Masatsat na Lipunan

Audio Version

Kapag inyong papakinggan ang mga patalastas sa Television, kapag inyong papakinggan ang mga talk shows, ang mga ito ay puno ng mga satsatan, mga maingay na salita. Bakit sikat si Vice Ganda? O kaya’y si Jose Manalo? Sapagkat kuha nila ang puso ng Masang Pinoy na uhaw sa pakikipagkwentuhan. Kumpara sa mga Hapon at Europeano, tayong mga Pilipino ay ma-kwento – bahagi ng ating kultura ang tumambay, na siguro’y tulad ni Juan Tamad na naghihintay sa pagbagsak ng bayabas sa kanyang bunganga. 

Sa kulturang Pinoy, tila hindi totoo ang kasabihan na ‘words are cheap’ kasi mismong ang media, ang mga advertisement, at ang mga TV hosts ay nabubuhay at kumikita sa salita, o sa mga daldalan. Words are not cheap. Ito ay magandang businessnalaway lang ang puhunan.[1] 

Pero yun nga, kapag pag-iisipan natin ang impact nito sa ating lipunan, masasabi ko na pinatay ng daldalan ang kakayahan natin na mag-reason, na mag-isip ng malalim at makatuwiran. Maliban kay Rizal at Balagtas, mayroon bang pilosopo sa lahing Pinoy na sumikat sa ibang bansa? O kaya, kung ikukumpara ninyo ang mga palabas ng Pinoy ngayon sa Korea, Japan, at Tsina, nakasasabay ba tayo sa maistratihiyang pag-iisip?[2] Pagdating sa pakikipaglaban, sa aking pakiwari, tayong Pinoy ay yung palasigaw, maingay, o mabunganga, samantalang ang ating kalaban ay tahimik na naglalatag ng kanyang plano at mga bitag laban sa atin.

Madaldal ang Pinoy. Ma-showy tayong lahi. Marahil ay gawa ito ng mainit na klima ng Pilipinas, na para maibsan tayo sa init na dulot ng haring araw ay idinadaan na lang natin sa ingay – sa pagiging masalita at pakawala. Ngunit sa pagsasabing “madaldal” ang Pinoy, hindi ko purong sinasabi na ang ganyang katangian ay negatibo na lahat. Sa aking palagay ay may positibo rin iyang hatid sa ating lahi na marahil ay naging dahilan kung bakit tayo tinaguriang “friendly nation” at smiling faces kahit bumabaha na sa Maynila – bagay na ikinagugulat ng mga Amerikano. Ngunit sa negatibong pananaw, hindi nakabubuti ang palaging madaldal. Sabi ng pilosopo na si Pythagoras, ‘Silence is better than unmeaning words.’ Now, hindi ko sinasabi na walang dahilan sa daldalan (minsan meron) ngunit sa pakiwari ko ay may point si Pythagoras na sabihin na madalas pagdating sa daldalan malalagay ka sa walang kapararakang usapan o mga salita. Kung kaya para sa kanya, mas may pakinabang sa katahimikan; kasi sa katahimikan natutulungan tayong mag-isip – na magbulay-bulay – kaysa sa makinig sa mga daldalan, o kakatawanan na wala namang kabuluhan.

Dagdag pa, sa tingin ko, ang obserbasyon ni Pythagoras ay sinususugan ng dunong ng Biblia. Halimbawa, wika ni Solomon sa Proverbs 13:3,

“The one who guards his words guards his life, but whoever is talkative will come to ruin.” [3]

Sa Tagalog,

“Siyang nagiingat ng kanyang bibig, nagiingat ng kanyang buhay: ngunit siyang madaldal ay magkakaroon ng kapahamakan.”

See? Ang salita ay dapat na binabantayan. At bakit? Kasi ito ay paraan ng pangangalaga natin sa ating buhay. Sa talatang ito ay ipinapakita sa atin na ang pagbabantay sa ating mga “salita” is a matter of life and death. Kaya nga, mas maigi pa na ang tao ay manahimik kung ang kanyang mga sasabihn lang naman ay walang sense, kaysa sa magdadadada siya ng mga salita na hindi lang masakit sa tainga, kundi nakakalason pa ng kaluluwa.  

Alam n’yo, naisip ko lang na dahil sa ingay na naghahari sa ating lipunan ngayon –gawa ng mga daldal sa radio, talkshows sa TV,[4] mga musikang walang laman, at iba pang source ng walang kabuluhang ingay sa ating paligid – ay namatay o nalaos sa ating buhay yung pagpapahalaga sa katahimikan. You see, ang katahimikan ay kaibigan ng pag-iisip. Bakit? Sapagkat sa pamamagitan nito ay natututo tayong mag-isip, magbulay-bulay. At ang dahilan kung bakit maraming tao ngayon ay takot sa katahimikan ay dahil sa ang kanilang isipan ay hindi panatag at hindi sanay sa pag-iisip, na anupat dahil rito ay boring na boring sila sa pananalangin at pag-aaral ng Salita ng Diyos.

Kaibigan, hindi purket matunog o maingay o maimpluwensya ang isang tao o bagay ay naghahayag na ito ng katotohanan. Hindi po. Kailangan nating bumalik sa katahimikan, kung saan doon ay pag-iisipan natin na mayroong Dios[5] na inihahayag ang Kanyang Sarili sa pamamagitan ng Biblia – ang aklat na maghahatid sa atin sa makabuluhang mga salita ng buhay.

Ang sanaysay na ito ay orihinal na naisulat noong Septyembre 2012. Rebiso, 2019.


[1] Maraming nagbebenta ng eBooks sa panahong ito. Kasi, magsatsat ka lang ng kung ano-ano tungkol sa buhay mo o sa lugar na napuntahan mo o sa anumang wala namang kinalaman ang ibang tao, ay bibilhin ka na. At ang tao sa panahong ito ay curiuos sa buhay ng iba, kung kaya bibilhin nila ang karanasan o satsat mo para lang maging “in” sila.  Sa kabilang banda, ito ay salamin sa kauhawan ng tao na kilanlin ang iba (social nature) at maging humanga sa iba.

[2] Strategic thinking

[3] Tingnan rin ang sinasabi Kawikaan 10:19-20; 17:27-28; 21:23

[4] Na sa aking obserbasyon ay hindi nawawala ang presensya ng LGBT.

[5] Tingnan ang prinsipyo sa Mateo 6:6