Sa sandaling silakbo ay humupa
Agresibong kilos ay ikakabigla1
Nagdilim na pagkapadalos ikatutunganga
Pira-pirasong basag ikatutulala.2
Tanging paninisi ang ikahuhupa3
ng katangahang ikaw ang may gawa.
GABAY SA INTERPRETASYON NG TULA
- Sa ekpresyong Filipino, kapag naibuga na ang lahat ng galit sa pamamagitan ng iba’t ibang destruktibong kilos ng bawat bahagi ng katawan; kapag naubos na ang lahat ng gasolina na nagpapaapoy sa mapusok na kalooban; at kapag nakita mo na ang mga bunga ng apoy na iyong ibinuga (na parang dragon sa pagmumukha), madalas sabihin, “Nagdilim na kasi ang paningin ko eh.” Sa marami ko na ring nakaharap na mga sitwasyon sa buhay, hindi ko malilimutan ang mga kwento at balita na gaya ng: ang biro sa inuman ng barkadahan sa lugar ng Tarlac ay nauwi sa saksakan. Ang kara-krus sa isang baranggay sa Cavite ay nauwi sa madugong suntukan. Ang batang umakyat sa puno ng bayabas na pagmamay-ari ng isang Squidward na kapit-bahay doon sa Pangasinan ay bumagsak na handusay at pilay at nauwi sa isang-linggong paghiga sa Ospital ng dahil sa tirador ng kapitbahay – na suportado ng ilang kapitbahay sa pangungusap na, “Buti nga sa iyo, patay gutom at napaingay mong bata kasi!” Ang anak na babae na gabi ng umuwi ng bahay ay kinabukasang pumasok na may sunglass ng dahil sa ayaw ipakitang ‘black eyes’ na handog ng kamao ng nag-aalalang tatay, na minsan lang magalit, pero kapag napuno ang salop ay talagang lintik lang ang walang latay. (Footnote lang: Eh pambihira sa panahong ito, ang lakas na ng loob ng mga pasaway na kabataan ng dahil sa mga batas ng Kongreso at Senado na pinipigilan o dini-discourage ang kanilang mga magulang na mamalo sa katawan. Oh! Ang palo ng magulang—syempre hindi yung abuso ah—pero yung palo at Oo masakit na palo ay isang biblikal na aral na winalang hiya na sa ating bayan ng mga pulitiko sa ngalan ng maraming boto, at dulot na rin ng kamangmangan sa pagbabasa ng aklat na kung tawagin ay ‘Biblia.’ Nawala ang palo sa tahanan sapagkat nawala ang Biblia sa tahanan! Walang hiyang bayan! Daig n’yo pa ang mga atheista!!!! Di nakapagtataka, napakahaliparot ng bagong henerasyon ng mga kabataan na ang yayabang sa kanilang mga itinuturing na karapatan na sa Mata ng Nasusulat sa Biblia ay kalapastanganan!) Ngayon ay tuloy tayo, ang haba ng footnote sa part na iyon ah. Okay, ang pinakamalala na balitang narinig ko ay ito: ang nangaliwang Mrs ay hindi na bumangong buhay; tinuhog ng tabak ng pagseselos ng asawang pagod sa kahahanap-buhay. Ngayon, kita mo ang punto rito? At kahit na wala ka pa sigurong nababalitaan o nai-enkwento sa buhay mo na ganyang mga mapupusok at mararahas na karanasang hatid ng nabiglang dahas at kapusukan, ngunit kahit papaano’y alam mo ang konsepto at pakiramdam ng “Nagdilim ang paningin.” Dahil sa ganyang paningin, ang mga makukulay na bagay sa buhay ay naging itim at dugo sa kapulahan. Sa salaysay ng Biblia, ang unang silakbo na nagpaagos ng dugo ng tao ay si Cain (Genesis 4:8). Walang paraang tinukoy kung paano pinatay ni Cain si Abel. Ngunit kadalasang description sa mga sining o artwork ay sa pamamagitan ng bato. Marahil ang kasabihang “H’wag kang kumuha ng batong ipupukpok mo sa iyong ulo” ay inspirado ng gayong itinuturing na unang paraan ng pagpatay sa kasaysayan ng sangkatauhan.
