Pinoy Apologista

PER STILUM VINDICTA


Kahali-Halinang Kadena

Ang babae ay tulad ng isang kadena[1]

Isang nakabibighaning malamig na tanikala.[2]

Tulad ni unang ama, nahihila tayo ng kanyang mahinhing gayuma;[3]

Alindog ay hindi lamang sa hubog, kundi sa loob at luhang kayhalina.

Ang babae’y makapangyarihang ‘alas’ ng Ahas,[4]

Sa pamamagitan niya’y tiyak na kakagatin mo ang mansanas.[5]


[1] “Kadena.” Ang ganito kong pananaw ay bunsod ng interpretasyon ni Milton sa kanyang “Paradise Lost” noong 16th century. Hindi kaya ni Adan na mawala si Eba. Para bang sa awit na pinasikat ng Jeremiah noon, “Kunin mo na ang lahat sa akin, huwag lang ang aking mahal.” Hindi kaya ni Adan na mawalay si Eba, kaya’t mas mamatamisin pa niyang kagatin ang mansanas at mamatay na kasama niya kaysa naman sa mawala’y si Eba mula sa kanya. Sa tula ni Milton ay ganito ang sinabi ni Adan, “To lose thee is to lose myself.” Ang romantikong interpretasyong ito sa Genesis 3 ay malapit sa aking puso. Noon pa lang (at alam natin ito sa karanasan), ang kahinaan na talaga ni Malakas ay si Maganda.

[2] Ang Babae ay itinuturing kong ‘Yin.’

[3] Genesis 3:6

[4] Genesis 3:1, “and he said unto the woman…” Sa babae talaga unang lumapit ang Ahas at di sa lalake. Ito ang konsepto na dapat laruin din ng mga feminists sa kanilang mga ipinaglalaban. Bakit sa Biblia, ang unang kumagat ng mansanas ay si Eba? Wala akong pakialam kung ayaw ninyo sa Biblia, ngunit sa relihiyosong usapan, ang datus ay malinaw: ang babae ang unang kumagat ng mansanas. Tingnan rin ang pananaw ni Apostol Pablo: 2 Corinthians 11:3; 2 Timothy 2:14.

[5] ‘Mansanas’ lang ang gamit natin pero hindi natin talaga alam kung ano ang bunga na iyon. Sa Western Tradition kasi mayroong laro ng salita sa Latin (‘malus’) sa pagitan ng salitang “mansanas” at “masama.”