Ang ‘pangalan’ ay deskripyon. Nagbibigay ng pagpapakilala. Halimbawa, may partikular at personal na dahilan ang aking ina kung bakit ‘Francis’ ang pangalan ko, bagamat sa iba ang pangalang ‘Francis’ ay may ibang partikular kahulugan. Sa madaling salita, ang ‘Francis’ ko sa ‘Francis’ ng iba ay may pagkakaiba. Iyan marahil ang dahilan kung bakit ang kinakahulugan ng ‘pangalan’ ay sobrang halaga sa punto ng ‘pagkakakilanlan.’
Sa Biblia, ang mga bansag at pangalan ay may tinataglay na halaga. At sa pagiging isang ‘Kristyano,’ may mga katawagan na nagbibigay tingkad at dagdag na kulay sa kahulugan at diwa ng pangalang ito.
Limang mga kilalang bansag ang pwede kong ibahagi rito, gamit ang wikang Ingles.
- Disciple.[1] Ito ang karaniwang pagtingin ng mga tagasunod ni Jesus sa kanilang sarili –‘Mathetes’ o disipulo o alagad. Sila’y alagad di lamang ng persona kundi ng katuruan ng persona. Sa pagbabasa ng Gospels,[2] ang pagiging disipulo ni Jesus ay may matingkad na kaugnayan sa Kanyang doktrina.[3]
- Believer.[4] Simple lang ang salitang ito subalit magandang pagisipan: ‘mananampalataya.’ Sa tingin ko ang emphasis ng salita ay nasa ‘pananampalataya.’ At syempre, pananampalataya kay Jesus. Bulayin mo lamang ang John 3:16 ay mayamang aral na ang matututunan mo gamit ang bansag na ito. Ngunit nais ko lang isingit rito na sa narrative ng Gospels, Acts, at pati na rin sa Epistles, ang pagiging ‘mananampalataya’ ay pinalalabas na hindi lang sa isip, kundi sa puso[5] o sa kaibuturan ng buhay. Ito ay tunay na pagtitiwala. Hindi ka lang naniniwala kay Cristo (mental information), ikaw ay nagtitiwala at naninindigan para sa Kanya.
- Saint.[6] Ito ang siyang kontrobersyal na bansag. Para sa pananaw ng R.C., ang salita o titulo na ‘santo’ ay para lang sa mga patay na bayani ng pananampalataya na nakaabot sa ‘standard’ na inilagay ng R.C. o ng Vatican – kumbaga ay, ang mga ‘santo’ ay silang mga Kristyanong nakaabot sa isang mataas na level ng kabanalan at mayroong mga nagawang himala. Subalit kapansin-pansin na ginamit ni Apostol Pablo ang salitang ‘santo’ o ‘saints’[7] na labas sa definition at description ng R.C. At sa kanyang description sa mga mananampalatayang (santo) nasa Corinto, ang mga ito ay hindi super-banal, kundi ‘carnal’ or ‘babes in Christ’.[8] Pero yun nga, sa R.C. ang ‘santo’ ay patay na at namuhay ng super-banal at mahimala. Pero kay Pablo, yung mga tinawag niyang ‘santo’ ay mga ‘sanggol pa kay Cristo’ na kung saan ay may katangian ng pakikipagtalo sa kapwa Kristyano. Ibang-iba ang katagang ‘santo’ ni Apostol Pablo sa bansag na ‘santo’ ng R.C. Evangelically speaking, ang Kristyano ay tinatawag na ‘santo’ sapagkat sa paningin ng Diyos ng dahil sa banal na dugo ni Jesus, siya’y naging malinis, siyang naging banal, siya’y naging santo (Hagios).