- Wala na! Ika nga, “the damage has been done.” Basag na! Warak na! Tinira mo na! Tapos hihingi ka ng “Sorry.” Ano yun ganun lang? Well, ayun sa popular na advice o pagsisiyasat ng mga psychologist at counsellors, hindi maibabalik ng “sorry” ang physical, mental, emotional damage sa pagkatao na ginawa ng isang salarin – nasugatan mo na eh. Gayunpaman, sa positibong lagay, ang “sorry” ay nakakatulong pa rin para sa pagpapasimula ng tinatawag na ‘healing process,’ lalo’t yung asal at kilos ng pagkilala sa damdamin ng taong sinaktan; at syempre yung pagtanggap ng salarin o ng nakapanakit sa kanyang pagkakamali. Gayunpaman, iyan ang isang ideal na asal at kilos na ewan ko kung madalas mo bang maranasan sa kapwa mo. Sa akin ay hindi. At sa totoo lang, “Noli audire serpentem qui te momordit.” Napansin at naranasan kong napakaraming ‘ahas na puti’ sa ating lipunan; mas makamandang pa kaysa sa ahas na itim. Tinawag kong ‘ahas na puti’ kasi yung balat nila ay dinadamitan ng academic degree, maamong mukha, maputing kutis, masarap na tawa at ngiti, mabango at magandang kasuotan, mahinahon at mahinhin na tinig at tindig, malambing at matamis na pananalita, at relihiyosong pakikipag-usap. Subalit, kapag sila ay nasaling mo ng kahit kunti, lumalabas ang kanilang tunay na kulay; walang-awa kang tutuklawin gamit ang kanilang buong kamandag ng kapaimbabawan at katrayduran! Oh! Ang ahas ay ahas, anuman ang kulay ng kanyang balat – makamandag, nakakamatay at talagang kampon ng kadiliman; walang pag-asa, at hindi prinograma na mapunta sa Kalangitan. Sila yung tinatawag ng mga theologians na “Reprobates.”
- Sa Psychology, konektado ito sa tinatawag na “fundamental attribution error” na talagang likas nating ginagawa bilang tao. Sa simpleng kahulugan, ito ay tumutukoy sa ating tendensiya ng ‘defense mechanism,’ iyon ay, para protektahan natin ang ating ‘ego’ sa hindi masarap na pakiramdam na gaya ng guilt at shame. Ito yung point na kailangan nating ituro ang ating daliri laban sa iba – parang yung nangyari sa Hardin ng Eden sa Genesis 3. “Siya kasi eh.” At kung sakaling hindi natin malusutan ang mga ebidensya na tayo talaga ang salarin at hindi ang iba, ang sasabihin natin, “Pagod lang kasi ako…” “Nagdilim na kasi paningin ko eh…” “Nabigla lang ako…” “Hindi ko sinasadya…” At higit sa lahat, ito yata ang sikat, “Hindi ko intensiyon at lubos akalain na ganun ang mangyayari.” Ang ‘fundamental attribution error’ ay isang napakatinding ‘Kadena’ sa ating ego, sapagkat hindi likas sa atin ang maging ‘responsable’ at ‘magpakumbaba’ – maraming tao na ‘animal’ pagdating sa self-justification; ayaw umamin at ayaw harapin na siya man ay may baho rin o siya mismo ang pinagmulan ng baho – na siya ang umutot; siya ang tumae sa kalsada. Ganyan ang maraming tao pagdating sa pagkakasala. Kaya’t siguro ay kailangan ng Diyos na pasukin at pasukuin ang ating puso, sapagkat ito ang paraan upang makalas ang matinik na kadenang ito na naka-konekta ng madikit ngunit napakasarap sa feeling ng ating puso-utak-labi-daliri.

