Pinoy Apologista

PER STILUM VINDICTA


Ang Awa ng Tao ay Balimbing

“Oh pambihirang kakaiba at bukod-tangi
Di galing sa lupa ang lulupig sa mananawi.”

BUOD

Punto: Kumpara sa habag ng Diyos, ang awa ng tao ay balimbing – may kinikilingan; sa gusto niya lang at sa mayroon siyang pakinabang.

Argumento: Gamit ang Mateo 5:43—47, ang awa ng tao ay:

  1. Ayon lang sa relihiyosong tradisyon ng tao; hindi rebolusyunaryo.
  2. Normal mode lang, hindi supernatural.
  3. Hindi kakaiba, hindi against the flow ng kultura.

PALIWANAG

Ang habag ng Diyos ang pinakamakapangyarihang ‘sandata’ ng tao sa anumang kalagayan ng buhay. Gayunpaman, kahit na ang Pinakamakapangyarihang Diyos ay mahabagin sa makasalanan, subalit ang Tao na binubuhusan Niya ng Kanyang habag ay walang-awa, walang pakundangan—o siguro mas gusto kong sabihin, ang awa ng tao ay balimbing – may kinikilingan; sa gusto niya lang.  

Dapat nating malaman na sa ministeryo ni Jesus, kumaharap rin Siya noong Kanyang panahon ng mga taong ang awa ay depende sa pakikisama at grupong kinabibilangan. Ikinakatuwiran pa nga nila na walang masama raw sa gayong pag-uugali sapagkat kinakatigan naman ito ng kanilang tradisyong relihiyon. Pakinggan mo ang sinabi ni Jesus sa Mateo 5:43—47.

Talatang 43,

 “Narinig ninyo na sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.’

Ang konsepto at praktis rito ang kultural at relihiyosong tridisyunal na turo noong panahon ni Jesus na pinasikat ng mga Pariseo – o ng mga babanal-banalan ng relihiyon. At kaibigan, ang salitang ‘kaaway’ na ginamit ni Jesus rito ay di tumutukoy sa away-bata o away-kapitbahay, away-opisina, o away-simbahan (walang sinabi ang ganitong mga away); ito’y tumutukoy sa isang malalim na level ng pag-aaway, seryosong away; isang digmaan ng mga bansa at patayan ng lahi; may mga sumambulat na laman na nabulok na lang sa daan, mga ipinakong katawan, o kaya’y mga bangkay na kinain ng mga uwak. Kita mo? Iyan ang background ng salitang ‘kaaway’ noong panahon ni Jesus. Tandaan mo iyan.

Tuloy pa sa talatang 44,

“Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo”

Rebolusyunaryo ang konsepto at praktis na gustong ipamana at ipagawa ni Jesus para sa mga taong nagsasabing sila’y Kristyano. At ano ang kanyang dahilan para sa rebolusyonaryong konseptong ito? Tatlong dahilan:

Una, talatang 45,

“upang kayo’y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit, sapagkat pinasisikat Niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.”

Ibig sabihin, kapag ganito ang konsepto at praktis natin, ginagaya natin ang Diyos at talagang masasabi ng isang Baranggay na ibang-iba talaga ang mga tagasunod ni Jesus; kaiba ang Kristyano sa konsepto at praktis.

Ikalawa, talatang 46.

“Sapagkat kung umiibig kayo sa mga umiibig lamang sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba gayundin ang ginagawa maging ng mga maniningil ng buwis?”

