Bagamat di-Kristyano, na-realisa ni David Hume sa pag-aaral ng sikolohiya ng tao na ‘reason is the slave of passion.’[1] Ginagawa ng isang tao ang isang bagay sapagkat ‘gusto’ niya. Ang ‘gusto’ ang siyang udyok o motibasyon na tumutulak o nagpapatakbo sa kanya para gawin o isakilos ang isang bagay. Ang puwang o gamit lang ng ‘reason’ – ayon kay Hume – ay ang bigyan ang tao ng (mga) ‘dahilan’ kung bakit dapat niyang gawin ang kanyang ‘gusto’. Hence, ‘reason’ is the slave of passion (desire).
Sa tingin ko, sa kasabihang Filipino ay nakuha natin ang punto ni Hume sa ganitong pangungusap,
‘Kapag ayaw may dahilan, kapag gusto may paraan.’
Ang salitang ‘ayaw’ at ‘gusto’ sa kasabihang ito ay maituturing kong passion. Sapagkat para kay Hume, ang ‘passion’ ay lahat ng mga damdamin at kagustuhan (desires) na umiimpluwensya sa isang tao na umasta (behavior), ang maging ganito o ganyan (state of being who), at gumawa ng ganito at ganyan (action). Subalit ang maituturing kong rebolusyunaryong idea ni Hume pagdating sa konsepto ng ‘passion’ (desire) ay ganito: ito ay anumang lagay ng isipan[2] na nag-uudyok sa tao na gawin ang isang bagay. At ang ‘lagay ng isipan’ na ito ay mga ganitong damdamin: galak, galit, pagibig, pagkamuhi, takot, at ambisyon, etcetera. Subalit karaniwan nating pananaw na ang mga ito ay hindi ‘mental states,’ kundi ‘affection’ or emotion. Ngunit para kay Hume, ang ating emotion ay mental states – lagay ng isipan.
Kaya pagdating sa mga salitang ‘ayaw’ at ‘gusto’ na makikita natin sa kasabihang: ‘Kapag ayaw may dahilan, kapag gusto may paraan,’ ang mga ito ay mga mental states (emotion—desires—passion). Umaayaw ka sa isang bagay gamit ang iyong reason (mga pagdadahilan) sapagkat hindi mo yun gustong gawin. Nagdadahilan ka ng ‘cons’ sa bagay na iyon sapagkat ayaw mo yun. Sa kabilang banda, ginugusto mo na gawin ang isang bagay sapagkat gamit ang iyong reason (na nag-iisip ng mga pamamaraan) hindi mo pwedeng ayawan ang bagay na iyon. Nagdadahilan ka ng ‘pros’ sa bagay na iyon sapagkat gusto mo yun.
Kaya, sa pilosopikal na obserbasyon ni Hume sa sikolohiya ng tao: ang gagawin ng isang tao at ang kanyang pagiging ganito at ganyan ay nakabatay at inuudyukan ng kanyang pinakagusto.
Kita mo?