Nagpadala, nagpadala…sa sitsit ng iba.
Di nag-isip at nagpakanganga…sa sales talk nila.1
Kaya’t nagpasya, nagpasya…ng ubod ng tanga2
Itinapon at tinalikuran ang kung anong mahalaga.
Oh! ang sarap kasi na murahin ang aba3
Ginto’y tatapakan ko makadura lang sa kanya.4
Tanga!
GABAY SA INTERPRETASYON NG TULA
- Sa tingin ko’y isang karaniwang karanasan na mapansin na ang tahol ng isang aso ay uudyok sa isang malapit na aso na tumahol rin. Likas sa aso ang tumahol, ang makitahol, at makisawsaw sa tahulan ng grupo ng mga aso. Lagi ko iyang nararanasan kapag inilalabas ko ang aso kong si Cyber – at minsa’y nakakabanas ang ingay ng maraming asong nagtatahulan ng dahil sa may isang di-katropang dumadaan. Hahaha. Minsa’y napapakuha ako ng bato at minsa’y nakakaisip na titiradurin ko at sana’y katayin ang mga tahulerong aso na nakakarindi ang ingay! Well, anong magagawa mo? Aso eh. Asa ka pa. Likas sa aso ang tumahol. Ang makitahol sa narinig na tahol kahit na hindi niya alam kung ano ang dahilan ng unang tumahol. Para sa isang aso, isang ganap na impormasyon ang tahol ng kapwa-aso. Para sa kanya, ito’y obhektibo at mapagkakatiwalaang ‘data gathering.’ At ganyan ang karamihan sa Masa – kaya’t tuwang-tuwa ang mga ganid na pulitiko; ang dami kasing uto-uto sa Masa. Ang bilis maniwala sa sabi-sabi o tahol ng iba, lalo’t kapag ang pinag-uusapan ay ang taong gusto niya ring makaisa. Diba? Isipin mo ito: alam mo ba na si Jesus ay lumaki sa isang kultura na may ganito ng konsepto pagdating sa tsismis? Pansinin mo ang mga turong ito: “Nakarinig ka ng balita? Sarilinin mo na lamang; huwag kang matakot, hindi ka sasabog dahil doon. Kapag ang hangal ay nakasagap ng anumang balita, nababalisa siyang parang buntis na hindi mapaanak; sabik na sabik siyang isiwalat iyon sa madla. Parang palasong nakatusok sa hita, ang isang lihim sa dibdib ng hangal.” (Ecclesiasticus 19:10-12). At kung itutuloy mo pa iyan sa talatang 13—16, naku’y napakasarap na aral ang iyong mababasa – bagay na relate-na-relate ako; ang sakit ng ginawa sa akin Kabayan ng mga taong itinuturing kong kaibigan at aking tapat na sininta. Dagdag pa sa mga talatang iyan, mas matinding mga pangungusap ang mababasa pa sa Ecclesiasticus 28:13—26. Kaya’t sa paradoxical na pananaw, bagamat akong inyong lingkod ay nagsusulat pa, eh kung tutuusi’y patay na.
- Bakit ‘tanga’? Eh bakit ba naman hindi, eh nagpasya alinsunod sa sitwasyon ng unang katagang linya – iyon ay, impormasyong ‘sitsit’ at ‘sales talk.’ Now, siguro narinig mo na ang salitang ‘logic.’ Tingin ko naman, kahit na di tayo nag-aral ng kursong Pilosopiya subalit alam natin sa karanasan at pundasyong kaalaman sa Elementarya at High School na ang logic ay may kinalaman sa matuwid na pangangatuwiran. Kumbaga ay ganito: Si A ay hindi si B at si B syempre ay hindi rin dapat si A. Simple lang diba? Tama naman diba? Makatuwiran diba? Therefore, si A at B ay hindi iisa, kundi magkaiba. Galing naman, hehe. Pero kuha mo ang punto? Ang logic ang tumutulong sa atin na mag-isip ng matuwid at tama – lalo’t sa research paper; yung cogency na tinatawag. Kapag lalabas kasi tayo sa tuntunin ng lohika, hindi magiging maayos ang ating mga konklusyon. Pero yun nga, pagdating sa mga usap-usapan sa kanto o kaya’y sa nahagilap o napakinggang balita mula isang tao o grupo, kapag hindi natin gagamitin ang ating ‘logic,’ o kakayahang mag-isip ng maayos, mabilis tayong magiging bias na tulad ng tahol ng aso. Pero kasi sa panahong ito, ang pag-iisip o reasoning ng mga tao ay naka-Kadena sa silakbo ng kanilang damdamin at dahil rito’y nakikitahol silang gaya ng aso. Gaya ng aso, mas madali kasi sa kanila na tumahol kaysa sa mag-isip. Hayop talaga!
