Paano lalago ang isang kabataang-Kristyano sa kanyang buhay espiritwal? Paano siya magiging ‘matandang-kabataan’ na maaasahan sa Gawain ng Panginoon? Paano siya magkakaroon ng matagumpay na pagtingin sa buhay na ayon sa mata ng Diyos? Maraming makukulay na kasagutan ang pwedeng ibigay ng Banal na Kasulatan, ngunit maimumungkahi ko ang payak ngunit sapat at makapangyarihang pangungusap ng psalmista sa Awit 119:10-16.
- Dapat hanapin ang Diyos ng buong puso. Sabi ng psalmista, “Hinanap kita nang buong puso ko; O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!” (119:10).
- Dapat isapuso ang binabasa sa Biblia. “Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso, upang huwag akong magkasala laban sa iyo.” (119:11). Wika ng isang Old Testament iskolar na si E.J. Young, “Sa pagbabasa ng Biblia, dapat nating tandaan na ito ay banal na dako. Dapat natin itong basahin na may pakumbabaang puso, na nahahandang makinig sa sasabihin ng Panginoong Diyos.”[1]
- Gawin mong batayan ng pagpupuri, pagsamba, at pagpapasalamat sa Diyos ang Kanyang mga salita. Sabi ng psalmista, “Purihin ka, O PANGINOON; ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!” (119:12). Kumbaga ay, gawin mong musika at awitin ang salita ng Diyos sa iyong buhay. Ito ang iyong awit, ang nagpapaantig ng iyong damdamin, at pumupukaw ng iyong puso kahit na nasa anupamang kalagayan ka ng buhay.
- Ibahagi mo ito. Wika ng psalmista, “Ipinahahayag ng mga labi ko ang lahat ng mga batas ng bibig mo.” (119:13). Alam mo, kapag higit mong ibinabahagi ang salita ng Diyos, higit rin na lumalago ang iyong pananagutan (accountability) at nahahamon (challenge) ang iyong dangal sa harapan ng Diyos at ng tao. Tandaan, magkabilang talim ang salita ng Diyos (Hebrews 4:12). Ibig sabihin, kapag ito ay iyong ibinabahagi sa iba, pero ikaw mismo ay hindi nagsasabuhay nito, magiging mapagpaimbabaw ka. “Plastik” ika nga ng iba, o banal-banalan lang. Kaya, kapag ibinabahagi natin ang salita ng Diyos sa iba, ito ay humahamon ng tapang at paninindigan na maging tapat rito, sa Diyos at maging sa iyong sarili. Mayroon akong binuong motto sa wikang Ingles na ganito ang sinasabi, “Above all things in the ministry, integrity before God.”
- Gawin mo itong bukal na iyong kaligayahan. Tulad ng psalmista, sabihin mo sa Diyos, “Ako’y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo, gaya ng lahat ng kayamanan.” (119:14). Alam mo, ang pagka-dismaya sa pag-aaral ng Biblia ay nangyayari kapag pinag-aaralan o binabasa mo ang Biblia ng walang puso. Kumbaga ay, kapag binabasa mo ito ng katulad ng diyaryo, komiks, textbook, o kaya ay pocket book. Hindi ganyan kaibigan. Basahin mo ito ng may puso – may pagibig at ligaya sapagkat hangad mo na makilala at mahalin ang iyong Tagapagligtas at Panginoon na si Jesus. Ang taus pusong pagbabasa ng Biblia ay masarap sa kaluluwa.
- Pagmunimunihan ang binasa. “Ako’y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo, at igagalang ang mga daan mo.” (119:15). Ito ang tunay na devotion o sa termino ko pa, ito ang tinatawag kong power of reflection. Well, hindi dahil sa may power o kapangyarihan per se sa pagbubulay kundi sa object na pinagbubulayan – ang Banal na Kasalutan; ang banal at makapangyarihang salita ni Yahweh! Alam mo, sa aking palagay at karanasan, ang numero uno na tanda na ang isang kristyano ay may sinasagawang debosyon sa salita ng Diyos ay ito: Kapag ang usapan ay tungkol sa salita ng Diyos, naroon ang kanyang respeto, pansin, paghanga, pagtatanong, at kasabikan. Hindi siya lumalayo o tumatahimik sa ganitong usapan, kundi bigay na bigay sa pagnanasang matuto, lumago, at sambahin ang Panginoon.
- H’wag mong kalimutan ang prinsipyo 1-6 na nabanggit. “Ako’y magagalak sa iyong mga tuntunin; hindi ko kalilimutan ang iyong salita.” (119:16).Ang gamot sa limot hindi lang paalala. Ang gamot sa limot inspirasyon – kagalakan at pagmamahal. Alam mo, kapag mahal mo ang isang tao, hindi mo siya malilimutan. Diba? Napapansin ko lang na pagdating sa mga artista o mga taong hinahangaan natin, gustong-gusto nating kunin yung kanilang autograph o pirma (o kumuha ng picture kasama sila) para maalala natin yung sandali na nakita o nakadaupang palad natin sila. Saka, para masabi rin natin sa iba na nakita at nakausap nating personal si ganito at si ganyan. Pero alam mo? Ang Biblia ay pwede rin nating sabihin na autograph ng Diyos. Ito ang Kanyang sulat o love-letter (sabi nga ng iba) sa atin. Subalit nakakalungkot na marami sa bumabasa o nagsasabing naniniwala rito ay may matabang at mapait na panlasa sa pag-aaral at paniniwala rito. Ngunit hindi dapat ganyan – oh hindi dapat! Ang salita ng Diyos ay dapat na inspirasyon, kasabikan, kasiyahan, at kasarapan sa kaluluwa.
Iyan nga ang mga pambungad na prinsipyo upang ang kristyanong kabataan ay lumagong malakas at marunong sa kanyang buhay-espiritwal at ministeryo. Iyan ang pampatanda ng espiritu ng kabataang kristyano.
“Ako’y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda, sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.” (Awit 119:100)
“Huwag mong hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya, at sa kalinisan.” (1 Timothy 4:12, MBB)
Rebiso ng salaysay, July 2019
[1] “In approaching the Bible, therefore, we need to remember that it is sacred ground. We must approach it with humble hearts, ready to hear what the Lord God says.” An Introduction to the Old Testament. Cited in the Preface, p.11.