Pilosopiya ng Kagandahan

SPOTIFY VERSION: 16 MINUTES

Sa naunang salaysay (Si Magandang Sanhi ng Pagkakasala), binigyang diin ko ang kagandahang ‘defined’ at ‘described’ ng Mundo – na madalas ay ginagamit sa provocative (mapanukso) at seductive (mapang-akit) na anyo at pamamaraan – lalo’t sa social media.

Sa bahaging ito, nais kong bigyan pansin ang konsepto ng kagandahan sa paningin ng Diyos. Sa naunang sanaysay ay ginamit kong panapos ang sinabi ni Apostol Pedro sa 1 Peter 3:3-5, hindi ko nga lang naipaliwanag. Ngunit ngayon, kung iyong babasahin, sa talatang ito ay ipinapakita ang ganda na ‘napakahalaga sa paningin ng Diyos’ – ito’y inward, panloob, at di nakapokus sa panlabas.  Ang sabi ni Apostol Pedro sa mga kababaihan,

“Ang inyong ganda ay huwag maging panlabas lamang tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa paningin ng Diyos (yun ay, may kontrol sa sarili). Iyan ang pagpapagandang ginawa noong unang panahon ng mga babaing banal na umasa sa Diyos.” (1 Peter 3:3-5)

Kita mo?

Kaya naman, nais ko pa ring itanong o gawing palaisipan sa iyo – lalo’t sa iyo Miss, Lady, sa iyo na dilag ng aking Bayan at ng simbahan – kung mata ng Panginoon ang pag-uusapan, sino bang babae ang maganda sa Kanya? At sino ang ‘Pangit’? Now, I know, madalas sabihin na ‘walang pangit sa mata ng Panginoon,’ at Oo sa punto ng Paglikha (Creation), wala Siyang nilikha na ‘pangit’ sa Kanyang paningin…

“And God saw everything that he had made, and behold, it was very good…” (Genesis 1:31 KJV).

Walang pangit sapagkat lahat ay ‘very good’ (though di ginamit ang salitang ‘beautiful’ – ngunit ang beauty ay konektado sa usapin ng goodness and truth). Lahat sila (creation) ay nag-exist – anuman ang kanilang mga itsura, anyo, at kalagayan – sapagkat sila’y may purpose. By design then, they are good and in that sense they are beautiful. Therefore, ang beauty ng creation ay nagmumula sa Diyos na niloob at ginusto ang kanilang pag-exist, yamang may bukod-tanging papel rin silang gagampanan – ‘telos’. And so, sa dalawang babae na may magkaibang ‘itsura’ (outward, gaya ng, ang isa ay maputi, ang isa ay maitim; ang isa ay mataba, ang isa ay mapayat; ang isa ay matangkad, ang isa ay maliit; ang isa ay kulot, ang isa ay tuwid ang buhok, etcetera), sila’y masasabi pa rin natin na parehas na ‘maganda’ sa punto na sila’y parehas na nilikha ng Panginoon; parehas na hinubog sa sinapupunan ng kanilang ina (Psalm 139:13-14). Ang kagandahan kung gayon ay matatagpuan rin sa pagkakaiba (variety). Ang ganda ay walang fixed na panlabas na itsura; hindi ito nakakulong at limitado sa ‘isang itsura.’ Ang kagandahan ay maraming itsura; iba’t ibang itsura. Kita mo?

Kaya’t sa ilustrasyon kong dalawang magkaibang babae: ang dalawa ay may natatanging angkin sa isa’t isa na kaloob sa kanila ng Panginoon. Ang kanilang pagkakaiba kung gayon ay hindi nangangahulugan na mayroong ‘pangit’ sa kanila; kundi, ang kanilang pagkakaiba ay nangangahulugan ng pagiging bukod tangi, naiiba ang taglay na ganda. Ang isa ay mayroong kaanyuan na hindi taglay ng isa at dahil rito’y natatangi – and of course, vice-versa. At ang gayong natatanging kalagayan o katangian ang siyang ‘beauty’ na ibinigay ng Panginoon sa isa’t isa ayon sa Kanyang art at purpose na bigay sa kanilang buhay bilang unique personality.  

In the final analysis then, ang beauty o kagandahan sa paningin ng Panginoon ay nakasalig sa Kanyang ‘kalooban.’ Ergo, anumang panlabas na itsura mo babae ay hindi aksidente o hereditaryong bunga lang. Ito’y may malalim na dahilan, gampanin, kontribusyon, at misyon na higit pa sa sinapupunan na iyong pinagmulan; ito’y mula mismo sa malikhaing kamay ng Diyos na Soberano sa lahat; Siya na humubog sa iyo sa gayong sinapupunan at kilala ka na (ang iyong anyo, itsura, at personalidad) bago ka pa lang isilang (Jeremiah 1:5).

Subalit dahil sa ang Mundo ay lumayo sa Biblikal-na-tanaw (biblical worldview), ang kanyang naging pananaw sa kagandahan (kung ano ang maganda) ay bunsod at hinuhubog ng kanyang subhektibong (subjective) pananaw na nakaugat sa kanyang makasalanang kalikasan (total depravity). Walang masama sa subjective na pananaw – ‘beauty is in the eyes of the beholder’ –ang nagpapasama ay ang makasalanan nating kalikasan na siyang nagbibigay sa atin ng damdamin, panlasa, at persepsiyon na malayo sa katangian ng pagtingin ng Diyos sa kung ano ang talagang ‘maganda.’

And so, ang pagsasabing ang ganitong itsura at anyo ay pangit ay produkto ng damdamin, kaisipan, at paninging kinorap ng kasalanan. Ito’y tumatawag ng malalim na pagbubulay. 

Orihinal na Salaysay 2009, Pagsasapanahong Rebiso, September 2025