- ‘Pagmumura’ lang ang ginamit ko rito, subalit ang gusto ko talagang puntiryahin na konsepto ay yung pagnanasa ng ibang mga tao na dustain ang iba. Kumbaga sila yung mga ‘bully.’ At sinabi ko na ‘ibang mga tao’ sapagkat hindi naman lahat ay ganito. Sa mundong ito, may mga tao talagang ang programa ng kalikasan at pagnanasa ay panig sa kampon ng kadiliman; at syempre, may mga tao na ang programa ng kalikasan at pagnanasa ay panig sa kabutihan. Sa madaling salita, sa mundong ito, hindi mawawala ang panig ng kabutihan at kasamaan; laging naririyan ang dalawang iyan. Isipin mo, sa hardin ng Eden pa lang (Genesis 2-3) ay mayroon ng konsepto ng ‘mabuti at masama’ na mararanasan o magkakaroon lang ng kamalayan ang Unang Tao kung kakainin nila ang ipinagbabawal na bunga. Ngayon, balikan ko ang kaninang punto: Sadyang may mga taong ang hilig o passion na programmed sa kanilang puso ay ang dustain ang ibang tao. Isang halimbawa ay matatagpuan sa Proverbs 1:11-14. Minsan pa, sa mundong ito, may mga tao talagang bahagi na ng kampon ng kadiliman; hindi lahat ay magiging mabuti; sadyang mayroong magiging kakampi ng kampon ng kadiliman. Di nakapagtataka na mismong si Jesus ay sumambit ng ganitong kataga laban sa gayong uri ng mga tao, sa Juan 8:44; ang sabi niya, ‘Ang tatay ninyo ay ang diyablo!’ Sa Christian Theology, ang doctrine of election ay pwedeng maging stepping stone para maunawaan ang pananaw na ito.
- Tungkol sa aso at baboy, basahin mo muna ang Matthew 7:6. Ngayon ito: sa katagang ito ng linya sa tula, nais ko lang sabihin na kung wala ang Espiritu ng Diyos sa buhay ng tao (alien program), hindi kaylanman matatakasan o mahuhubad ng tao sa kanyang buhay ang pagiging ‘baboy’ sa harapan ng Diyos. Ang pagiging baboy ay isang program na dulot ng tinatawag sa Christian Theology na ‘Total Depravity.’ Ito ang normal nating likas dito sa lupa, ang dahilan kung bakit natin madaling yurakan at hindi pahalagahan at kaadikan ang mga bagay na may kinalaman sa Diyos. At sa katagang ito ng tula, ang ‘ginto’ na tinutukoy ay hindi lang ‘ang mga bagay ng Diyos’ kundi pati na rin ang GMRC – Good Manners and Right Conduct. Gamit ang mga sinabi kong puntos sa #3 at dito na rin sa #4, sadyang may mga tao rin talaga na ‘walang bait,’ na kahit na ginawan mo sila ng napakaraming kabutihan, sa bandang huli’y huhudasin ka parin – gaya mismo ni Judas Iscariote sa kabila ng napakaraming kabutihang ginawa ni Jesus para sa kanya. Sila yung sinasabi ni St. Paul na “ungrateful” (2 Timothy 3:2) or ‘Ingrata.’ Sa tingin ko, mas binigyan ng napakagandang paglalarawan ito ni Aesop sa kanyang storya na ‘The Farmer and the Viper.’ I-Google mo at basahin, super ganda.

