- Overview of the Article: Existence Precedes Discovery. Dapat mayroon muna, bago natuklasan. Time Gap. Eh kasi, di pa naman iyan technical na isyu sa panahon ng mga Apostol. Term-Making. Alam mo kasi kapag may natutunan ka, pinapangalanan mo yun. Oo nga.
Narinig mo na siguro ang salitang ‘trinity’ na ginagamit sa Diyos ano? Hmm..yung ‘Father, Son and Holy Spirit’…yes…iyan nga. Naalala mo na? Iyan ang series ng pag-aaral na sisimulan natin ngayon. Ang Diyos kasi natin – at least sa Evangelical Christian na pananaw – ay tinatawag na Trinity. Hindi ko muna ipapaliwanag rito ang theological meaning ng ‘trinity’ kundi ang isyu ng marami tungkol sa salitang ito na hindi naman daw mababasa sa Biblia, and therefore mabilis na conclusion o hatol agad nila na hindi raw ito biblical or tamang turo. Pero teka hinay-hinay lang…
Okay start tayo Kapinoy…(I suggest na magkape ka habang binabasa ako…)
Existence Precedes Discovery
Now…premise muna: bagamat ang salita na ‘Trinity’ ay hindi makikita o mababasa sa Biblia, yung katotohanan at kapahayagan nito ay malinaw na makikita o mababasa – kaya ganun ang title natin sa taas.
Okay, explain natin.
Totoo na ang Kristyanong katuruan ay dapat na Nasusulat at nababasa sa Biblia. Subalit may mga pagkakataon na yung absence ng salita o terminology ay hindi nangangahulugan na ang isang katuruan o katotohanan ay wala sa Biblia. Pumapasok kasi ang katawagan kapag mayroong ginagawang kapaliwanagan. Ha? Ano raw? Hay! Medyo matrabaho ito sa utak, hehehe.
Ano nga ulit? Okay heto:‘pumapasok ang katawagan kapag mayroong ginagawang kapaliwanagan.’
Gravity Illustration
Okay…halimbawa, ang salitang ‘gravity’ ay isang technical o scientific term para sa sabihin nating ‘humihilang puwersa’ ng planet earth. Alam naman natin (gamit ang karanasan at simpleng obserbasyon) na kapag may itinapon ka sa ire (liban sa mga nilalang na lumilipad) ay bumabagsak rin. Naging palaisipan ito sa mga siyentipiko kaya’t pinag-aralan nila; at ang pag-aaral nila ay dumaan sa mga kapaliwanagan hanggang sa umabot sa isang konklusyon at ang konklusyon ay binigyan ng katawagan – gravity. Ang katawagan ay bunga lamang ng pagkadiskubre o kapaliwanagan. Nag-i-exist na ang gravity at nararanasan na ito bago pa man ito particular na pinag-aralan sa siyentipikong pamamaraan. See the point? Now…ganyan rin sa salitang ‘trinity.’
Now, gamit ang logic sa itaas, in the same way, hindi natin mababasa sa Biblia ang salitang ‘trinity’ kasi:
- Latin Term. Ang katagang ito ay Latin (trinitas) na trinansliterate sa Ingles na ‘trinity.’ Ang Biblia ay orihinal na isinulat sa wikang Hebreo at Griego. Kaya’t paanong lalabas ang salitang Latin na ‘trinitas’ sa gayong mga wika? Kita mo yun? Hahanapin mo ba ang salitang ‘pagibig’ sa English dictionary? Oww…see the point?[1]
- Theological Concerns & Cultural Gaps. Mayroong time and cultural gaps sa pagitan biblical authors at ng mga theologian na nagbigay sa atin ng mga bansag sa mga bagay na inaral at ipinaliwanag nilang turo mula sa Biblia. Hmm…that’s a mouthful. Okay, halimbawa, ang Latin theologian na si Tertullian – na pinaniniwalaang unang gumamit o umimbento ng salitang ‘trinity’[2] ay nabuhay taong 155-250 A.D. Actually, tapos ng naisulat ang Bagong Tipan ng Biblia bago pa man siya ipinanganak.[3] At dahil hindi napag-ukulan ng pansin ng mga apostol ang pagbibigay katawagan sa tatlong persona ng Diyos[4] – sapagkat hindi ito lumabas na technical isyu noong panahon nila (sapagkat ang matingkad na isyu ay ang pagkaMessias ni Jesus) – ang mga sumunod na henerasyon ng mga Kristyano na nag-aral at nagpaliwanag ng kanilang mga turo ang siyang gumawa ng terminolohiya para sa ating ika-uunawa. Nakukuha mo ba ang point rito? At dagdag pa, kaugnay rito, imposibleng mabasa mo sa Biblia (bilang isang literature ng isang particular na kultura) ang lahat ng terminologies na kinakailangan para maunawaan ito ng lahat ng kultura at panahon.