Pagtuklas sa Tunay na Lalake

“…ang mga kabataan ay matuturuang magpasya ng tama…” (Kawikaan 1:4, MBB).

Noon pa man, lubos na ang aking paniniwala na ang Diyos ay naghahanap[1] ng mga kabataang lalaki (syempre pati na rin babae) na makikinig sa Kanyang panawagan at Salita. Mga uri ng kabataan na katulad nina Samuel, David, Jeremiah, Josiah, Daniel, Shadrach, Meshach, Abednego, St. John, at Timothy. Sa tingin ko’y kaylugod sa kamay ng Panginoon na gamitin ang mga sariwang puso; mga damdaming maalab sa pagsusulong ng Kanyang Gawain, o sa kataga pa ni Don Rafael, “dugo ng kabataan na kumukulo sa iyong mga ugat na sing-init ng araw.”[2]

Sa Tagpuan, maliban sa partikular kong krusada para sa mga kababaihan – na bunsod ng Genesis 6 – parehas ring matimbang sa puso ko ang pagsusulong ng biblikal na diwa ng pagkalalaki sa simbahan at lipunan. Sa kulturang Pilipino at maging sa biblikal na pananaw, ang lalaki ang tinaguriang ‘ulo’ o ‘haligi’ ng tahanan.  Kaya isipin mo na lang ang malaking ambag sa lipunan at sa katatagan ng isang pamilya kung ang mga kabataang lalaki ngayon ay masasangkapan ng pananaw na hango mismo sa makaDiyos na ‘origin’ o pinagmulan ng kanilang kalikasan bilang ‘lalaki.’[3] At syempre, para mangyari ito, kailangan nating bumalik sa liwanag ng Biblia (Bible Light), sapagkat dito natin makikita ang mga ideya at paninindigan na kataTagpuan ng tunay na katangian ng pagkalalaki.

Nawa’y samahan ninyo ako sa serye ng pagbubulay na ito. 

Sa dami ng data sa Biblia na pwedeng tumalakay sa paksa ng pagkalalake, minabuti kong ituon lang ang aking pansin sa sinasabi ng aklat ng Kawikaan – gaya rin mismo ng ginawa kong pagtalakay sa paksa ng ‘Kaakit-akit na Babae.’

Ginamit ko ang aklat ng Kawikaan sapagkat…

  1. Itinuturing na ang aklat na ito ay para sa mga kabataan.[4] Masasabi kong nababagay ang aklat na ito na basahin ng mga tinaguriang ‘pag-asa ng bayan,’ silang nasa yugto pa ng ‘kapusukan’ sa buhay. Para sa akin, ang gamot sa ‘kapusukan’ ng mga kabataan – na bunsod na rin ng kanilang pita ng laman[5] – ay ang hinog sa karanasang payo. Ang aklat ng Kawikaan ay itinuturing kong imbakan at kaban ng mga pinag-isipan at subok sa karanasang mga kasabihan na tumatawag ng malalim na pagbubulay. 
  2. Sa pag-aaral ko sa Kawikaan, nakita ko na ang chapters 1—9 ay naglalaman ng 17 mga partikular o espesipikong mga aralin na kapansin pansing sinisimulan sa katagang “my son” o “hear ye children” (KJV).[6] Sa pagsusuri ko, nakita ko na ang mga katagang ito ay tila ‘imbitasyon na i-concentrate ang atensyon at damdamin ng bumabasa at nakikinig sa sinasabi ng pantas.’ Dahil sa kapusukan, ang ‘pakikinig’ ay isang malaking suliranin ng mga padalos-dalos at ningas-kugong mga kabataan. Nahihirapan sila sa konsentrasyon – sa talagang tunay na pakikinig; maingat at mataimtim.  
  3. Sinasabi na ang chapters 1-9 ay hindi tuwirang nagmula kay Solomon. Bagamat si Solomon ang siyang nag-compile ng mga karunungan o kawikaan sa aklat na ito, hindi naman siya ang direktang may akda ng chapters 1-9.[7] Probably, si Haring David ang tunay na author ng mga aral mula sa chapters 1-9 na kanyang ibinigay kay Solomon noong bata pa ito. Kung ganito nga, lalabas na napakatingkad ng mga payo, paalala, at kawikaan na mga ito. Bakit? Sapagkat ito’y nagmula sa puso ng isang tunay na lalake; matapang na lalake (Brave Heart)! Ang lalakeng humarap at pumatay sa higanteng si Goliath.[8] Ergo, ang chapters 1—9 ay hindi natin dapat maliitin o ituring na mahina o sa kataga pa ngayon ay, ‘walang bitaw.’

Kaya nga, sana’y samahan ninyo ako sa lakbay-bulay na ito – lalo na kung ikaw ay binata o dalaga pa. ‘Pag-asa ng bayan,’ sama-sama nating kilalanin ang lalakeng tunay at nakalulugod sa Diyos.

Wika ng kabataang si Ibarra,

“Hindi nasayang ang pag-asa kung ako’y magtatamo ng isang mabuting payo.”[9]


  • [1] e.g. Ecclesiastes 12:1
  • [2] Noli Me Tangere, Kabanatang 7
  • [3] Genesis 1:26-28
  • [4] e.g. Proverbs 1:4
  • [5] 2 Timothy 2:22
  • [6] Halimbawa: 1:8, 10, 15; 2:1…etc.
  • [7] Tingnan ang komentaryo ni Dr. Henry Morris tungkol sa bagay na ito.
  • [8] 1 Samuel 17
  • [9] Noli Me Tangere, “Sa Bahay ng Pilosopo.”