Pinoy Apologista

PER STILUM VINDICTA


Espiritung Diyos: Hindi Nakikita ngunit Nagpapakita. Pero Nakita Mo na ba Siya?

  • Overview of the Article: (1) Immaterial World. May kakayahan silang magpakita ngunit kaya ba silang makita ng ating Siyensiya? (2) Science & Gossip. Madalas ang scientific observation ng tao sa spiritual world ay parang tsismis lang. (3) 5 Senses in Eden. Ang pagpapakita ng Diyos ay lokal, personal at partikular.

Ang Pagpapakita ng Spiritual World at ang Scientific Eye ng Tao

Ang Diyos ay Espiritu; Siya ay ‘incorporeal’, yun ay, walang pisikal na katawan. Gayunpaman, upang makipag-ugnayan sa taong pisikal at nasa materyal na mundo, ang Diyos ay gumagamit ng mga ‘pagpapakita’ o manifestation na kayang maintindihan at maging madama ng ‘5 senses’ ng tao. Sa Theology, ito ay tinatawag na ‘Theophany.’[1] Ito ay tambalang salita sa Griego: ‘theos’ – Diyos at ‘phaneia’ – pagpapakita. And so, literal na nangangahulugang ‘pagpapakita ng Diyos.’ And by the way, yung salita mismo natin na ‘pagpapakita’ ay isang interesanteng salita. Sapagkat ito ay nagpapahiwatig na may mga bagay na hindi makikita hanggat hindi sila magpapakita sa ating ‘kita’ o mata. Kuha mo? Nabuo ang salitang iyan sapagkat ang buhay ay hindi pinapairal lamang ng materialistikong realidad. Mayroong ‘immaterial’ o di-material o ‘incorporeal’ o di-pisikal na realidad na umiiral na hindi familiar sa ating physical na paningin. At yamang ang ‘immaterial’ ay higher or upgraded kumpara sa ‘material,’[2] we can assume na ito ay may kakayahang ‘magpakita’ o gumawa ng ‘pagpapakita’ sa material na mundo. Isipin mo ito: tayo dito sa materyal at pisikal na mundo ay hayag na hayag sa paningin ng immaterial na mundo.[3] Wala tayong kakayahan na sila’y makita – kahit na anong dunong na scientifical at technological ang mayroon tayo ngayon. Honestly, interesado akong malaman kung makakabuo ba ang Tao ng mga equipment para makita ang immaterial na mundo. Masalimoot itong usapan sa totoo lang. Pero isa sigurong magandang thought experiment ay kung may equipment o paraan ba ang material na mundo na makita ang espirituwal na mundo na hindi mangangailangan ng tinatawag na ‘divine intervention.’ Parang sa invention ng telescope at microscope, may mga sangkap ba o elemento sa planetang earth o sa milky way galaxy na pwedeng makatulong sa ating science para maagapayan ang ating pisikal na paningin para makita ang immaterial na mundo? Well, naitanong ko ang bagay na iyan sapagkat matagal ng paghahanap ng ating siyentipikong mundo ang mga bagay na ebidensiya para sa afterlife o immaterial world.  At dahil hanggang ngayon ay bigo pa rin silang makita ang mga ebidensiya ng immaterial na mundo (sa punto de vista ng siyensiya), nagiging konklusyon nila na ang realidad ay pisikal at material lamang. Gayunpaman, ang ganyang konklusyon ay itinuturing na bunsod ng presuppositional na problema na kung saan dulot ng fundamental na premise na: ‘Kung hindi mapatunayan ng siyensiya ay hindi totoo.’ Sa ganyang pananaw, ang science kung gayon, na nakabase sa material na mundo, ang awtoridad na nagdideklara ng kung ano ang realidad at kung ano ang pantasya lamang ng religion. Kuha mo?

