“Hindi purket tahimik ay walang karma
Tahimik lang ang Langit sa paghahanda
ng di-inaasahang pagdurusa”
SUMARYO NG SANAYSAY
Punto: May mga taong inapi ng katiwalian at pinagkaitan ng proseso ng katarungan; subalit dadamayan at tutulungan sila ng Diyos ayon sa Kanyang awa at kapangyarihan.
Argumento:
- Ang pagdamay ng Diyos ay epektibo sapagkat di Siya natutulog at Siya’y makapangyarihan.
- Tiwali ang tao maging sa kanyang awa (or show off care) sapagkat ito’y pakitang-tao at para sa sariling pakinabang.
- Maaaring sa ngayon ay di pa kinakarma ang mga walang habag, subalit ito’y tiyak na darating sapagkat ang Diyos ay Diyos ng digmaan.
PALIWANAG SA GUSTONG MAGBASA
Ang Diyos ng Awa ay Makapangyarihan
Ang habag ng Diyos ay isang makapangyarihang sandata, lalo’t ng mga taong walang inaasahang hustisya kundi tanging ang pagkilos ng probidensya[1] ng Diyos. Ang sabi ng psalmista sa Awit 72:12-13,
“Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito’y nananawagan, ang dukha at ang taong walang kadamay. Siya’y maaawa sa mahina at nangangailangan, at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.”
Minsan pa, ang Diyos ang pinakamakapangyarihan sa lahat; kaya Niyang sagipin at pagpalain ang mga inaapi; ang mga hinatulan ng walang pakundangan at pinahiya sa lansangan at di pinag-ukulan ng karampatang proseso ng katarungan. Ang Diyos ay hindi natutulog; ang banal at makapangyarihan ngunit mahabagin Niyang mata ay laging nakamasid. Sabi ng psalmista,
“Siya’y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman; ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa— huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila (Awit 66:7).
Ang Walang Awang Mata at Pakitang Taong Awa
Gayunpaman, kahit na ang mata ng Diyos ay maawin, ang mga mata ng tao sa ating makasalanang Lipunan ay karaniwang walang awa. Kung meron ka mang tila awa na nakikita sa kanilang mga pa-cute na mata (lalo’ sa harap ng camera sa showbiz o social media), ito’y pakitang-tao lang na awa. Noong panahon ni Jesus, nakita Niya ang ganitong uri ng mga pakitang-awa sa mga taong nagbibigay ng limos. Ang sabi Niya,
“Mag-ingat kayo na huwag ninyong gawin ang inyong kabanalan sa harap ng mga tao upang makita nila. Sapagkat kung gayon, wala kayong gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 6:1).
Kita mo? May awa na pakitang-tao lang; para purihin ng tao at dumami ang mga followers at likes sa social media – sapagkat ito ay kapangyarihan.
At heto pa, gamit ang Mateo 5:47, may mga taong ang awa ay para lang sa mga taong gusto nila. Kapag wala ka sa ‘circle’ ng kanilang gusto, wala silang pakialam sa iyo. Ikaw ay parang isang gamit na kapag nabali o nasira ay wala na sa kanilang pakinabang; iiwan ka na lang; di ka na bibigyan ng ikalawang-pagkakataon; ni hindi ka nga nila tutulungan. At ‘feeling’ nila kapag ikaw ay nasira ay sila pa ang inabgrabyado mo. Kumbaga ay, wala kang karapatan na masira, na magkamali, na magkasala, na bumagsak, at lumagapak. Dapat lagi kang ayos, laging mabuti, laging banal, at laging napapakinabangan. Kita mo? Ito yung uri ng mga tao na gumagawa lang ng pakitang-awa sapagkat may makukuha silang pakinabang o kapangyarihan.
Tahimik ang Langit sa Paghahanda ng Karma
Subalit, yamang tayong mga Pilipino ay naniniwala na si Jesus ay Anak ng Diyos, hindi natin malayong isipin na Siya rin ang Panginoong Makapangyarihan na hindi kaylanman magagapi ng kasamaan ng sangkatauhan. Maaaring ngayon ay tahimik ang Langit at dahil rito’y ang bilis nating isipin na parang walang ginagawa si Jesus sa Langit bilang paghihiganti sa mga taong walang habag sa kanilang kapwa. Kaibigan, ang presenteng katahimikan ng Langit ay hindi nangangahulugan na walang darating na ‘karma’ o ‘gaba’ o paghihiganti laban sa mga taong umapi at hindi nahabag sa kanilang kapwa. Yamang si Jesus ay Panginoon, at hindi ang sinupamang pulitiko, pilosopo, at sundalo ng digmaan, ang tagumpay at hustisya ay iyong makakamtan – it’s just a matter of time. Ito ang katotohanang naging tahimik sa mga simbahan ngayon! Ayon sa binanggit ng psalmista, gumaganti po ang Diyos para sa kapakanan ng mga walang laban o walang kadamay! At walang anumang teorya ng digmaan na kayang i-predikta ang karmang hatid ng kamay ng Diyos sa mga taong mapanggamit, balat-kayo, at marahas sa kapwa. Si Yahweh ang Diyos ng digmaan at ng paghihiganti.
At dahil riyan, ang sabi ng kapatid ni Jesus, “Sapagkat ang paghuhukom ay walang awa sa mga hindi nagpakita ng awa…” (Santiago 2:13)
[1] Ang ‘probidensya’ ay hindi ‘himala’ (na gaya ng paghati ng dagat noong panahon ni Moises); sa halip, ito ay tumutukoy sa mahiwagang pagkilos ng Diyos sa mga bagay-bagay at lahat ng mga bagay, na kung saan ang takbo ng pangyayari ay hahantong sa ikabubuti ng taong nagtitiwala sa Kanya.

