Hinggil sa paksa ng pagpipigil-sa-sarili o self-control, masasabi ko na ito ay laging napapanahong usapin sapagkat ito ang katangian sa bawat panahon na hindi pinahahalagahan ng marami. Ito ang siyang katangian na laging una na nalilibing sa hukay ng pagkalimot at pagbalewala. Masdan n’yo na lang ang mga balita sa telebisyon, pakinggan n’yo na lamang ang paraan ng pagsasalita ng mga tao (yung tabil at tono);[1] at tingnan mo na lang ang iba’t ibang kinawiwilihan ng marami, makikita mo na ang self-control ay walang lugar. Ang uso ay ang konsepto ng tinatawag nilang ‘indulge’ o sa salita ko pa ay, ‘Sige Lang.’
Totoo na marami ng nasakop (conquest) ang tao ngayon sa larangan ng agham at teknolohiya na siyang naging dahilan upang maisilang ang modernisasyon o post-modernisasyong teknolohiya. Bilang pilosopo at manunulat, nakita ko na sa maraming anyo at paraan – sa pamamagitan ng social-media – na ang mundo (globalisasyon) o lipunan (lokal) nating ginagalawan ay sinasakop ng konseptong “Sige Lang.” Aaminin ko, kung hindi ka makakasabay sa ganitong charge o sigaw-sugod ng lipunan, malayong makatikim ka ng kinahuhumalingang food-trip-work sa panahong ito. Sa madaling salita, hindi pagkakaperahan at dinadamitan ng ma-porma’t madolyar ang konsepto ng self-control, kundi ang “Sige Lang” (consumerism).
Ang pagkakaroon ng malaki (networking) at maperang Imperyo sa lipunan ay sa pamamagitan ng ‘Sige Lang.’ Kung wala ka nito, maximum 10,000 lang ang sahod mo sa Pilipinas. Isa yan sa socio-ekonomikal na problema sa ating bayan na ang ugat ay hungkag na pilosopiya.
Ngunit, hinggil nga sa hindi-mabili at hindi-mapera na ugali ng pag-kontrol sa sarili, wika ng pilosopo at matematiko na si Pythagoras (hindi siya Kristyano, ngunit may maganda siyang prinsipyo),
“No one is free who has not obtained the empire of himself.”
Yun nga lang, uso at binibili ba ang ideya na ito ni Pythagoras? Hmm..Duda na ako. Maprinsipyo pa ba ang Pinoy? Hm..Kibitbalikat na lang ako. Pero, sa sinasabi ni Pythagoras, parang ganito: Maaring naging matagumpay ka sa iyong industry, sa pagiging artista, sa advertisement, business, sales, administrative work, politics, atbp. Maaring naging sikat ka sa iyong career, sa iyong expertise, na anupat ikaw ang boss ng sarili mong kompanya. Pero kung ikaw ay walang self-control, ikaw ay isang bilanggo, isang alipin – yun ay bilanggo at alipin ng emperyo ng pita ng laman, ng kamunduhan, ng pera, at ng iyong layaw-yabang. Pero sasabihin ng iba,‘Dibale masarap naman!’
Ang ideya ni Pythagoras ay sinuportahan ng pilosopong Tsino na si Confucius,
“He who conquers himself is the mightiest warrior.”
Wow! Gandang-asal! Ang lupet na imahe.
Sabi rin ng isang American novelist na si Louisa May Alcott, ang may akda ng Little Women – na napanood pa ng anak ko sa Yey Channel noong di pa nalusaw ang ABS-CBN,
“A little kingdom I possess, where thoughts and feelings dwell; and very hard the task I find of governing it well.”
Kita mo? Gusto lang sabihin ng mga gurus na iyan na ang isang tao ay walang tunay na tagumpay sa buhay kung una sa lahat ay wala siyang kontrol sa kanyang sarili.
Yun nga lang…
Hindi na sikat ang mga aral na iyan sa globalized[2] at consumerized na prinsipyo at takbo ng lipunan ngayon. Ang uso ay hindi na pinatatakbo ng mabuting prinsipyo.[3] Bagkus, ang uso ay pinatatakbo na ng epicureanismo.[4] Sa madaling salita, ang uso ay pinatatakbo na ng food-trip-fashion. Iyan ang uso! Iyan ang binabayaran ng dolyar! Iyan ang dinadamitan ng magarang Amerikana at inilalagay sa magarang building. Iyan ang tinatambakan ng maraming FB-likes at ng endorsement ng mga sikat na artista. See the point? Kaya kung usapin ng ‘values’ at ‘philosophy of man’ ang pag-uusapan – na nakalagay naman sa curriculum sa public high school at senior high – hay naku, hindi ka nito bibigyan ng bonggang food-fashion at trip sa ibang bansa. Hindi in-demand ang pagtuturo ng mga ito sa ating bansa. Tuloy, magtatanong tayo kung bakit ganito ang ugali at asta ng Pinoy (lalo’t kabataang Pinoy)? Oh, Gobyerno! Oh, Oligarchs! Hindi kasi big deal ang Values Education eh! Walang priority budget para dito eh! Well, maaring marami pa kayong pwedeng masabi.
