Pinoy Apologista

PER STILUM VINDICTA


Diyos ay Espiritu: Ang Kanyang Mata na Ibang-Iba sa ating 7-11 na Pagtingin

Overview of the Article: Mata sa Genesis 1:31. Isang unibersal na pagtingin ng Maykapal sa lahat ng bagay. 7-11 Illustration. Pag nakuha mo ang ilustrasyon na ito, ma-gets mo ang Mata ng Diyos. Mababaliw ako. I mean, ang sobrang lalim ng paksang ito…God level eh. Yung akala mong sobrang puti…at klaro na…may itim na bahagi pala.


Tinalakay natin sa Lesson 5 na ang Diyos ay Espiritu. At sa araling iyon, natunghayan natin ang isang theolohikal na kahulugan ng pagiging ‘Espiritu’ ng Diyos sa punto ng transcendence.[1] At sa pagkakataong ito, isa na namang katangian na nakapaloob pa rin sa Kanyang ‘n-c A’, partikular sa Kanyang pagiging Espiritu ang aking tatalakayin – may kinalaman sa immanence or omnipresence.[2] Isang malalim at matagalang talakayin ang paksang iyan sa Theology, ngunit ipapaliwanag ko sa pambungad na pamamaraan.

Ang Mata ng Diyos sa Genesis 1:31

Isang araw, habang binabasa ko ang creation account sa Genesis 1, may kakaibang napansin lang ako sa v. 31 na nagbigay paalala sa akin sa kapangyarihan ng Mata ng Diyos. Sa wikang Ingles (NKJV), ang pagkakasabi ay, “Then God saw everything that He had made…” Now, medyo naiiba ang pagkakapahayag ni Moises sa talatang ito kumpara sa vv. 4 ,10, 12, 18, 21, at 25. Gamit ang wikang Ingles, paulit-ulit ang katagang ‘that it was good’ sa mga verses na iyan na nakaugnay sa ‘God saw.’ Ang Mata ng Diyos ay may nakitang mabuti, at syempre ang mabuting iyon ay walang iba kundi ang Kanyang mga nilikha – lalo’t sa kalagayang hindi pa pumapasok ang kasalanan sa sanlibutan. Kung babasahin mo ang Genesis 1, mula sa unang araw hanggang sa ika-anim na araw ng paglikha, kino-conclude ng Diyos ang Kanyang partikular na sining sa pamamagitan ng tinging nalulugod sa kabutihan ng Kanyang gawa. Ngunit may something na pagtingin Siya sa ika-anim na araw na sa pakiwari ko’y naiiba sa pagtingin Niya sa una hanggang ika-limang araw; yun ay dahil sa hindi lamang pagtingin sa partikular Niyang ginawa sa ika-anim na araw ang Kanyang tinitingnan, kundi mismong ang lahat na ng Kanyang nilikha (i.e. from day 1 to day 6)– ‘Then God saw everything that He had made, and indeed it was very good.’

