Ang Genjutsu ni Idol

“The light of the body is the eye…If therefore the light that is in thee be darkness, how great is that darkness.” (Matthew 6:22-23)

“The eyes are the first windows through which the thief of the soul enters.” – Gregory of Nyssa.

Pambihira! Bantayan ang paningin!

Ang sabi ni Jesus, “For where your treasure is, there will your heart be also.” (Matthew 6:21). At kapansin-pansin na sa record ni Mateo, pagkatapos ng statement na ito, sinunod niya sa v.22 ang datus na, “The light of the body is the eye…” At sa nakikita ko sa konteksto, ang v. 21 at v.22 ay magkaugnay. Sa madaling salita, ang nakikita ng mata ay nalalagay sa puso. At ang ninanasa ng puso ang siyang ‘kikitain’[1] ng mata.

Kaya, pagdating sa usapin ng pagpatay sa ating mga ‘idol’ – yun ay, ‘anything or anyone that we treasure more than God’[2] – napakahalaga talagang estratehiya ang ‘flee from idolatry.’[3]  Bakit? Sapagkat (porque) habang nakikita mo ang ‘idol’ na iyon, malakas rin ang ‘tendency’ na magayuma o mayakap ka muli nito. Lalo’t higit kung ang isang tao ay nasa sikolohikal na lagay ng ‘limerence,’ yun ay, yung mayroong malakas na pagkahumaling o pagnanasa sa isang bagay o tao,[4] hindi talaga malayong ang isang ‘inayawan’[5] (past tense) ay muling babalikan; yun ay, ang muling isipin, tingnan, puntahan, at hawakan na ang idol na ito ay ‘liwanag’ ng buhay mo![6] Kaya nga, ang sabi ni Jesus, mag-ingat ka na ang itinuturing mong ‘liwanag’ ay kadiliman pala (v.23).

Pero Iyan ang talagang problema sa ating ‘human nature.’ Hindi tayo sanay na yumakap sa ‘Proper Order,’ yun ay, sa kaayusan ng mga bagay-bagay na ginagawang maganda ng Diyos ayon sa Kanyang itinakdang panahon, lugar, at pamamaraan – “He makes all things beautiful in His time.”[7] Hindi kasi tayo marunong maghintay! Hindi tayo makapaghintay! Atat na atat na kasi tayo! Init na init na kasi tayo (eh kasi ba naman, lagi tayong malapit o intensiyunal na pumupunta sa nagbabagang panggatong). Wala tayong self-control.

Dagdag pa, taglay ang ating ‘peccatum orihinale’ (makasalanang likas), inklinasyon talaga kasi nating yakapin at lasapin ang mga bagay ng ating makalamang sarili at ng kamunduhan.[8] Ang pag-aalay ng ating sarili sa Diyos ay isang masakit na kahilingan ng Langit,[9] lalo na kung ang ating iniaalay (let go) sa Diyos ay palagi nating nakikita o kaya’y kinikita tayo. Hindi nakapagtataka na sa Philosophy, in light of common-grace, may dunong na mapupulot sa aral na, “Out of sight, out of mind.” Kasi kapag lagi mong ‘kikitain’[10] ang isang ‘idol,’ di malabong mahulog muli ang loob mo rito. Ang lakas ng isang idol ay hinuhugot niya sa paningin ng nabihag niya. Ang malakas na kapangyarihan ng isang idol ay nasa kanyang ‘Genjutsu’ or illusionary techniques. The more mo siyang nakikita, the more kang magpapantasya; at dahil rito, ang aral ng Proper Order na narinig mo (o isinabuhay mo ng saglit) ay manghihina sa puso mo. Ang conviction mo para sa ‘Reason’ (proper thinking or biblical mindset) ay tutunawin ng iyong ‘passion’ (limerence). Kaya nga, kung nais nating tuluyang mapatay ang epekto sa atin ng isang idol, kinakailangan nating bantayan ang ating paningin. At gamit ang prinsipyo ng sinabi ni Jesus sa Matthew 6:21-22 at 24, ang idol (Dis-advantage) na ninanasa ng puso ay mabisang mapapatay lang kung ang paningin ay ibabaling sa ‘ibang pansin’ (Proper Order—Godly Advantage).

Also, hindi pwedeng pagsabayin ang Disadvantage at Proper Order, sila’y napakalaking kontradiksyon at mortal na magkaaway. Hindi ka pwedeng mamangka sa dalawang ilog.


  • [1] Kakatwa na ang kataga na ito ay narinig ko sa aking mga kabataan. At sa pagkakaintindi ko sa kanilang pagkakagamit, ang salitang ‘kikitain’ ay nagpapahiwatig ng intensyon, yung talagang ‘ginusto mong gawin.’
  • [2] Ayon kay ‘John Piper’
  • [3] 1 Corinthians 10:14
  • [4] Dulot na rin kasi ng tinatawag kong “memory sensations” – mga hindi malilimutang pakiramdam ng nakaraan. Napakatinding stronghold iyan; minsan pa nga ay nakakabaliw, lalo’t kapag walang sufficient mental and emotional maturity ang isang tao.
  • [5] Kasi biblically speaking, ‘Di dapat’ ‘bawal,’ ‘hindi pa napapanahon,’ ‘ayaw ng Diyos’ ‘hindi ayon sa turo ng Diyos’
  • [6] Mental and Common Sense Failures
  • [7] Ecclesiastes 3:11
  • [8] Romans 12:2
  • [9] Romans 12:1
  • [10] Footnote 1.