Ang Scientific Eye ay parang Tsismis Lang

Now, syempre, sa ating mga Kristyano, hindi tayo ganyan mag-logic. Hindi ganyan ang ating worldview. Hindi tayo materialist at naturalist o atheist sa ating presupposition. Ang pananaw natin sa mundo o sa sansinukob ay nakapundasyon sa presensya o existensya ng Diyos – ng Diyos ng Biblia, si Yahweh. Therefore, ang tingin natin sa science ay tagapaglingkod lamang ng Diyos. Sa Kristyanong pananaw, para pa rin sa Diyos ang siyensiya sapagkat ang material na mundo ay nilikha ng Espiritung Diyos. Gayunpaman, ang problema kasi ay ito: ang tao na nag-aaral ng mundo (science) ay may mga kahinaan, kakulangan, at limitasyon—gamit lamang ang kanyang 5 senses. At dahil rito, ang kanyang mga pag-aaral at konklusyon ay dapat na dumaan sa maingat na beripikasyon (verification). At yun nga, minsan o madalas pa nga, hindi maingat at tumpak ang ating beripikasyon. At gamit ang lohika – na isang mainam na gabay para sa 5 senses ng tao – kung ang ‘premise’ ng utak ng scientist ay pupundasyon sa isang pananaw na ‘walang Diyos’ at ‘walang immaterial’ na mundo, ang proseso ng kanyang beripikasyon ay magiging bias. Okay, parang ganito lang iyan. Halimbawa, may narinig kang ‘tsismis’ tungkol kay ganito at ganyan na kesyo ganito siya at ganun. May kilala ako na binansagan ang ‘tsismis’ na isang form raw ng data gathering. Haha. Now ito, let’s say na ang source ng tsismis (or info…hehe) na nakuha mo tungkol kay ganito at ganyan ay galing mismo sa malapit mong kaibigan. At nagkataon na yung pinagkunan din ng malapit mong kaibigan ng tsismis-info ay mga kabarkada n’yo rin. Ngayon ang tanong ko ay ito: hindi ba’t napakalaki ng tendency o ng percentage sa isip mo na paniwalaan ng higit ang word of mouth ng best friend mo at ng mga kabarkada n’yo tungkol sa tsismis na napakinggan n’yo? Bakit? Bakit malaki ang percentage na tanggapin mo na lang na totoo or best to say ‘whole truth’ yung sinabi ng best friend at dabarkads n’yo? Because…because…sige ano? Kasi…pikit ka muna…1-2-3…kasi…simple! Friend mo eh. Kabarkada n’yo eh. And so, usually, you don’t have concern for the other side of the story because you don’t care for the other party. At ano nga ang tawag diyan? ‘Bias.’ Sa Ethics, ang tawag diyan ay ‘injustice.’ Hindi patas, unfair, at luto na – may personal conclusion ka na sa utak-puso mo kahit na hindi mo pa nakikita ang buong ‘cross-examined’ na ebidensya ng kabuoang istorya.

At ganyan ang basis ng ‘logic’ (oxymoron to actually) ng maraming Filipino o kaya’y kapitbahay natin; o kaya’y ng mga propesor sa unibersidad at pati na rin ng mga mag-aaral. Sa halip na proseso ng right thinking (mental) ang pairalin, puso ang pinapairal. At ganyan ang basis ng maraming kesyo scientific studies sa panahong ito. Tataguriang ‘scientific’ ang pag-aaral pero hindi naman ‘objectivity’ (proper thinking) ang pinapairal kundi subjectivity (feelings). At resulta niyan: bias conclusions. See? Hindi matanggap ng maraming siyentipiko na mayroong ‘immaterial world’ at mayroong Diyos sapagkat hindi nila kayang isuko na ang kanilang premise tungkol sa empirical method (based on 5 senses) ng science ay limitado para sa isyu ng pagpapatunay o pagpapabulaan sa existensiya ng immaterial na mundo. Kita mo na? Just remember the ‘tsismis’ at gets mo na ang point na ito. Hehe.  

