Ang pagbulusok ng matuwid na pag-iisip sa ating bayan ay isang seryosong problema – higit pa sa ekonomiya at pulitikal na problema. Wika ni haring Solomon,
“For as he thinketh in his heart, so is he” (Prov.23:7).
Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya (TAB).
Sa madaling salita, kung ano ang laman ng utak mo, iyon ka. Ang kilos (action) ay pinatatakbo ng isip (thought). Kung kaya, ang pangangalaga sa isip ay seryosong bagay (values). Ang binubulag ni Satanas ay ang isip (2 Corinthians 4:4).
Sa personal at lokal kong karanasan, noong ako ay nasa Baguio pa, hindi masyadong hayag sa mata ko ang epekto ng isipang busog sa mga basurang-ideya na laganap sa telebisyon.[1] Ngunit noong bumaba ako upang mag-Church planting sa Dasmarinas Cavite, nakita ko ang mga nagkalat na basurang ideya at makamundong-uso na hindi lamang lumalason at nagpapangit sa tao, kundi maging sa ating bayan. Nakita ko na ang tunay na sakit ng bawat baranggay o lipunan ay espiritwal. Hindi talaga lagi o masyado tungkol sa pera, klima, o bahay ang problema;[2] kundi sa espiritwal, partikular sa laman ng isipan. May mga tao akong kilala na di naman maraming pera o maganda ang bahay, pero masaya at may misyon sa buhay.
Kaya sa pagkakita nito, napaghinuha ko (sa lagay nating mga Kristyano) yung seryosong importansya ng biblikal na pagtuturo at ebanghelismo. Nakita ko na kung ang isang baranggay ay walang simbahan na malakas ang tinig, kapit, pahalaga, at paninindigan sa biblikal o tapat sa talata na pangangaral[3] at ebanghelismo, ang baranggay na iyon ay nalulugmok at bumubulusok sa pusikit na kadiliman ng kaharian ni Satanas. Bakit? Sapagkat ang Iglesia ang siyang ilaw at asin ng madilim at nabubulok na makamundong lipunan.[4] Nakita ko na ‘kung’ ang katotohanan, talino, katuwiran, karunungan at kahalagahan ng Ebanghelyo[5] ay hindi ipagsisigawan at paninindigan ng simbahan, hindi sila magiging mabuting ilaw at asin sa lipunan na kanilang ginagalawan.
Ang Ebanghelyo ay laging kritikal at napapanahong pangangailangan. Isipin mo na lang kung ang simbahan ay magiging tamad, mahiyain, takot, at walang pagibig na ihayag ang mensahe ng Ebanghelyo sa baranggay na ginagalawan niya? Kapag ganyan, ano ang mensahe o ideya ang maghahari sa isip ng mga tao? Well, kapag ang simbahan ay hindi magiging maingay sa biblikal na ugali at pamamaraan, ang maghahari sa lipunan ay ang Eat Bulaga, Showtime, Facebook, YouTube at mga teleserye.[6] Kapag ang simbahan ay mahiyaing nananahimik sa lipunan, ang isipan ng lipunan ay malalayo mula sa totoo, makapangyarihan at mabuting Balita na dapat at kailangan nitong marinig. Ang ebanghelyo ang makalangit na mensahe na sa kanila’y magbibigay ng katuwiran, tamang paghusga, mabuting kaisipan at matuwid na relasyon sa Diyos. Oo walang duda, alam ko na ang sistema ng mundo ay galit kay Cristo at sa Ebanghelyo, at hindi garantiya na maaakay ng simbahan ang lahat ng tao sa kanyang lipunan. Ngunit ang punto: Kahit na[7] wala tayong ma-akay[8] na kaluluwa sa ating pagbabahagi ng Ebanghelyo, gayunma’y, ibinigay na tungkulin at misyon sa atin ng Panginoon ang ibahagi ang Ebanghelyo upang akayin ang tao patungo sa Kanya. Ang Mabuting Balita ni Jesu-Cristo ang liwanag na naghahayag ng kasalanan ng Tao upang makita niya ang kanyang sarili sa ilalim ng hatol ng Diyos. Kaya gamit ang Ebanghelyo, ang pagpipilian lamang ng tao ay ito: (1) Tanggihan o (2) Tanggapin si Cristo – ang Magsisi o Mamatay.[9] Ang Mabuting Balita kasi ay hindi lamang ebanghelyo na nagliligtas, kundi ebanghelyo rin na humahatol.[10]
Sa aking palagay, marahil ang dahilan kung bakit maraming tao ang hindi makakita sa kanilang tunay na sarili bilang makasalanan sa harapan ng banal na Diyos ay dahil sa ang simbahan ay hindi sumusugod[11] sa pangangaral at pagbabahagi ng Mabuting Balita. Marahil ay takot kasi tayo sa sasabihin ng Tao, o kaya’y takot tayo na malayo sa kanilang uso. Well, kung ganito, kahihiyan po sa atin. Ngunit kaibigan, tandaan natin na tayo ay hindi taga-Mundo, tayo’y mga tinaguriang Kristyano – para kay Jesu-Cristo.
(Rebiso Enero 21, 2021)
- [1] Sa Baguio kasi, based sa experience at obserbasyon ko roon (2000-2014), ang tao ay hindi ma-teleserye sa GMA at ABS-CBN. Marahil ay gawa ito ng culture-clash na nararamdaman sa pagitan ng Tagalog at Cordillera. Dahil rito, hindi sila masyadong sunod sa uso ng taga-Baba (Lowlands). Mayroong Highlander at Lowlander na pananaw. Doon ko naranasan (somewhere 2000-2004), na ang mga artista ay hindi tinitilian, kahit nasalubong mo na sa daan (gaya ng karanasan ko sa cast ng Click, 2001, na mismong nasa tabi ko lang sina Chynna Ortaleza at Maybelyn dela Cruz na nagbabasa ng scripts). Well, noon yun, ewan ko kung ganyan pa ngayon ang Baguio.
- [2] Bagamat mga “influential factors” ito
- [3] Expository preaching in particular.
- [4] Matthew 5:16
- [5] 2 Corinthians 4:3-4
- [6] Though may mga palabas akong gusto na matalino ang pagkakagawa.
- [7] Just an exaggeration
- [8] Sapagkat nasa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos nakasalalay ang pagbabago ng puso ng tao.
- [9] “Believe” or Perish” sa kataga pa ng John 3:16
- [10] Romans 2:16 with John 3:16-21
- [11] Take charge and take risk