Kumbaga ay, ang pagmamahal sa kaaway mo; sa taong nagkasala sa iyo o sa taong di mo gusto ay may gantimpala ng Diyos. At sa pananaw ng Diyos, ang isang todong gantimpala ay hatid ng isang radikal na pagtalima sa Kanyang kataka-taka at kakaibang utos – utos na di-trending sa Mundo; yung pagtatawanan ng mga tao. Pero kapag sinunod mo ang isang radikal na utos ng Diyos, may matindi kang pagpapala sa Kanya; at kaya Niya itong ibigay sa takdang panahon sapagkat Pinakamakapangyarihan Siya. Walang magagawa ang taong pinagtatawanan ka upang ito’y hindi mangyayari. Sa ngayon ay natatawa sila sa baliw mong pagsunod sa utos ng Diyos, pero sa paglipas ng panahon, magtataka sila at mamamatay sa inggit. Bakit? Sapagkat hindi binibigo ng Diyos ang mga nananalig sa Kanya. Kaya nga, gusto mong pagpalain ng todo? Bueno, mahabag ka sa mga taong nagkasala sa iyo. Kasi kapag ang papakitaan mo lang ng pagmamahal o habag ay ang mga taong gusto mo lang, wala kang pinagkaiba sa mga Di-Kristyano. ‘Normal mode’ yun sa kanila, pero ang Kristyano ay may ‘Supernatural mode’ na hindi kaylanman kayang gayahin ng mga taong walang Espiritu ng Diyos sa kanilang puso – ang ibigin ang kaaway. Kristyano lang ang makagagawa niyan. Sabi iyan ni Jesus at utos Niya iyan.

Ikatlo, talatang 47—48.

“At kung mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, anong ginagawa ninyo na higit kaysa iba? Hindi ba’t kahit ang mga Hentil ay gayundin ang ginagawa? Kaya’t kayo nga’y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.”

Sa madaling salita, maging kakaiba kayo, to the point na mapapanganga ang Mundo sa inyong mahabaging ugali at praktis sapagkat hindi yun normal na ginagawa ng mga tao. At iyan ang isang paraan upang maging ‘asin at ilaw ng sanlibutan’ – ayon kay Jesus (Mateo 5:16). Gusto mong maging trending ang attitude at praktis mo? Gawin mo ang against the flow; kaawaan mo ang iyong kaaway. Sapagkat kapag nagkakaroon ka ng ganyang ugali at praktis, nakakamukha mo ang Diyos, at ang pagsamba at paglilingkod mo sa Kanya sa simbahan at ang presensya mo sa iyong pamilya at tahanan ay nagiging ‘kakaiba sa lahat.’

Subalit ang ganyang kapangyarihan ng simbahan ang siyang nawawalang sangkap ng buhay Kristyano sa panahong ito, na kung saan ay, gusto nating agad buntalin ang ating mga kaaway.

Ngunit kaibigan, maliwanag ang utos ni Jesus – ang Pinakamakapangyarihang Anak ng Diyos ng Langit at Lupa – ang sabi Niya, kaawan mo ang iyong kaaway. Utos iyan ng Hari ng Langit, at huwag kang mag-alala, Siya ang gaganti para sa iyo. Sapagkat anumang itinanim ng tao ay kanyang ring aanihin; iyan ang Batas ng Kalikasan na Kanyang nilagay bilang Panginoon ng Langit at Lupa; mayroon pong karma o ‘balik’ o ‘ganti’ – ngunit ang nagpapataw noon ay hindi mga diyos ng Hinduismo o si Buddha kundi si Yahweh. At dito pa: kung gusto mo talagang mangyari na gumanti ang Diyos para sa iyo, ang kondisyon Niya ay ito: huwag kang gumanti, sa halip maawa ka; magpatawad ka, mag-let go ka; at kapag ginawa Mo iyan, ang taong naging kaaway mo na hindi nagsisisi sa kanyang kasalanan, na hindi nagpakumbaba sa iyo at hindi humingi ng tawad sa iyo, ang Diyos ang Siyang gaganti o ang magbibigay ng hustisya para sa iyo. At sasabihin ko sa iyo, kapag ang Diyos ang gumanti, napakasakit, tatagos at babakat talaga; hinding-hindi malilimutan. Kaya, maghintay ka lang sa Kanyang panahon.  Ang sabi ni Apostol Pablo sa Roma 12: 19,

“Mga minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.’”