- Slaves. Kapansin-pansin na sa mga lider ng sinaunang Iglesia, ang bansag na ginamit nila para sa kanilang sarili ay ‘lingkod’ o ‘alipin’ ni Jesu-Cristo.[9] Ito’y kakaibang ‘heartset’ at ‘mindset’ na sa totoo lang (sa lokal kong karanasan) ay di ko feel, observe, at nababalitaan sa aura, estilo, asal, at pamumuno ng mga pastor o lider ng simbahan. Diba? Pero isipin mo, ang mga kilala mismong ‘apostol’ (sugo) ni Cristo ay tiningnan at tinawag ang kanilang mga sarili na ‘alipin’ (Gr. doulos) ni Jesus. Wow! Iyan ay patotoo sa atin na sinumang dakila sa kaharian ng Diyos ay dapat na maging lingkod o alipin ng lahat.[10] Sa kaharian ni Cristo, ang kadakilaan ay natatamo at nangyayari sa pamamagitan ng pagiging alipin o lingkod. Pero sa panahong ito, tila nakasanayan na sa mga kilalang denominasyon na ipangalandakan at tingalain ang mga matataas na titulo at kredensiyal na nakakabit sa pangalan ng isang guro at lider. Tila ang mga tao kasi ngayon ay hindi na makikinig sa tinig ng isang alipin o sa taong ang tingin sa sarili ay alipin. Ayaw nating makinig sa ‘nobody’ kundi sa isang VIP. Subalit pagdating sa Ebanghelikong paglilingkod ng mga apostol, ito ang kanilang naging tingin sa sarili. Kahit na ang iba sa kanila ay may kredensyal at personal na nakadaupang palad si Jesus, ang naging pokus pa rin ng kanilang tingin ay sa Lordship at krus ni Jesus.[11] Kumbaga ay, ang ‘yabang’ (pride) ng mga apostol ay sa krus ni Jesus at sa diwa at ‘impact’ nito sa kanilang buhay.[12] Ergo, ang kanilang pagiging ‘alipin’ ay bunsod ng isang tugong-pagibig sa wagas na pagmamahal na ipinadama sa kanila ni Jesus. Sa madaling salita, sila’y ‘alipin ng Pagibig,’ alipin ng Krus.
- Church. Syempre, sa konseptong Filipino, ang ‘simbahan’ ay karaniwang tumutukoy sa isang lugar-panambahan at gusali. Ngunit ayon sa mga dalubhasa sa wika ng Biblia, ang mga apostol ay may ginamit na salitang Griego para sa salitang ‘church’ na kung saan ang kahulugan o konsepto ng salita ay naiiba sa ‘espasyo at gusali’ nating konsepto ng simbahan. Ang salita sa Griego ay “ekklesia” na ang literal na kahulugan ay, ‘a called out assembly.’ Sa tingin ko, ang salita at bigkas na “Iglesia” ay galing sa salitang ito. Pero yun nga, kung titingnan mo ang kahulugan ng salita, ang konsepto ay may kinalaman sa kalipunan ng mga tao o sa komunidad ng mga taong tinawag. At ayon sa isang theolohikal na depinisyon, ang pagiging ‘Iglesia’ raw ay ganito: tinawag tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Ebanghelyo mula sa sanlibutan patungo sa Kaharian ng Anak ng Diyos. Dinampot tayo ng Diyos mula sa ating makasalanang kalagayan patungo sa Kanyang kaloob na katuwiran kay Cristo Jesus.[13]
Ilan lamang ang mga bansag na ito para sa Kristyano na matatagpuan sa Bagong Tipan. Gamit ang konsepto ng mga salita, masasabi natin na ang mga bansag na ito ay hindi basta-bastang katawagan, kundi ito ay may kahulugan, may makapangyarihang diwa, at may basbas ng Diyos. Ito’y sumasalamin sa ating espirituwal na position o kalagayan kay Jesu-Cristo. Kaya naman Kristyano, sana’y ipamuhay mo ang dignidad ng iyong pangalan, ng mga bansag sa iyo. Mamuhay ka ayon sa kabanalan ng iyong makalangit na pangalan – lalo’t kayong may mga ‘H’ sa Tagpuan.
- [1] Matthew 28:19-20
- [2] Yun ay, ang mga Ebanghelyong Aklat na Mateo, Marcos, Lukas, at Juan
- [3] John 15:7-10
- [4] Acts 5:14; 1 Timothy 4:12; 6:2
- [5] Romans 10:9-10
- [6] 1 Corinthians 1:2; 6:1-2; 14:33; 16:1,15
- [7] e.g. 1 Corinthians 1:2
- [8] 1 Corinthians 3:1
- [9] e.g. Philippians 1:1
- [10] Matthew 20:26
- [11] 1 Corinthians 2:1—5; Philippians 3:4—10
- [12] 1 Corinthians 1:27-31; Galatians 6:14
- [13] Acts 26:18