Ang Malakas na ‘Haki’ ng PagkaLalake

Sa nakaraang pagbubulay, natunghayan natin na ang isang malakas na lalake ay may ‘Prinsipyo at Paninindigan.’

Sa pagkakataong ito, dito naman sa Proverbs 3:1-7, isang pundamentong katangian ng pagkakalalake ang aking nakikita na napakahalagang mahubog at lumakas sa puso ng isang lalaki, lalo’t ng isang kabataang lalaki ng Tagpuan.  

Kung aalamin mo ang kasaysayan ng Exodo sa Biblia, mababasa mo na ang ‘pinakadahilan’ kung bakit namatay sa Ilang at hindi nakapasok sa Lupang Pangako ang 1st generation ng mga Israelita ay dahil sa kanilang kawalang pananalig sa Diyos.[1] And I think, ang dahilan kung bakit iilan lamang ang mga dumadalong lalake sa mga simbahan ay dahil sa iniisip ng maraming mga kalalakihan na ang paglapit sa Diyos at ang pagtitiwala sa Kanya ay nangangahulugan ng ‘kahinaan.’ May mga lalakeng nag-iisip o umaasal na ang pagsisimba, ang pananalangin sa Diyos, at ang pagbabasa o pagdadala ng Biblia ay tila isang “feminine” na bagay. Para sa kanila, ang religion ay para lang sa mga mahihina, sa matamlay; ito’y hindi para sa palaban. Subalit sa kwento at karanasan sa Biblia, ang ganitong pananaw ay isang kahungkagan! Sapagkat ang totoo, ang pananalig sa Diyos ay nangangailangan ng matatag at matapang na kalooban. Practically, kapag tumayo ka para sa Diyos ay marami kang kalaban: ang Diyablo, ang Masang-sanlibutan, at ang pita ng iyong laman o ang iyong masamang hilig. Hindi lahat ng lalake ngayon ay may lakas at tapang ng loob na tumanggi sa kanilang bisyo at hilig ng laman. (Iyan ay tumatawag ng malalim na pagbubulay.)

Sa madaling salita, hindi karuwagan o kahinaan ng loob ang magtiwala sa Diyos. At dahil rito, naiusal ni Solomon ang ganitong napakagandang pangungusap sa kanyang Kawikaan. Wika niya,

“Trust in the Lord with all thine heart, and lean not on your OWN UNDERSTANDING…” (Proverbs 3:5)

Sa talatang ito ay nakikita ko na ang pagbagsak ng isang lalake ay nagsisimula kapag nagkaroon na siya ng ‘self-dependence.’[2] Tulad ni Adan, bumagsak siya sa pagkakasala ng dahil sa hindi niya pagpapasakop sa Salita ng Diyos.[3] Siya’y sumuway sapagkat tumingin siya sa kanyang sarili (ego). And so, by principle, kapag pala naging pilosopiya ng isang lalake na pagmamay-ari niya ang kanyang buhay; kapag ang kanyang inasahan ay ang kanyang lakas at talino, siya ay babagsak. Ang sabi ng apologistang si Bernard Ramm,

“Faith is a Declaration of Dependence in opposition to sin which is man’s Declaration of Independence.”

Ang sabi rin ng ala Charles Xavier na pastor sa Bristol na si ‘George Muller’ na inspirasyon ko sa pagbuo ng Tagpuan,

“Faith does not operate in the realm of the possible. There is no glory for God in that which is humanly possible. Faith begins where man’s power ends.”

Sa madaling salita, gusto kong palabasin rito na ang pagkalalake at pagtitiwala sa Diyos ay may malapit na ugnayan. Ang lalake ay nilikha ng Diyos upang magtiwala sa Kanya! Sapagkat ang pagtitiwala ng lalake sa Diyos ang siyang babago at magpapalakas ng kanyang sarili at lipunan.

Sa Biblia, si Abraham ang siyang dakilang halimbawa ng isang lalakeng naging malakas sa pagtitiwala sa Diyos (Romans 4:18-20). At syempre, naging halimbawa rin ang tatlong kabataan sa Daniel 3. Sila’y tumayong may katapangan sa gitna ng karamihang lumalabag sa kalooban ng Diyos. Hindi sila lumuhod sa diyus-diyusan kahit na buhay pa nila ang nakataya (Daniel 3:16-18).  Para sa kaluwalhatian ng Diyos, nagawa nilang harapin ang kamatayan, huwag lang sila magkasala sa Panginoon. Ganyan kalakas ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Buo! Hindi kalahati, hindi sala sa init, hindi sala sa lamig. Hindi moody, hindi ningas kugon, kundi buong pananalig! 100% even till death do us part! Mapanindigan! At may dugo ng paninindigan!

Maging sa Pastoral ministry ni Timothy ay sinabihan siya ni St. Paul na magpakalalake at manindigan na gaya ng isang mandirigma ni Jesu-Cristo. Hindi siya dapat mahiya sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos o ng ideya o pilosopiya ng Diyos; hindi niya ito dapat i-compromise kahit na ayaw ito marinig ng marami.[4]

Kita mo?

Lahat ng ito ay nagpapatotoo na ang pananalig sa Diyos at sa Kanyang salita ay nangangailangan ng buong loob at hindi paurong-sulong na paniniwala. Kaya nga minsan pa, kung nais mong maging isang malakas na lalake, magtiwala ka sa Diyos! Ang pagtitiwala sa Diyos ay nakakalakas ng ‘haki’[5] ng pagkalalake. Iyan ang lalakeng may ‘bitaw.’

Part 1 and Part 2


  • [1] Psalm 95:8-11
  • [2] Kailangang balikan ang aking hermeneutical approach sa Part 1 ng series na ito: “Pagtuklas sa Tunay na Lalake.”
  • [3] Romans 5:19
  • [4] 1 Timothy 1:18-19 cf. James 1:3; 1 Peter 5:6-7; 1 Corinthians 16:13; 2 Corinthians 1:24
  • [5] Dapat alam mo ang mundo ng OnePiece para malaman ang Haki or i-Google search mo na lang ang ideya.