- Overview of the Article: 1. After Spirit L… Isang panibagong attribute ng Diyos. 2. Kapatid ni Omnipresence. Matalino ang Kapatid na ito; isa na namang nakakalulang hiwaga ng Diyos. 3. Ang Time-Turner ni Hermione. Pag-usapan natin ang iyong pag-aaral; ang iyong academic life.
Kasunod sa Espiritu, ang Diyos ay…
Sa labi mismo ni Jesus – ang Anak ng Diyos – bumukal ang isang datus tungkol sa kalikasan ng Diyos, Siya ay Espiritu (John 4:24). At bilang isang Espiritu na Diyos, Siya ay isang Banal na Trinidad, omnipresente sa presensya, anthropomorphiko at theophaniko sa paraan ng kapahayagan sa lupa, at ang kapangyarihan (omnipotencia) ay hindi nalilimitahan ng space and time. Ang mga banal na katangian na iyan ay pawang nakaugnay sa kategorya ng non-communicable attributes na bansag ng mga theologian. Sa madaling salita, mga katangiang likas sa Diyos lamang. At dahil likas sa Kanya (at hindi matatagpuan sa tao o sinumang nilalang), nahahayag sa atin na mahiwagang katotohanan.
Now, sa puntong ito, dadako naman ako sa isa pang biblikal na deskripsiyon sa Diyos. Ito’y matatagpuan sa sulat ni St. John – ang apostol na malapit sa puso ni Jesus. Ganito ang mababasa natin sa KJV ng 1 John 1:5,
“This then is the message which we have heard of him, and declare unto you, that God is light, and in him is no darkness at all.”
Ang Diyos ay hindi lamang isang ‘Being’ na Spirit, kundi inilalarawan rin Siya bilang liwanag. Kung isasaalang-alang ang konteksto ni St. John sa chapter na ito, masasabi ko na ang immediate context ng ‘light’ ay may kinalaman sa katotohanan.[1] Ang ibig sabihin, ang paglalarawan sa Diyos bilang ‘liwanag’ ay tumuturo sa Kanyang attribute o katangian bilang Katotohanan.
Ang ‘God is light’ ay may napakayamang theolohikal at pilosopikal na katotohanan, subalit bilang pambungad na pagbubulay, lilimitahan ko lamang sa apat na sahog[2] ang aking pagbibigay kahulugan sa katangian o kalikasang ito ng Diyos. Sa papel na ito ay tatalakayin ko lamang ang isa (para naman may thrill ng ‘reveal’ sa susunod na mga pagbubulay).
Ang Unang Sahog ng Liwanag ng Theos
Okay, ang unang sahog ng pagpapakahulugan ko sa katotohanang ang Diyos ay liwanag ay omniscience. Let me explain: ang liwanag ng Diyos ay nakaugnay sa Kanyang kalikasan bilang Espiritu. Hindi pwedeng ihiwalay ang kalikasan ng Diyos bilang Liwanag sa Kanyang kalikasan bilang Espiritu. Sa katunayan, bagamat ang ‘liwanag’ ay tinukoy kong ‘katangian’ ng Diyos, marahil mas tumpak na sabihin na ito’y kalikasan ng Diyos.[3] Sa madaling salita, kung ang liwanag ng Diyos ay partikular na nakaturo sa Kanyang katotohanan, dapat lumabas (sapagkat Siya’y Espiritu) na ang Kanyang katotohanan ay omnisciencia – iyon ay, alam Niya ang lahat. Ang Diyos ay hindi lang dapat na totoo sa isang lokal na punto, kundi sa lahat ng punto. Ang Diyos ay hindi lang dapat na totoo sa isang bahagi, kundi sa kabuoan. Sapagkat kung ang Diyos ay omnipresente (sumasalahat), lohikal ring isipin na Siya’y omnisciente (nakakaalam sa lahat). Gayundin naman, dahil ang Diyos ay Espiritu, ang Kanyang isipan ay hindi kulong sa espasyo at panahon. Ito ay tuktugatog rin![4] Ito ay ‘simul ability’ rin.[5] Ah, nakakalulang talakayin ito. Pero ang simple lang na gusto kong palabasin ay ito: ang kaalaman ng Diyos ay hindi dumadaan sa proseso ng pagkakaalam o pagtuklas. Ang Kanyang kaalaman ay ‘ever-present-knowing’ o ‘laging-alam.’ At dahil rito, hindi Siya nasusurpresa sa anumang nangyayari – yamang ang Kanyang isipan ay hindi limitado ng time and space. Kaya nga, ang omniscience ng Diyos ay dapat na iugnay at ipaliwanag kadikit sa Kanyang omnipresence (and actually pati na rin sa Kanyang omnipotence—pero ibang [mahaba at mahabing] usapan iyan). Iyan din ang dahilan kung bakit binansagan ko ang omniscience ng Diyos bilang ‘matalinong kapatid ni omnipresence.’ Hehe.
