Ang salitang ‘malandi’ ay hindi maganda pakinggan. Diba? Para sa akin, masyadong masakit sa tenga ng isipan…at sa totoo lang ay ikinadudurog ng puso ko. Ganundin ba sa iyo? Sa tingin ko, walang sinumang babae na ibig masabihang ‘malandi.’ Diba?
Noong 1995, mayroong isang ‘bachelor’s thesis’ na inilimbag sa De LaSalle, na pinamagatang ‘ang konsepto ng malandi.’[1] Tatlong mag-aaral ng Psychology ang may-akda ng research. Layunin ng kanilang pag-aaral na mabigyang-linaw ang ‘konsepto’ ng malandi at ang kaibahan nito sa pagitan ng lalaki at babae. Lumabas sa kanilang pag-aaral – gamit ang pananaw ng kulturang Pilipino – na ang pagiging malandi ay: (1) isang paraan upang mapansin ng ibang tao, (2) pagiging agresibo sa pagpapahiwatig ng damdamin sa opposite sex, at (3) higit na nangingibabaw na pagtukoy sa babae. Take note, ang ganyang pananaliksik ay noong 1995 pa. Sa kamalayan at gunita ko ay wala pang popular na Internet, Facebook, TikTok, YouTube, TouchScreen na Cellphone, at iba pang sikat na social media platforms noong panahong iyon. Pero sa totoo lang, bilang isang nakatatanda na rin, bagamat ang tuklas o realisasyon sa pananaliksik na iyon ay sa taong 1995 pa, ngunit sa nakikita kong lagay ng mga kababaihan ngayon sa social media at pati na rin sa ilang tunay na karanasan na nakikita ko ng personal at lokal, maituturing kong ang tatlong emphasis na nakalap sa research na iyon ay tila yata mas lalong lumala ngayon. Ang mga kababaihan kasi ngayon ay nabigyan ng camera at online presence (tool) na kung saan kahit sa kanilang kwarto ay pwede silang mag-‘post’ ng kung ano-ano, yamang wala sa kanilang personal na sisipol o kaya’y titingin at gagawing may laswa sa daan. Safe sila sa kanilang kwarto, anumang pananamit at postura ang gawin nila sa camera ng kanilang cellphone. At dagdag pa nito, kapag maraming viewers, likes, at isama mo na rin ang mga bashers, ang kanilang provocative at seductive posts ay pwedeng maging pera. Saan ka pa?
Ngunit kung maalala ninyo, ang sabi ni Jesus – ang dakilang Anak ng Diyos ng langit at lupa:
“Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito” (Mateo 18:7)
Pero kung sisiyasatin natin ang Biblia tungkol sa ‘konsepto’ ng kalandian, ano ang maibibigay nitong mga paglalarawan o pangungusap? Minsan pa, sapat na para sa akin ang mga obserbasyon sa aklat ng Kawikaan sa pamamagitan ng matalas na dunong ni Haring Solomon na siyang eksperto sa paksang ito. Narito ang ilang mga talata na pwede nating pag-isipan. MBB 2012 bersyon sa Tagalog ang ginamit ko.
“Malalayo ka sa babaing mahalay, at sa kanyang pang-aakit ay hindi ka maaakay.” (Kawikaan 2:16)
Ang mga susing salita o kataga rito na pwede mong pag-isipan ay ang: “mahalay” at “kanyang pang-aakit.”
“Pagkat labi ng haliparot ay sintamis nitong pulot, at ang kanyang mga halik, kasiyahan nga ang dulot. Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog, hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang lugod.” (5:3-4)
Ang lupet ng talatang ito. Ginamit rito ang gusto kong salita para sa isyung ito: ‘haliparot.’ Matamis magsalita ang babaeng malandi. Pansinin mo rin na ginamit ang salitang “alindog.” Napakaraming ganyang presentasyon sa Facebook at TikTok.
“…lalayo ka nito sa babaing masama, sa mapang-akit niyang salita ngunit puno ng daya. Huwag mong nanasain ang ganda niyang taglay, ni huwag paaakit sa tingin niyang mapungay.” (6:24-25)
Ang babaing malandi ay ‘masama.’ Ipinapakita rito ang kanyang abilidad: “mapang-akit niyang salita” at “tingin niyang mapungay.” Pansinin mo, hindi dini-deny ng kawikaan na may ‘ganda’ na ‘taglay’ ang babaing malandi; kagandahang panlabas. Yun nga lang, ginamit niya ito para sa kasamaan (panunukso) – kaya’t tinawag siyang ‘babaing masama.’
Lastly, kung mayroon mang talata sa Biblia na masasabi kong detalyadong naglalarawan sa konsepto ng kalandian, yun ay matatagpuan sa Kawikaan 7:6-27. I encourage you na basahin ang passage na ito. Bilang halimbawa, isang partikular na description ang mababasa mo rito.
“Ang babae ang sa kanya’y sumalubong…mapang-akit, mapanlinlang sa masagwang kasuotan. Maingay ang kanyang boses, kilos niya ay maharot, di matigil sa tahanan, di mapigil sa paglibot.” (7:10-11)
Kita mo na? Kaya’t sana’y maging babala ang mga kawikaang-talatang iyan sa iyo Oh babae, lalo’t ikaw na dalaga! Lalo’t kayong mga babae na nasa simbahan.
Minsan pa, wika ni Jesus,
“Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito” (Mateo 18:7)
Subalit…
“Ang babaing mahinhin ay nag-aani ng karangalan, ngunit ang walang dangal, tambakan ng kahihiyan.” (Kawikaan 11:16)
[1] Tingnan ang detalye rito: Hui, J. C., Leechiu, K. T., & Yu, E. N. (1995). Ang konsepto ng malandi. Retrieved from https://animorepository.dlsu.edu.ph/etd_bachelors/9544