Ang sabi ni Solomon,
“Boast not[1] thyself of tomorrow; for thou knowest not what a day may bring forth.” (Proverbs 27:1).
“Huwag mong ipagyabang ang kinabukasan; sapagkat hindi mo alam kung ano ang dadalhin ng isang araw.” (AB, 2001)
Para sa akin, higit na nagiging interesante ang pangungusap o ideya na ito sapagkat ito ay sinabi o galing sa ideya ng isang matalinong hari ng Israel – si Solomon. Ergo, maituturing ko na hindi ito kababawan, impraktikal, o walang husay. Sa katunayan, ang pangungusap na ito ay itinuturing kong nagtataglay ng pilosopikal na kalaliman.
Sa simpleng pananalita, ang tao ay hindi dapat na magyabang sa kanyang mga plano sa buhay sapagkat hindi niya nakikita at nalalaman ang lahat ng bagay. Ang tao (lahat tayo) ay ‘finite.’ Hindi tayo ‘omnisiyente’ o nakakaalam ng lahat ng bagay. Diyos lamang ang may kakayahan na makakita o makaalam ng lahat. Bilang ilustrasyon: isipin mo, sa panahong ito ay mayroon na tayong ginagamit na A.I. at ChatGPT. Bagamat ang mga “tools” na ito ay maraming alam o gini-generate o sinasagot na information o kaya’y sa pakiwari natin ay tila halos alam ang lahat, ngunit limitado pa rin sila batay sa impormasyong ipinapasok[2] sa kanila. Ngunit tayong tao ay hindi gaya ng AI. Ang ating isipan ay hindi simbilis ng AI sa pagpro-proseso ng mga bagay-bagay. At kahit nga minsan na bigyan pa tayo ng ChatGPT ng kasagutan, hirap pa rin tayong i-proseso ang mga ito ng mainam sa ating puso-isipan – though one-click away na lang ang kasagutan (though depende pa rin sa ‘anong’ tanong). Mahina rin tayo sa pagsasakatuparan ng mga ideyal na sagot sa atin.[3]
Bilang tao, hindi tayo isang makina o teknolohiya, tayo’y laman at dugo. Sa madaling salita, may kapaguran, may limitasyon, may kahinaan, at may kapalpakan.
Kaya nga, yamang tayo ay tao, huwag nating ipagmayabang ang araw ng bukas na kesyo ikaw ay magiging ganito at ganyan o may gagawing ganito at ganyan – na para bang kontrolado mo ang bukas at kinabukasan. Ayon sa kapatid ni Jesus, ang buhay natin ay katulad ng bula.[4] At huwag rin nating tularan ang mayamang negosyanteng hangal sa Lukas 12:16-21 na inakalang ‘well-provided’ at sustained na niya ang lahat ng bagay sa kanyang buhay sapagkat maingat na niya itong naihanda (savings plan). Syempre, dapat linawin na hindi masama ang mangarap at magplano, tungkulin natin iyan.[5] Ika nga, tayo ay ‘rational creature,’ pinag-iisapan natin ang ating mga daan.[6] Gayunpaman, sa lahat ng ating ginagawang pangangarap, pagplaplano, at pagsusumikap, huwag nating kalimutan ang Diyos. Ang Proverbs 27:1 ay dapat na timplahin ng “Fear of the Lord” na konsepto na binibigyang diin sa aklat ng Kawikaan.[7]
Sa madaling salita, magplano na may diwa ng takot sa Diyos.
- [1] Do not brag (GW)
- [2] Hindi ko alam ang termino na ginagamit ng mga Computer Scientist para rito.
- [3] Gawa na rin kasi ng Peccatum Orihinale
- [4] James 4:13-16
- [5] Proverbs 21:5, lalo na sa 27:23—27
- [6] Proverbs 14:15; 16:9; 20:24
- [7] For a bigger context of the concept, tingnan ang mga talatang ito: 1:7; 2:5; 3:7; 8:13; 9:10; 10:27; 14:26-27; 15:16; 16:6; 19:23; 23:17