Ang Time-Turner ni Hermione
Sa mundo ng Harry Potter, sa Harry Potter and the Prisoner of Azkaban, natuklasan nila Harry at Ron na isa pala sa dahilan ng talino ni Hermione ay dahil sa isang magic tool (Time-Turner) na nagbibigay sa kanya ng kakayahan na bumalik ng ilang oras sa nakalipas na kaganapan. At least, according sa Croaker’s Law, ‘five hours’ ang safety limit. Anyway, ng dahil sa magic tool na ito, nagagawa ni Hermione na malaman ang bagay-bagay, lalo’t ang mga sagot sa kanilang exams – iyon ay, kapag naubusan siya ng time para mag-review. Now isipin mo ito: bakit tayo nag-aaral? At kapag sinabi kong ‘nag-aaral’ hindi ko lang tinutukoy ang isang akademikong pag-aaral, kundi general na pag-aaral para sa layuning malaman ang isang bagay – kahit yung panonood ng ‘DIY’ or ‘How to’ sa YouTube. So bakit tayo nag-aaral? Well basically, kasi, mayroon tayong hindi alam at gusto nating malaman iyon. May bagay na ignorante pa ang ating isipan. Kaya’t sa proseso ng pag-aaral, naghahanap tayo ng mga libro o mga tao na dalubhasa o may alam hinggil sa bagay na hindi pa natin alam. Pero sa proseso ng pag-aaral (focus na lang ako sa academic), dadaan tayo sa hakbang ng pagbibigay ng panahon at paghahanap ng lugar (time and space). Kaya’t pumupunta tayo sa school or sa YouTube. Magsi-set tayo ng time para puntahan ang ‘place’ na ito at naghahanap tayo ng ‘expert’ sa field of knowledge (or academic track: STEM, ABM, HUMSS, at GAS) na ating interest. At heto ano, the fact na mayroong iba’t ibang academic track ay nagpapakita lamang na ang term na ‘expertise’ ay nagpapahiwatig ng limitation. Ang ibig sabihin, kung ikaw ay expert sa HUMSS, usual na lalabas na di ka expert sa STEM. Why? Sapagkat limited ka sa time (schedule-interest-attention) and space (body-energy). At kahit na si Hermione ay may kakayahang i-manipulate ang time, nakakabalik lamang siya ng 5-hours; at kapag bumalik siya sa ‘Past-5-Hours,’ hindi siya physically and intellectually present sa kaganapan ng Present Time—and so mayroon pa rin siyang na-miss.[6] Hence, limited pa rin siya. At bagamat, may mga hinahangaan tayong matatalino sa academic (lalo’t kung genius scientist na ang pag-uusapan), gayunpaman, ang kanilang pagiging ‘matalino’ ay lalabas na limitado pa rin – gamit pa rin ang simple na illustration na nailatag ko na. May mga matatalino akong kilala, pero hindi nila alam kung paano magluto ng ‘pakbet.’ See? Iyan ang pag-aaral! Isang kahanga-hangang paraan ng tao upang magkamit ng ‘kaalaman’ – diploma, bachelor, master at doctorate. Gayunpaman, ang napakatalinong tao ay hindi pa rin omniscient. Subalit pagdating sa Diyos, Siya ay hindi nag-aaral. Ang isip Niya ay hindi dumadaan sa proseso ng pag-intindi, pagtuklas, pagsusuri, o pag-iisip.[7] Siya ay ‘Alam’ o ang Dakilang Alam.
[1] Basahin ang mga susunod na verses: 1 John 1:6-10. Kontra sa katangian ng Diyos (na buong katotohanan), kadalasan na ang tao ay sinungaling; hindi nagsasabi ng ‘buong katotohanan.’ Kadalasan, ang katotohanan na sinasabi at ipinapakita ng tao ay ‘half’ lang – parang balita sa Social Media o sa TV, may pinapanigan, may camera angle. Kung hindi aaminin ng tao ang kanyang kasalanan, hindi siya mauugnay sa katotohanan and worse is, wala siyang matatanggap na kapatawaran sa Diyos (v.9). Mahalaga ang pag-amin sa kasalanan. Iyan ang immediate context ng ‘God is light.’
[2] Ginamit ko ang salitang ‘sahog’ sapagkat alam mo yun, para sa isang ulam, lahat ng rekado, sangkap o naroroon ay nagko-contribute para sumarap ang isang ulam. Kapag nagluluto ako ng sinigang, hindi lang dapat may sinigang mix (hehe), kundi dapat may talong, may kamatis, petsay… at iba pa. Now, theologically speaking, hindi lamang apat na sangkap ang bumubuo sa ‘theolohikal na sarap’ ng God is light, but syempre, ang paglulutong ginagawa ko rito ay isa lamang pambungad.
[3] Sapagkat ang ‘liwanag’ ay hindi lamang ekspresyon ng Diyos kundi essensiya ng Diyos. Gayunpaman, ang liwanag na tinutukoy ko ay hindi dapat na ituon sa nakasanayan nating ‘ilaw’ kundi mismong sa ‘katotohanan’ na sobrang lapit na nakaugnay sa usapin ng existensiya at ontolohiya.
[4] See Lesson 5. https://pinoyapologista.com/2026/08/29/god-is-spirit-ang-lupet-pala-ng-ibig-sabihin-niyan/
[5] Tinalakay ko sa Lesson 6. https://pinoyapologista.com/2026/09/05/diyos-ay-espiritu-ang-kanyang-mata-na-ibang-iba-sa-ating-7-11-na-pagtingin/
[6] The thought experiment is: kapag bumalik ka sa Past, ang Present ay nagpapatuloy kahit wala ka. Pero ano ang dagdag na question is: Anong Present ang babalikan mo? Yung iniwan mong sitwasyon? O yung nagpatuloy na Present na iniwan mo, na future na actually.
[7] Dahil rito, itinuturing ko na ang mga katagang ‘plan’ o ‘purpose’ sa Biblia na ginagamit sa Diyos ay anthropomorpiko rin na pananalita.