Ang gusto kong ipunto sa obserbasyon na iyan ay ito: ang Mata ng Diyos ay kayang tumingin sa lahat ng bagay na Kanyang ginawa – that is, sa buong universe, sa material man na mundo at maging sa immaterial. Syempre, mahihirapan akong isa-isahin ang ‘everything that He had’ sa article na ito; impossible. That’s why, nakikita ko na ang pangungusap sa Genesis 1:1 na, “In the beginning God created the heaven and the earth” ay isang payak na pagsasabuo o pagbubuod ng ‘everything’ na nilikha ng Diyos. Sa wikang Hebreo, ang ‘lahat’ ay tinatawag na ‘kole kole’ – may pag-uulit ng salita, kumbaga parang gustong sabihin, ‘lahat lahat.’ I mean, yung buo – walang kulang; lahat! Samantala, nakita ko rin na sa LXX, sa wikang Griego, ang ginamit ay ang salitang ‘ta panta.’ Isang pamilyar na salita para sa akin. Ang salita na iyan, lalo’t sa konteksto ng Genesis 1 ay tumutukoy sa lahat – lahat ng nilikha ng Diyos; sa langit at sa lupa. And by the way, ang katagang ‘langit at lupa’ ay isang simpleng kataga na kung tawagin ay ‘merism.’ Ito ay isang paraan ng pagsasalita na kung saan gusto nating ilarawan o tukuyin ang isang kabuoan. Okay halimbawa, sa opening song noon ng ‘Eat Bulaga,’ may part ng lyrics sa kanilang awit na nagsasabing ‘mula Apari hanggang Jolo.’ Now, gamit ang katagang iyan, gusto lang nilang palabasin na ang sakop na naaabot ng kanilang programa ay hindi lamang sa Manila, kundi mula Apari hanggang Jolo, na ang ibig sabihin, buong Pilipinas. It’s a way of saying nila na, ‘Naaabot ng programa namin ang buong Pilipinas.’ Now, as you see, hindi naman binabanggit sa kataga na naaabot ang Cavite, Batangas, Laguna at iba pang mga partikular na lungsod at probinsya sa Pilipinas. Pero yun nga, gamit lang ang katagang ‘mula Apari hanggang Jolo’ gustong ipahiwatig ng kataga na naaabot ng programa ng Eat Bulaga ang buong Pilipinas. Kuha mo? Iyan ang ibig sabihin ng merism. At ganyan nga rin ang makikita natin sa katagang ‘langit at lupa.’ Bagamat hindi nabanggit ang dagat, ang America, Pilipinas, solar system, milky way galaxy, andromeda, comets, black holes, Jupiter, Nile River, Switzerland, ang pangalan ng Nanay mo, Tatay mo, asawa mong nasa abroad na may querida na, estudyanteng nasa Café sa halip na nasa School, babaeng kasama ng jowa niya na isang buwan ng buntis at di alam ng Mama niya, ang magsasaka sa Tarlac na banas-na-banas sa Presidente, ang strawberry farm sa BSU na malapit sa puso namin ni Mrs, si Rambo sa Baguio City at pati na rin si Sheena na wala pa ring jowa, at iba pang bagay sa created universe– sila’y included na sa katagang ‘langit at lupa.’ At yun nga, lahat ng iyan ay nakikita ng Diyos.  And actually, dagdag pa, ang ‘langit at lupa’ na kataga ay hindi lang tungkol sa material universe, kundi pati na rin sa immaterial universe – sabi ni St. Paul, ‘visible and invisible.’[3] Now gets mo na?  And so, nang isinulat ni Moises ang datus o theological niyang obserbasyon na, “Then God saw everything that He had made…” gusto niyang palabasin (at ewan ko kung nasa kaisipan niya ito) na ang Diyos ay may kakayahang tingnan ang lahat ng bagay na Kanyang ginawa. Okay? So clear ang point ko? Sure.

Palaisipan: Paano Nakakakita ang Diyos?

Pero, ang simpleng tanong siguro ay ito: ang pagtingin ba ng Diyos ay paisa-isa o sabay-sabay – o sa Ingles ay simultaneous? Yamang sinasabi sa talata o sulat ni Moises na “At nakita ng Diyos ang lahat ng Kanyang nilikha…” sa tingin ko’y isang mahalagang theolohikal na tanong ang: paano Niya ito nakita? Isa-isa ba o sabay-sabay?

Okay, ilatag ko muna ang ganitong scenario. Halimbawa, kapag sinabi kong magkita tayo sa 7-11, sa ganitong lugar at sa ganitong oras, tiyak na ang gagawin natin ay ang talagang magtagpo sa lugar na iyon na ating pinag-usapan. Now, bilang mga taong may paningin na syempre ay konektado sa ating pag-iisip, ang ating hahanapin at pupuntang lugar ay yaong 7-11 (sa ganitong lugar at oras). Hindi tayo maghahanap at pupunta sa ibang lugar na hindi naman 7-11. Pero pansinin mo ito: para makita mo ang 7-11 na ating tagpuan, kailangan mong pumunta roon sa ganitong lugar at oras na ating pinag-usapan. Hindi mo nakikita ang 7-11 sa bahay na tinitirhan mo (maliban nga lang kung kapit-bahay mo ito) sapagkat ito’y malayo sa lugar at syempre malayo rin sa paningin mo. At isa pa, let’s say na ang oras ng pagkikita natin sa 7-11 ay araw ng Sabado, ala-5 ng hapon; and let’s say, na pinagkasunduan natin ang meet-up na iyan ng araw ng Lunes. Of course, hindi mo makikita ang 7-11 sa araw ng Lunes, maging Martes, Miyerkules…and so forth, kasi nga, ang pagkikita natin sa lugar na iyan ay araw ng Sabado, alas-5 ng hapon. Gets mo? So ang point ko is: bagamat tayong tao ay may paningin, pero ang ating nakikita (maging ‘nakita’ at ‘makikita’) ay limitado ng espasyo at panahon (space-time). Ang ating pagkakita ay konektado sa kinalalagyan nating lugar at oras. Kuha mo? As in…gets mo Kapinoy? Mahalagang gets mo kasi magsisilbing susi ang senaryong iyan para kahit papaano’y maintindihan natin ang ‘paraan’ (paano) ng pagtingin ng Diyos.