Kabayan, hindi na uso ang prinsipyo. Ang anino ni Jose Rizal at Bonifacio sa ating Bayan ay pinawi na ng kinang ng globalisasyong-konsumerismo. Ang uso ng awit sa ating Bayan ngayon ay yung awit ng mga kalaban ni Shaider[5] kapag sila ay sumasamba kay PumaLear, “Sige-sige, maka-sige…oha!”
Oh! Ang daming dapat sabihin. Pero yun nga, hindi ba’t maganda ang GMRC o ugali na ipinapakita sa sinabi ni Pythagoras, Confucius, at Alcott? Sa Pep-talk at wellness na usapan, bibilhin rin iyan eh. Pero yun nga, (my reader) hindi sila Kristyano, wala silang Biblia sa kamay sa pagsasalita ng mga prinsipyo na ito.
Sa ating mga Kristyano, itinuturing natin na ang ganitong mabuting prinsipyo na kanilang naisip ay bunga ng common grace at common sense. At sa usapin ng problema sa self-control sa ating Inang-Bayan, bilang Kristyano, simple at seryoso ang ating kasagutan – ang Ebanghelyo lamang ni Cristo. Ngunit yun nga, hindi mabili, hindi in-demand, hindi pinapalakpakan, hindi uso sa Tanghaling-Tapat na palabas sa TV Networks ng Pinas, hindi consumed ng FBlikes, at hindi most-watched sa YouTube ang Ebanghelyo. Bakit? Asa ka pa?
Oh! Kristyano! Noong araw na tinanggap mo si Jesus sa puso mo bilang Panginoon at Tagapagligtas, inilagay mo rin ang sarili mo sa impact na socio-economiko-pulitiko na kalugihan.[6] In a globalization sense, si Cristo ay sikat sa pang-uusig na paraan, hindi sa palakpak na paraan. Well, to be fair, marami rin siyang likes sa buong mundo, pero kapag edited lang Siya sa Kanyang salita at konteksto. Hmm…Higit mo itong pagbulayan.
Ang isyu pa ay ito: Paano kung ang isang nagsasabing siya’y Kristyano ay nakikitampisaw rin sa globalisasyong-konsumerismo ng mundo o umaawit rin ng “Sige-sige, maka-sige…oha” sa kanyang lifestyle – at ikakatuwiran na ino-offer niya ito para sa Diyos?
Sabi ng kapatid ni Jesus na si Santiago, (wikang Ingles)
You adulterous people! Do you not know that friendship with the world is enmity with God? Therefore, whoever wishes to be a friend of the world makes himself an enemy of God. (James 4:4, ESV)
Tungkol sa dapat na maging bunga ng Espiritu Santo sa puso ng Kristyano, ganito ang sabi ni Apostol Pablo,
But the fruit of the Spirit is…self-control (Galatians 5:22-23 ESV)
Kaya, kung ikaw ay Kristyano sa gitna ng lipunan na ito na globalized at consumerized, ang tanong ay: Spirit-self-controlled ka ba? O Sige-sige-controlled ka na?
(Original 2019; Revised, December 2024)
- [1] Dati akong nakatira sa Baguio, ngunit iba ang dating ng pagsasalita sa Manila, Cavite, at iba pang malapit na lungsod. Although, masasabi kong medyo cool-headed ang mga taga-Tagaytay, that is, way back 2014.
- [2] Hindi ko binabalewala ang positibong hatid ng globalisasyon, ang aking krusada rito ay ang diwa ng nationalismo at values sa ating sarili – bilang Pinoy man o Kristyanong Pinoy.
- [3] Pag sinabi kong mabuting prinsipyo, hindi ko sinasabi na walang binubuong quote and quote na “mabuting prinsipyo” ang globalisasyon at consumerismo. Sila man ay may sinasabing ‘mabuting prinsipyo’ ngunit nakabatay sa pilosopiya ng globalismo at consumerismo. Ang mabuting prinsipyo na tinutukoy ko rito ay, moral principles na mula sa salita ng Diyos.
- [4] Isang pilosopiya sa panahon pa lang ni Apostol Pablo na sumikat sa katagang “Eat, drink, and merry…for tomorrow we will die.”
- [5] Paborito itong palabas ng mga kasing-gulang ko. Kasabayan nito ang mga palabas na Mask Rider Black, Bioman, Maskman, Ultra Man, Machine Man at Magma Man.
- [6] Iba’t iba ang levels o degree nito sa larangan ng buhay Kristyano.