“Remember now thy Creator in the days of thy youth, while the evil days come not, nor the years draw nigh, when thou shalt say, I have no pleasure in them;” (Ecclesiastes 12:1 KJV)
Sabi pa ni St. Paul, “Behold, NOW is the accepted time; behold NOW is the day of salvation.” (2 Corinthians 6:2).
Ang sabi rin ng may akda ng Hebreo,
Kaya’t tulad ng sinabi ng Espiritu Santo, “Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo, huwag patigasin ang inyong mga puso…” (Hebrews 3:7-8)
Kaya nga, ang Diyos ay tumatawag sa iyo ‘ngayon,’ sa katunayan sa maniwala ka man o sa hindi, maging sa pamamagitan ng papel na ito. Tinatawag ka Niya na alalahanin mo Siya – ang magbigay ka ng panahon at pagpapahalaga sa Kanya. Sa ESP ay tinatalakay ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa Diyos, pero yun lang, kapag ito na ang pinag-uusapan sa klase, para ka lang nakatunganga at nakatitig sa dingding na parang sinapihan ng masamang espiritu ng kabingihan at ‘deadma’ lang. Alam mo yun, yung parang bigla kang inantok at gusto mong mag-time’s up na at gusto mong bumili ng palamig o softdrinks sa canteen kasi para kang sinisilaban sa klase ng ESP. Kung ganyan ang nararamdaman mo, isa yang napakaliwanag na sintomas na nagtagumpay ang kampon ng kadiliman sa buhay mo. Yes!!! Yung mga demonyito at demonyita ay nagtagumpay sa paglalambaras diyan sa pilik-mata mo at sa kakahimas sa iyong ulo para antukin ka sa klase ng ESP, at matulala na parang daig mo pa ang tinurukan ng tranquilizer.
Noong panahon ni Jesus ay mayroong mga masasamang espiritu na nagdudulot ng pagkapipi at pagkabingi sa katawan ng tao. Sa panahong ito, binago nila ang teknik, para di sila masyadong mahalata ng Aghamistang Relihiyon ng mundo. Ang estilo nila ngayon ay sa pamamagitan ng paghahasik sa puso ng tao ng ‘kawalang-interes’ ‘deadma,’ ‘di-pakikibahagi,’ at humuhubog ng pag-uugali na: ‘Di ko yan kailangan, pang mabait lang iyan!’ At alam mo, bata ka pa para ito’y malaman, subalit sa matagal ko ng obserbasyon sa lipunan at simbahan, nakita ko ng paulit-ulit (na parang sirang plakang balita) ang tatlong pangunahing kinababagsakan ng mga kabataan (lalaki o babae man) na ang response sa ESP o spirituality ay ganyan:
- Bumagsak sila sa kangkungan
- Naging salot sila sa kanilang bahay at lipunan
- Nagkaroon sila ng pamilya at trabaho o negosyo na walang paki sa Diyos
Usually, marami ang sa number 3 ay bumagsak, kasi ito ang mas napansin ni Satanas na mas magandang pain (trap) upang hindi nila hanapin ang Diyos hanggang kamatayan.
So… ang question ay: Ano, aalalahanin mo ba ang Diyos? Kung babalikan natin ang Hebrews 3:7-8 sa itaas, ang sabi ng Espiritu ng Diyos – Siya yung Diyos na kumakausap sa puso mo, sa konsensya mo – na ang pangunahing humahadlang sa tao upang hindi siya magbalik loob sa Diyos ay ‘pagmamatigas’ (ikumpara sa Acts 28:26-27). At naku, ang pagmamatigas na ito ay napakatindi sa mga kabataan at ito’y nakikita sa ganitong estilo ng pamumuhay at takbo ng utak ngayon: kumbaga ay, para sa mga kabataan ng ating lipunan, ang ligaya ng buhay ay matatagpuan sa barkada, inuman, bisyo, vapers, sex, pa-porma, ‘tiktokers,’ tambayers, at anupamang pauso ng kamunduhan. Bunga nito, ang mata ng mga kabataan ay nagiging bulag na bulag sa Diyos. Para sa kanila ang relihiyon ay “old-fashion” at pang-ermetanyo lang. Well, in a sense ganito ang kanilang pag-iisip sapagkat ang kanilang mga magulang ay wala ring disiplina. At kung ang tahanan ay guho dahilan sa ang “haligi” at “ilaw” ng tahanan ay inaanay at pundido, tiyak na maging ang mga kabataan na nakatira roon ay magiging hangal, tuliro, walang-direksyon, walang-asal, barumbado, mahalay, at papunta sa impyerno. Hmm…Oh pamilyang Pilipino! Nasaan ang Diyos sa inyong tahanan?!!!
“…sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao’y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos… mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos.” (2 Timothy 3:1-5)
Pero yun pa rin, sa kabila ng kadiliman na bumabalot sa mga tahanan ngayon, ang Diyos ay nagkaloob parin ng Ilaw na magsisilbing pag-asa at tanglaw sa bawat kabataang yayakap nito. Ang Ilaw na ito ay walang iba kundi ang Salita ng Diyos na ang Sentro ay si Jesu-Cristo. Kapag ang isang kabataan ay nagpakumbaba sa Panginoon dahilan sa narinig Niya ang tinig ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng tawag ng Katotohanan – o ng Nasusulat na Salita ng Diyos, ang kabataan na iyon ay nakakatagpo ng liwanag na gagabay sa kanya.
So ano? Aalalahanin mo ang Diyos o tatalikuran mo na naman Siya?
- Orihinal na sanaysay, year 2009; pagsasapanahong rebiso, August 2025
- Part 1: Kabataan, Sana’y Alalahanin Mo ang Diyos
- YouTube & Spotify versions