Titanikong Kayabangan

Genesis 11:4
 “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo…”

KABAN

MULA sa isang wika ng Madla
Ponolohiya ng palalo’y bokabularyong pambihira.[1]
Egoistikong plano’y pumailanlang sa lupa[2]
sa Kalooban ng Langit rumirebeldeng pambihira.[3]

KAPANGYARIHAN

SA iisang diwa at dila ng bayanihan
itinayo ng Tao ang titanikong kayabangan.[4]
Ngunit sa Kaitaasa’y may Isipang mahiwaga
Konseho Niya’y kung kumilos di mo sapantaha.[5]

KONPESYON

PUSO ko’y niyayanig ng mga taga-Babel;
maingay nilang kayabangan ay tulad ng baril;
mga hari’t reyna ng kalsada, mabagsik at mapaniil;
tulad mo’y isang nagtatagong tupa mula sa laway ng kanilang pangil.[6]

Oh! Aming Leon bumangon ka!
Iyong sagipin ang mga aping tupa!
Sumigaw ka’t umatungal na parang sa Narnia![7]
Sa Emperador mong tingin, iguho ang kanilang kuta![8]


[1] Tingnan ang sinasabi sa ‘The New Defenders Study Bible’ (TNDS) ni Henry M. Morris (2006). Notes sa v.4 at 1.
[2] Tingnan ang ‘The NIV Study Bible’ (1985). Notes sa v.4
[3] TNDS, notes sa v.4
[4] Genesis 11:4
[5] Ang sabi ng Diyos, “Halikayo.” Para sa akin, ito ay tumutukoy sa ‘Divine Council’ ayon sa pag-uugnay ko nito sa theolohikal na pananaw ni Micheal Heisler.
[6] Sa panahon pa lang ni Balagtas ay itinatangis na niya ito. Tingnan ang “Kabanata 2: Sa Loob at Labas ng Bayan kong Sawi (14-31)” sa Florante at Laura.
[7] Pwede mong panoorin ang pelikulang: “The Chronicles of Narnia: the Lion, the Witch and the Wardrobe” 2006.
[8] Parang ‘Supreme King’s Haki’ lang sa mundo ng OnePiece.