[5] Dagdag pa, ang wika o salita ay nagbabago sa bawat panahon kaya’t hindi maiiwasan ang pagbubuo ng mga salita o katawagan para ipaliwanag o tawagin ang isang bagay – gaya ng ‘gravity.’ Okay, balik tayo sa illustration ng gravity. Isipin mo: nag-i-exist na ang gravity (as a reality) sa panahon ng mga apostol at tiyak na alam rin ito ni Jesus. Magkagayon man, ang scientific term ay hindi pa nag-i-exist noong panahong iyon – ayon sa bansag at pagkakaunawa natin ngayon (gravity) – sapagkat ang lumikha ng terminong ito (Isaac Newton, gravitas) ay hindi pa nabubuhay. Gayunpaman, kahit na ang gravity bilang scientific term para sa invisible pulling force ay hindi pa ginagamit o pinasisikat na bansag ni Newton, ang realidad ng invisible pulling force na ito ay nag-i-exist na. Kuha mo? Kaya’t sa point no. 3…
- Terminology, Product of Study or Discovery. Kahit na ang salitang ‘trinity’ (gaya na rin ng sigarilyo, washing machine, television, milktea, cellphone[6] atbp) ay hindi makikita ng word-for-word o verbatim sa Biblia (Tagalog bersyon pa, kasi nga Latin ito eh…ano ba?), yung realidad naman nito ay makikita. Hay! Ang point number 3 actually ay mahabi at mahabang explanation, pero let me just simplify na kahit na ang term (trinity) ay hindi mababasa, ang description at dogma nito ay makikita o mababasa naman sa Biblia. Well, halimbawa, sinasabi sa Mateo 28:19 ang bautismo ‘sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo…’ Kita mo? May ipinapakitang tatlong persona na nagkakaisa sa iisang pangalan. Take note, hindi gumamit ng plural form ‘sa ngalan…’ Hindi sinabing ‘sa mga ngalan…’ Well, ang point ko lang dito ay: dahil may ipinapakita o dini-describe na tatlong persona, ang pag-aaral na inukol sa kanila o sa ganitong talata ay nagbunga ng ‘katawagan’ sa wikang Ingles na ‘Trinity’ na mula sa Latin na ‘trinitas’ ni Tertullian. And so, hindi purket ang modernong katawagan ay hindi mababasa sa Biblia eh nangangahulugan na yung substansiya o realidad ng gayong katawagan na bigay ng tao o ng mag-aaral sa gayong bagay ay hindi umiiral o hindi totoo. Naroon na ang katotohanan, nadiskubre lang natin; at sa ating discovery para hindi natin malimutan ang essensiya ay nilagyan natin ng katawagan (terminological formula) upang madali nating matandaan ang kapaliwanagan. Okay kunyari, napunta ka ng Jollibee, at gusto mo um-order ng tinapay na ang description ay: may palamang cheese, mayonnaise, at karne, ano ang sasabihin mo, ‘Pabili po ng….” Kuha mo? Ganyan din ang purpose ng salitang ‘Trinity.’
[1] Dito papasok ang distinction sa pagitan ng ‘abstract’ at ‘concrete’ reality; physical and metaphysical reality.
[2] Kung bibigyan ko ng bansag sa wikang Tagalog ang ‘Trinity’ ni Tertullian, hindi transliterasyon na ‘trinidad’ ang aking gagamitin kundi ang konseptong: ‘Sa-iisang-Tatlo’ o kaya’y ‘Tatlo-sa-Isa.’
[3] That is, since ang book of Revelation (AD 98) ang siyang huling aklat na naisulat sa Bagong Tipan.
[4] Ayon sa isyung kinaharap ng mga Church Fathers, lalo’t yaong humantong sa Council of Nicea 325 A.D.
[5] Ito ang siyang isyung madulas, mahabi, at mahaba. Theological contextualization. Example: maaaring sa mga Judio, sapat na ang expression na ‘in the name of the Father, and of the Son, and of the Holy Spirit’ (Matthew 28:19) to believe in the reality of what we theologically call ‘trinity,’ subalit sa isang lahi at kultura na may ibang takbo ng pag-iisip, maaaring hindi ito sapat; and therefore, a theologian needs to explain the essence of the Christian deity in terms na mauunawaan ng kulturang iyon.
[6] Ang mga sangkap o composition ng mga nito ay of course, galing sa material world.

