Ang Prayoridad ng Magandang Dalaga

SPOTIFY VERSION: 2O MINUTES

Sa serye na ito na pinamagatan kong “Ang Kaakit-akit na Babae,” tinalakay ko sa unang bahagi (Si Magandang Sanhi ng Tukso) na ang kagandahan ng isang babae ay pwede niyang magamit sa pagpapaningas ng imoralidad sa lipunan. Ito ay may mabigat na hatol mula sa Diyos. Samantala, sa ikalawang bahagi (Pilosopiya ng Kagandahan), ibinalik ko ang ating pansin sa pundasyon ng kagandahan na walang iba kundi ang kalooban ng Diyos.  At ngayon dito sa ikatlong bahagi, nais kong simulan ang pagbubulay sa ‘Ugali’ (o mga ugali) ng isang kaakit-akit na babae. Ayon kay Apostol Pedro (1 Peter 3:3-5), ang ugat ng kagandahan ay nasa panloob, hindi nasa panlabas; ito’y may primaryong kinalaman sa katangian o ugali, hindi sa itsura o panlabas na anyo – bagay na kontrang-kontra sa fashionista at pisikalismong pananaw ng Mundo.

Napakaraming mga talata at scenario sa buong Biblia ang pwede nating gamitin para sa paksa ng kagandahan, ngunit nais kong gamitin ang mga kawikaan ni Solomon sa seryeng ito upang ilatag ang mga ‘pundamentong ugali’ ng isang maganda o kaakit-akit na babae o dalaga.  

Sa sanaysay na ito, una muna nating tingnan ang sinasabi sa Kawikaan 14:1.

Ang matalinong babae ay nagtatayo ng kanyang bahay, ngunit binubunot ito ng hangal ng sarili niyang mga kamay.”

Sa aklat ng Kawikaan, ang kahulugan ng pagiging matalino (marunong) ay laging nakaugnay sa takot sa Diyos (cf. Proverbs 1:7; 9:10). Ergo, ang talinong binabanggit rito ay isang ugali na umiimpluwensya sa isipan. At batay nga sa talata, kontra sa ‘hangal’ na babae o sa isang babaeng walang takot sa Diyos o walang kaalaman sa Nasusulat, ang isang “matalinong babae” ay mayroong itinatatag. Sa madaling salita, ang isang babaeng walang takot sa Diyos ay mapanira, subalit ang babaeng may takot sa Diyos ay may makabuluhang binubuo.

Dagdag pa, dahil binanggit ang salitang ‘bahay,’ maari kong sabihin na ang isang babaeng walang takot sa Diyos ay magiging mapanira sa reputasyon ng kanyang pamilya. Hindi naghahatid ng karangalan o dignidad ang ‘hangal’ na babae sa kanyang pamilya. Sa praktikal na punto, kapag walang GMRC o Values – na nakaugnay sa espirituwalidad o pagkaMakaDiyos – ang isang babae, hindi siya magiging ‘pride’ o karangalan ng kanyang pamilya. Isipin n’yo na lang ang naging lagay ng mga magagandang dalaga sa panahong ito na nabalitaan na lamang ng kanilang mga magulang na ‘buntis.’ Isipin n’yo na lang ang mga kadalagahan na High School pa lang ay may ‘jowa’ na. Hindi pa nakatungtong ng College ay nakailang ‘boyfriend’ na o kaya’y may karanasang sekswal na. Syempre, maaaring sa Mundo ay ‘normal’ at likas lang iyan (normalized); subalit hindi ko iyan itinuturing na katangian o prinsipyo ng isang “matalinong babae na nagtatayo ng kanyang bahay.” Ang mga dalagang ganyan ay itinuturing kong “hangal” sapagkat hindi nila alam o hindi nila isinasakatuparan ang dapat na ‘priority’ muna sa kanilang buhay – pag-aaral. Landi ang siyang inaatupag at nangingibabaw sa kanila. Umaasa ang kanilang mga magulang na sila’y nag-aaral, binilhan ng mga kagamitan sa pag-aaral at tinutustusan ng baon (Oo, kahit na hindi yayamaning baon). Subalit ano ang inatupag sa eskwela? Edi ang magpaligaw; ang maglandi. Tuloy, bunga nito, naging maingay na isyu sa ating lipunan ang teenage pregnancy at lost of virginity – bagay na hindi naghahatid ng karangalan sa isang tahanan. At ito ang dahilan kung bakit sa paglipas ng panahon ng pastoral na ministeryo ko sa mga Kabataan, nahubog sa akin ang isang matibay at maliwanag na ‘conviction’ na tinatawag kong ‘theory of sexy roommate,’ na kung saan dini-discourage ko (at Oo, pinagbabawalan) ang isang kabataan (mga dalaga lalo na) na pumasok sa kanilang ‘jowa-jowa’ hangga’t hindi pa sila nakakatapos ng Kolehiyo. Hindi lahat ay sumusunod gawa ng kapusukan ng Kabataan at may iba na nagiging malamig ang trato sa akin gawa ng prinsipyo at paninindigan ko sa ‘conviction’ na ito. At natitiyak ko rin na ang sanaysay kong ito ay hindi kaluluguran ng maraming kabataan at tiyak na marami akong masasaktan. Subalit sa kanila na uunawa at susunod, natitiyak kong aani sila ng karangalan at ihahatid nila ito sa kanilang pamilya at tahanan.

(Note: Ang sanaysay na ito ay tumatawag pa ng mahabang pagpapaliwanag at mahabing pagpapaunawa.)