space and time. Siya’y labas sa mga ito yamang Siya ang lumikha ng mga ito. Si Yahweh ay God of Space and Time. Hmm…lupet niyan.  
  2. ‘Kaibahan’ – Pagiging Iba. Iyon ay dahil sa simpleng katotohanan na ang Diyos ay hindi nilikha; Siya ang Manlilikha. Sa Theology, ang bansag rito ay Creator-creature distinction.
  3. ‘Kalampasan’ – Pagiging Lampas. O kaya, pwede ring ‘kahiwagaan.’ Ang ibig sabihin, ang Diyos ay hindi kayang arukin ng ating isipan. Sa theology, ang tawag rito ay ‘Deus Absconditus’ (Hidden God) or mas gusto kong tawagin na ‘Zetzu God’ – that is, kung mahilig kayo sa Hunter X Hunter na anime, you will know what I mean. Point is: ang Diyos ay mahiwaga. Kaya nga ‘Diyos’ eh.

Now, gamit ang mga konseptong iyan, pagbulayan mo ang sinasabi ng Diyos sa talatang ito sa Isaias.

Sapagkat ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng Panginoon. Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip. (Isaias 55:8-9 AB)

Kita mo? Isipin mo ng mabuti ang sinasabi ng verse ha. Ibang-iba talaga ang Diyos.

Ang Diyos ay Tuktugatog

Pero dagdag ko pa. Ang salitang ‘Transcendence’ kasi ay nangangahulugang literal sa etymology nito na, “Trans” (across, beyond, or through) at “Scandere” (to climb or to mount). And so, sa classical Latin, ito ay pisikal na tumutukoy sa pag-akyat sa isang pader o sa bundok; yun ay, hanggang sa maakyat mo ang tugatog nito. At noong ginamit na ang salita sa theology at philosophy, uminog na ang kahulugan nito sa konsepto ng isang realidad na labas, matayog at hindi nakadepende sa material universe. Kaya’t gamit ang mga konseptong ito, I would propose a translation sa wikang Filipino para sa transcendence; ang salita ay: “tuktugatog.” Ito ay kombinasyon ng dalawang salita – tuktok at tugatog. Hinggil sa Diyos, hindi lamang Siya yung nasa ‘Taas’ (Itaas o tuktok) kundi ang Kataas-taasan sa lahat (tugatog). At syempre, ang ‘tuktugatog’ ay pwedeng ipaliwanag rin gamit ang mga sangkap ng kalabasan, kaibahan, at kalampasan.

Okay, so kuha mo na ang ibig sabihin ng transcendence? 30-seconds na pikit nga then define it in your own words. 1-2-3 go…

Ang Dahilan kung Bakit is Yahweh ay Yahweh

Now, may isa pang konsepto o katangian[2] na nahahayag sa kalikasan ng Diyos na gusto kong ihabol sa aralin nating ito. Bahagi ito ng transcendence ng Diyos sapagkat hindi ito kaylanman matatagpuan sa atin. At isa pa, ito rin ang dahilan kung bakit ang pangalan ng mahal nating Diyos ay ‘Yahweh.’ Tara alamin natin.  