God’s Condescension: Pagpapakita ng Diyos sa ating Level

Now, balik tayo sa ‘pagpapakita ng Diyos’ or His theophany. Hindi mahirap sa Diyos ang ‘magpakita’ sa material world sapagkat Siya ang Creator. Bilang Creator at Designer, natural na alam Niya kung paano Niya maihahayag ang Kanyang Sarili sa tao. Alam Niya ang entry point, alam Niya ang passcodes, at alam Niya ang ‘combinations.’ Gayunpaman, sa tingin ko’y mahalagang malaman na sa ‘original’ – that is, sa panahon ng Eden – walang hadlang sa five senses ng tao na maranasang direkta ang supernatural presence ni Yahweh. Yung “God said” sa Genesis 1:29 na kung saan ay kinakausap Niya ang Tao ay nagpapakita na mayroong klarong komunikasyon sa pagitan ng Diyos at Tao. Ang Diyos ay naririnig ng Tao; at dapat na naririnig sapagkat paano magiging malinaw at susundin ang utos kung hindi objective na napakinggan? Sa katunayan, kahit na noong sariwang nagkasala sina Eba at Adan, narinig pa rin nila ang tinig ng Diyos, na ayon sa sinasabi ng talata ay: “Narinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos na lumalakad sa halamanan sa kulimlim ng araw…” (Genesis 3:8). Ang description rito ay isang halimbawa ng theophany o pagpapakita ng Diyos. Pero…hmm, may something na interesting rito. Una, given na ang description rito ay literal, lumalabas na ang espirituwal na presensya ng ‘Panginoong Diyos’ ay nagawang ma-sensed ng kanilang five senses – iyon ay particular sa pamamagitan ng kanilang pisikal na tenga (“narinig nila”) at pati na rin ng kanilang pisikal na mata – sapagkat ang particular na lokasyon na kinaroroonan ng Panginoong Diyos ay ‘lumalakad sa halamanan.’ Kaya nga, dito ay makikita natin na ang espirituwal na presensya ng Diyos ay may kakayahang ‘magpakita’ (theophany) sa ating material at pisikal na kinalalagyan. Bagamat ang presensya Niya ay sumasalamat, ngunit ito ay nagagawa ring maging partikular na presente sa isang lokalidad para sa partikular na pakikipag-ugnayan sa taong Kanyang kakausapin – sa puntong ito ay sina Adan at Eba. Ikalawa, kapansin-pansin sa akin ang pagkakaayos ng pangungusap: “Narinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos na lumalakad sa halamanan…” Teka, yung ‘lumalakad’ ba ay nakapatungkol sa sino o sa ano? Ang ibig kong sabihin, ang ‘lumalakad’ ba na tinutukoy ay ang ‘Panginoong Diyos’ o ang ‘tinig ng Panginoong Diyos’? Syempre, maituturing na anthropomorpiko lang ang salitang ‘lumalakad’ sapagkat ang Diyos nga ay Espiritu at syempre gayundin naman ang ‘tinig.’ Magkagayon man, ang ganitong pagkakasalin sa wikang Filipino ay medyo nakakalito o kaya’y nakakatawag ng pansin sapagkat pwedeng lumabas sa pangungusap na ang ‘lumalakad’ ay pwedeng tumukoy sa ‘tinig ng Panginoong Diyos’ at hindi lamang sa ‘Panginoong Diyos.’ Kuha mo? Pero ayon kay Keil & Delitzsch, ang ‘tinig’ (voice) ay tumutukoy raw sa ‘tunog’ ng paglalakad ng Panginoon.[4] And with that observation, ang dapat kung gayon na translation sa Tagalog ay hindi ‘tinig’ kundi ‘tunog.’ Kaya’t sa MMB na bersyon ay ganito ang pagkakasabi, “Nang dapit-hapon na, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoong Yahweh, kaya’t nagtago sila sa mga puno.”

Well, sa lahat ng ito, ang gusto ko lang ipunto ay ito: ang Diyos ay may kakayahang magpakita o makipag-ugnayan sa atin sa paraang mauunawaan o mararanasan ng ating five senses. Gayunpaman, sa punto ng pagpapatunay ng Kanyang supernatural at espirituwal na existensiya at substansiya, hindi (sapat na) batayan ang ating five senses gamit ang empirical method ng science upang ganap na patunayan ang Kanyang realidad. May kakayahan Siyang mag-condescend or mag-lower down sa ating level, subalit tayo ay walang kakayahan na mag-ascend sa Kanyang level. Ang ating tugon at tungkulin sa mundong ito ng kasalanan at limitasyon na tumatakip sa ating pisikal na paningin ay ang manampalataya na Siya ay umiiral kahit na hindi natin Siya nakikita.[5] At sa totoo lang, challenging ang manampalataya kasi “walang sinumang nakakita kailanman sa Diyos” (John 1:18).[6]


[1] Ang pinaka sikat na Theophany ay ang ‘Burning Bush’ sa Exodus 3 at pati na rin ang Pillar of Cloud and Fire na gumabay sa paglalakbay ng Israel sa Ilang sa ilalim ng pamumuno ni Moises

[2] 1 Corinthians 15:40, then ituloy ang logic nito sa verses 41—44

[3] Pwedeng tingnan ang Matthew 18:10, Luke 15:10, at 1 Corinthians 4:9

[4] …as soon as they heard the sound of His footsteps. The voice of God is not the voice of God speaking or calling, but the sound of God walking…” Comments on Genesis 3:8.

[5] Hebrews 11:6

[6] Pero tuloy mo ang pagbabasa sa talata para sa dagdag na palaisipan. Hay! Puro palaisipan. Hehe.