Now ito pa, tuloy pa natin ang scenario. Let’s say, dumating na ang araw ng Sabado, alas-5 ng hapon at parehas na tayong pumunta sa 7-11. Pero may isa pang problema (at least, isa sa mga problema): hindi kita makikita kung ako’y nakatalikod. Ang mata nating tao ay nakalagay lamang sa isang partikular na lokasyon sa ating katawan – di tulad sa anime, may mga karakter na mayroong mata sa kamay at pati na rin sa likod – pero, gustong-gusto ko ang mata o Rinnegan ni Pain sa Naruto world. Anyway, balik sa point: kapag hindi ako nakaharap, hindi kita makikita; limitado ang scope ng aking mata batay na rin sa lugar na kinalalagyan nito sa katawan ko. Okay. Gets? Sure. Ikaw pa.  

Ang Mata Natin ay Di Mata ng Diyos

Now, sa lahat ng sinabi kong iyan na kung saan ay ipinakita ko sa iyo ang limitasyon ng ating paningin o mata, lahat ng limitasyon na iyon ay ‘huwag’ mong i-apply sa Mata ng Diyos. Pikit ka muna ng 30 seconds…at limiin o pag-isipan mo lang iyan ng mabuti. 1,2,3, go…

Now, kita mo? Kita mo ang kadakilaan ng paningin ng Diyos? Napupuno ba ng pag-iisip at napakaraming palaisipan ang isipan mo tungkol sa Mata ng Diyos na hindi sakop ng ating limitasyon? Kung Oo, that’s good. Iyan ay tatawag sa iyo sa patuloy pang pag-aaral tungkol sa katangian at kapangyarihan ng paningin ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit kina-capitalize ko ang ‘M’ sa ‘Mata’ ng Diyos. Sobrang dakila kasi ng Mata ng Diyos kumpara sa ating mata. Ang Kanyang Mata ay hindi limitado ng espasyo at panahon. Di gaya natin (7-11 illustration), nakikita Niya ang lahat ng bagay – ng sabay-sabay at isa-isa. At kapag sinabi kong sabay-sabay at isa-isa, kasama na rin dito ang lahat ng kanilang detalye, hanggang sa kasulok-sulukan nito.[4] At ang pinakamalupet pa nito, kung ilalagay ko ito sa usaping Pilosopiya, lalabas na nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay ng sabay-sabay at isa-isa, hindi lamang sa punto ng espasyo o kinalalagyan nila, kundi maging sa punto ng oras o panahon.  Ah! Iyan ay isang malalim na usapin na ayokong talakayin sapagkat mababaliw ako. Hehe.


[1] Minsan pa, pati na rin ang pagiging Trinity ng Diyos ay mailalagay ko sa Kanyang katangian bilang ‘Espiritu.’

[2] Simpleng nangangahulugan lang na ang Diyos ay sumasalahat. Walang sulok sa Kanyang nilikha na hindi kinaroroonan ng Kanyang presensya. That’s why, ‘omnipresent’ – omni  is ‘all’ present is ‘presence.’ Isang biblikal na halimbawa ng pagkilala ng tao sa ganitong abilidad ng Diyos ay matatagpuan sa Psalm 139:7-13.   

[3] Colossians 1:16

[4] Ang isang Netflix illustration na pwede kong ibigay rito ay yung ‘3 Body Problem’ na series. Ah…ang ganda niyan. Yung super technology ng alien para ma-monitor nila ang lahat ng galaw sa planet earth, as in astig. Parang ganun ang illustration, nasa episode 5 ng Season 1, ‘Judgment Day.’ I super love it!!! Tayong tao, masyado lang tayong nabi-bigdeal talaga ng mga panlupang pangyayari. Nakakalimutan natin ang realidad ng ‘universe’ – na may higit pa sa atin mundane problem. Ah…in a sense, nakakapagod maging tao!