Ang salita sa Theology ay ‘aseity.’ Hmm…napakalalim at napakayaman ng theolohikal na salitang iyan. Pero sa etymolohikal na kahulugan sa Latin, ito ay mula sa kataga na “a se” na ang literal na kahulugan sa Ingles ay ‘from oneself’ o ‘mula sa sarili.’ Kaya’t kung gagamitin na sa theolohikal na punto, ito ay nangangahulugan na ang pag-iral o existensiya ng Diyos ay mula mismo sa Kanyang sarili at hindi sa anupamang labas sa Kanya. Ang pag-iral Niya ay dahil sa Kanya – sa mismong Kanyang substansiya o essensiya. Kumpara sa ating tao, ang ating pag-iral ay dulot ng bagay na labas sa ating sarili. Halimbawa, kung wala ang ating mga magulang, hindi tayo iiral o lalabas sa mundong ito. Iyan ang dahilan kung bakit natin tinatawag ang ating ‘ama’ at ‘ina’ na magulang. Kasi nga, sila’y nauna sa atin sa ‘gulang’ (age). Mas ‘magulang’[3] sila sa atin sapagkat bago pa man tayo lumabas sa mundong (mula sanggol na yugto tungo sa gulang na 1, 2, 3…), sila’y nauna ng lumabas sa atin at naunang nagka-gulang sa mundong ito. Ang punto ay: ang magulang natin ay nauna sa atin. Subalit pagdating sa Diyos, walang nauna sa Kanya; wala Siyang magulang. Wala Siyang pinagmulan kundi ang Kanyang Sarili. That’s why, nang tinanong ni Moises kung ano ang pangalan ng Diyos – doon sa Exodus 3:14 – ang sagot ng Diyos, “I AM THAT I AM.”[4] Sa madaling salita, ang pag-iral o pinagmulan ng Diyos ay mismong ang Kanyang Sarili. Hmm…highly philosophical iyan…pero yun nga, kung sa Bicol pa eh, ‘Transcendence ngani’…hehe. Pero grabe ano? Ang pinagmulan ng Diyos ay ang Kanyang Sarili. At iyan ang dahilan kung bakit Siya ‘Yahweh’ sapagkat Siya ang Dakilang ‘Siya nga.’ Walang sinuman o anuman na nagpa-mayroon sa Kanya; Siya mismo ang ‘Mayroon’ na Siyang dahilan ng lahat ng nakikita nating ‘mayroon.’ Ang Diyos ay hindi ‘Wala,’ Siya’y ‘Mayroon.’ Ah! Hiwaga!!! Kunin ko nga ang gitara at ng ma-awit ko ang song ni Chris Tomlin na, ‘How Great is our God.’ Umawit ka rin Kapinoy. Tara!


[1] Bagamat mayroong sinasabi sa John 1:18, at isama na rin ang Romans 1:20, Colossians 1:15, at 1 Timothy 1:17. Pagdating sa salitang ‘pagpapakita’ tatalakayin natin ito sa paksa ng Theophany.

[2] Sa isipan ko kasi, mayroong pagkakaiba sa essence and attributes ng Diyos. Simply put, ang attributes (katangian) ay yaong kapahayagan ng essence (substansiya o existensiya mismo).

[3] Hehe sa ibang punto ang salitang ‘magulang’ ay may pabirong negatibong kahulugan, kung masasabi man talaga na ‘pabiro’ lang. Minsan kasi parang tunog seryoso. Well parang ganito, kung sasabihan ka, “Napakamagulang mo naman!” “Ang gulang-gulang mo!” “Magulang talaga to oh!” Kuha mo? Sa aming millennials, kuha namin iyan.

[4] Actually, ang salita o ang banal na pangalang ‘Yahweh’ ay mismong nagmula rito. May laro ng salita dito eh, pero for simplification, kapag ang Diyos ang bumabanggit ng Kanyang pangalan, sa halip na ‘Yahweh’ (which is third person), ang ginagamit Niya ay ‘Ehyeh’ (I AM).  Pero kapag ang tao na ang bumabanggit ng Kanyang pangalan, ‘Yahweh’ (third person form ‘HE IS’) na ang ginagamit. Kita mo? Sa wikang Hebreo ng Exodus 3:14-15, mas madali mo itong makikita: v. 11, “God said to Moses…thou shalt say unto the children of Israel, I AM hath sent me unto you…” v. 15, “Thus shalt thou say unto the children of Israel, The LORD (Yahweh) God of your fathers…” Yung capitalized na “LORD” ay actually ‘Yahweh.’ Sa halip na i-translate sa Ingles na ‘HE IS” (grammatical reason), ang ginamit ay “LORD” (ADONAI); ito’y kapahayagan ng lubos na paggalang ng mga Judio sa pangalang ito. Tumatawag ito ng malalim pang pag-aaral.