Ang Pangalang ‘Kristyano’

“And he said to them all, “If any man will come after me, let him deny himself, and take up His cross daily, and follow me.” Luke 9:23, KJV

Sa wikang Ingles, ang salitang ‘Christian’ ay lumabas ng 3 beses sa Bagong Tipan (Gawa 11:26, 26:28, at 1 Pedro 4:16).  Interesanteng malaman na ang salita o bansag na ito ay hindi orihinal na nagmula mismo sa lipunan ng mga ‘Kristyano.’ Ibig sabihin, hindi Kristyano ang nagsabi na sila ay dapat bansagang ‘Kristyano.’ Hindi ito ang pangalang ibinigay o itinawag ng mga sinaunang mananampalataya para sa kanilang sarili. Maging ang komunidad ng mga Judio ay hindi nagbigay ng ganitong bansag sa mga tagasunod ni Jesus. Bakit? Simple, sapagkat ang pangalan o salitang ‘Kristyano’ ay nagtataglay ng messianikong diwa at kahulugan. Sa mga Judio kasi ang dakilang ‘Hari ng mga hari’ na darating ay tinawag nilang ‘Messias’ na ang ibig sabihin ay ‘ang Pinahiran’ ‘ang Hinirang’ – ‘the Chosen’ kumbaga. Isa pa, ang salitang ‘Messias’ ay mula sa Hebreo at ang katumbas nito sa wikang Griego ay ‘Cristo.’ Kaya kung babansagan ng mga Judio ang mga sinaunang tagasunod ni Jesus na ‘Kristyano,’ para na rin nilang inaaamin na si Jesus ay ang Messias o ang Cristo. Kita mo?  Kaya sa halip na ‘Kristyano,’ ang binansag ng Di-Mananampalatayang mundo ng mga Judio sa mga tagasunod ni Jesus ng Nazareth ay ito: ‘sekta ng Nazareno’ (Gawa 24:5) o kaya ‘Galileans’ o mga ‘taga-Galilea.’ Para kasi sa mga Judio, ang mga lugar na ito ay hindi pagmumulan ng kabutihan (Juan 1:46). Dagdag pa, ang mga Pariseo, Saduseo, at Eskriba noong panahon na iyon ay napakalaking kontrabida sa buhay ni Jesus. Para sa kanila, si Jesus ay bulaang guro at sinasapian ng demonyo! (Marcos 3:22).

Kaya nga, malabong tawagin ng mga Judio ang mga tagasunod ni Jesus ng Nazareth na mga ‘Kristyano.’

Saan o kanino kung gayon lumitaw ang bansag na ‘Kristyano’ para sa mga tagasunod ni Jesus? Sa narrative ng Biblia, sa Gawa 11:26 natin mababasa ang historikal nitong pinagmulan. Ang pangalan na ito ang siyang ibinigay o itinawag ng mga taga-Antiochia para sa mga tagasunod ni Jesus. Nangyari ito sapagkat ang sinaunang Iglesia noong panahong iyon ay lumalago at umuunlad, at mas higit itong napapakinggan at nagiging kontrobersyal kumpara sa paganong relihiyon ng Roma.

Ayon sa ‘International Standard Bible Encyclopedia,’ may mga diskusyon sa pagitan ng mga iskolar tungkol sa katagang ‘Kristyano.’ May ibang iskolar na naniniwala na ang salitang ‘Kristyano’ ay nagmula raw sa salitang ‘Chrestian’ na kung saan ay nakaugnay sa salitang ‘Chrestos’ na isang pamilyar na bansag o pangalan ng mga Griego para sa isang alipin. Sa madaling salita, noong panahong iyon, karaniwang pinapangalan sa mga alipin ay ‘Chrestos.’ Ang ibig sabihin, gustong palabasin ng mga iskolar na ito na kung ang pangalang “Chrestian” man ay ginamit na katawagan para sa mga sinaunang mananampalataya o tagasunod ni Jesus, ito ay upang libakin ang mga tagasunod ni Jesus! Gayunpaman, para sa ibang iskolar, kumbinsado sila na mas malaki ang probabilidad na ‘Christianos’ mismo (galing sa salitang ugat nitong ‘Christos’) ang bansag na ginamit sapagkat ito’y kumikilala sa konpesyon ng sinaunang Iglesia na si Jesus ay Anak ng Diyos at kung gayo’y ang Messias, ang Cristo.

Dagdag pa, yung hunlapi na ‘ianos’ sa salitang ‘Christianos’ ay orihinal raw na ginagamit para sa mga aliping naglilingkod sa isang dakilang sambahayan. At sa paglipas ng panahon, ang ‘hunlapi’ o suffix na ito ay napalitan na ng kahulugan na tumutukoy sa isang ‘tagasunod’ (adherent) ng isang indibidwal o ng isang grupo. At ang konsepto ng pagiging ‘tagasunod’ na ito ay nasangkapan pa ng konsepto ng ‘kaugnayan’ at ‘pagtatalaga.’ Naalala ko tuloy ang isang pagbibigay kahulugan para sa salitang Kristyano, noong ako’y High School pa lang. May nagsabi sa akin na ang ibig sabihin ng Christian ay ganito: “Without CHRIST I Am Nothing.” Kita mo? Yung tatlong letra na ‘i-a-n’ sa Christian ay nangangahulugan na ‘I am nothing’ without Christ.’ I think, that’s a good creative concept.    

Dagdag pa rito, gamit ang 1 Pedro 4:16, madadama at malalaman natin na ang pagiging Kristyano noong sinaunang panahon ng Iglesia ay isang mahirap na identity. Ang pagiging Kristyano ay itinuring na isang krimen laban sa Estado o Gobyerno ng Roma. Bakit? Sapagkat sa pangalang ‘Kristyano’ ay ipinapahayag ng isang mananampalataya na mayroong ‘Cristo’ – yun ay, mayroong ‘Hari ng mga hari’ na higit pa sa dini-diyos na Emperador ng Roma. At iyan nga ay nagbigay ng malaking ambag na dahilan kung bakit malupit na inusig ang mga Kristyano noong panahong iyon. Sila’y pinahirapan hanggang mamatay.  

And so, sa lahat ng ito, simple lang ang aking tanong: Diba nagsisimba tayo? Diba umaawit tayo ng papuri? Pero taglay at tapat ba tayo sa diwa ng pangalang Kristyano? Food for thought.