Sila’y tiningnan niya ng may galit. Nalulungkot siya sa katigasan ng kanilang puso…
Basahin ang scenario sa Marcos 3:1-6
Kapag tayo ay nagagalit, madalas na ito ay bunsod ng natatapakan kasi yung ego natin, o sa mga lalake pa ay, yung kanilang pagkalalake ay natatapakan. Madalas, nagagalit tayo dahil sinaktan yung damdamin natin, dahil nilait tayo, hindi binigay yung ating karapatan, o hindi binigay yung ating gusto. Syempre, may mga valid reasons o makatuwirang dahilan sa mga iyan. Hindi naman kasi masama ang magalit. Sinabi ni Apostol Pablo, “Kayo’y mangagalit…” pero tuloy niya, “at huwag kayong mangagkasala” (Ephesians 4:26). Ibig sabihin, may galit na maayos. May galit na hindi ka magkakasala. At iyan ang uri ng pagkagalit na dapat nating matutunan. At syempre, mula dito sa Mark 3:5, nagbigay ang Panginoong Jesus ng isang[1] halimbawa kung paano natin ito maisasagawa. Siya ang ating pattern o halimbawa para sa tama, maayos, at banal na galit.
Kapansin-pansin sa scenario sa ating talata na ang galit ng Panginoong Jesus ay may kalakip na kalungkutan. Hindi Siya yung tipo na kapag ginalit mo ay bubuntalin ka, babarilin ka, bubungangaan ka, o patatalsikin ka sa trabaho. Hindi ganyan magalit ang Panginoon. Kapag Siya ay magalit, malungkot Siya.[2] Bakit? Sapagkat ayaw Niyang magalit sa iyo – subalit kasi, dahilan sa katigasan ng ulo mo, sa katigasan ng puso mo at paghihimagsik mo sa Kanya ay talagang magagalit Siya sa iyo. At sa totoo lang, hindi hangal ang Diyos upang balewalain Niya ang kahungkagan at pagrerebelde natin. Totoo na ang Dios ay mapagmahal, subalit Siya rin ay kaaway ng mga taong may matitigas na puso. Galit Siya sa mga taong tumatanggi sa Kanyang pagibig (Romans 5). At dito sa talata (Mark 3:5), nagalit ang Panginoong Jesus sa mga Pariseo at Eskriba, sapagkat kahit na aral sila sa Biblia, subalit hindi tumitimo sa puso nila ang mga salita nito. Naging bulag sila sa Persona na ipinapahayag nito na walang iba kundi si Jesus. Naging relihiyosong-Kotrabida sila sa buhay ni Jesus. Ngunit yun nga, ang pagkagalit ng Panginoon laban sa mga matitigas na puso na ito ay may halong kalungkutan. Oh totoo,
“Ang Panginoon ay mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan; banayad sa pagkagalit, at dakila sa kagandahang-loob.” (Awit 145:8 TAB).
Kita mo? Iyan ay napakatamis na katangian ng Diyos! At totoo, na ang Diyos ay galit sa mapagtanggi na makasalanan, gayunma’y tandaan natin na kapag Siya ay magalit, ito ay may kalungkutan, sapagkat ayaw Niyang tayo ay mapahamak. Kaya’t sabi ni Pedro,
“…Binibigyan…Niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi, hindi Niya nais na may mapahamak.” (2 Pedro 3:9 TPV).
Sa konteksto ng talatang iyan, may mga tao kasi sa panahon ni Apostol Pedro na tila nagsasabing (2 Peter 3:3-4),
“Diba sabi ng Cristo ninyo ay magbabalik Siya, eh bakit ngayon, halos patay na lahat yung mga taong sumunod sa Kanya eh hindi parin Siya dumarating? Ah, niloloko n’yo lang yata kami sa Ebanghelyo na iyan na ipinapangaral ninyo!”
Kita mo kaibigan? Galit ang Panginoon sa ganyang mga tao. Ngunit ang sagot ni Pedro (2 Peter 3:5-9), tapat ang Diyos sa Kanyang pangako. At ang isa sa dahilan kung bakit hindi pa Siya dumarating sa daigdig (upang ipataw ang hatol at katuwiran) ay dahil sa marami paring mga tao ang hindi nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Ayaw ng Diyos na may mapahamak. Nagbibigay parin Siya ng sapat na panahon para sa lahat. Subalit, kapag dumating na ang takdang oras ng Panginoon na ibubuhos Niya ang Kanyang galit sa mga makasalanan, ito ay walang hanggan nilang mararanasan sa Dagat-dagatang apoy. Kaya yung katotohanan na ang Diyos ay nagbibigay parin ng oras at panahon para sa pagsisisi ay biyayang hindi dapat sayangin. Ang isang libong taon, wika ni Apostol Pedro, ay parang isang araw lamang sa paningin ng Diyos (2 Peter 3:8).
Kaya kung ang paraan ng galit ng Diyos ay katulad ng sa galit ng tao, naku matagal ng walang laman ang daigdig. Pero buti na lang, ang galit ng Diyos ay hinahaplos parin ng Kanyang habag – ng Kanyang lungkot.
Kita mo? Iyan ang kaibhan ng Kanyang galit sa ating galit. Ang galit natin ay mapangwasak, ngunit ang galit ng Diyos ay nakaugnay sa Kanyang kalungkutan. Ayaw Niyang tayo ay dumanas ng Kanyang bagsik at hatol. Subalit itatanong ng iba,
“Eh kung gayon, bakit hindi na lang Niya iligtas ang lahat, kung nalulungkot rin lang naman Siya na parusahan ang makasalanan?”
Sagot ko naman, sapagkat ang Diyos ay hustisya; hindi Siya gagawa ng anumang hungkag at hangal na pagpapasya na laban sa Kanyang katangian. Ang gayong pananaw ay nagpapakita ng sablay at hindi patas (balance) na pananaw sa Kanyang katangian. Hindi purket Siya ay itinuturing natin na pagibig ay ililigtas na Niya ang lahat. Hindi po. Oo ikinalulungkot Niya ang kapahamakan ng mga makasalanan, subalit hindi ito nangangahulugan na palalampasin Niya ang kanilang mga kahangalan at katampalasan. Ang kalungkutan kung gayon ng Panginoon ay nakaugnay parin sa Kanyang hustisya. Siya’y nalulungkot subalit isusugo Niya pa rin ang Baha na pupuksa sa makasalanan (Genesis 6:5-7).
Kaya nga, ang galit ng Diyos ay ibang iba sa galit ng tao. Ang galit ng tao ay mapanisi sa Diyos, mapanisi sa kapwa, nakakamatay, nakakasira, at nakakalason. Ngunit ang galit ng Diyos ay tinitimbang ng Kanyang lungkot, na sana ay magsisi ka sa iyong mga kasalanan. At syempre, ito ay nakaugnay rin Kanyang hustiya na hindi nagpapamihasa ng kasalanan.
Ang galit ng Diyos ay ‘galit’ na nagsasabing “Lumayo ka sa kasalanan!” Ito ay ‘galit’ na tumatawag sa iyong pagbabalik-loob.
At kaibigan, kung ganyan ang uri ng galit na nararamdaman mo sa iyong kapwa o para sa iyong bayan, maituturing ko na ang galit mo ay banal.
Orihinal na sanaysay, 2012. Rebiso, 2019.
[1] Ito ay isang halimbawa lamang na ang conteksto ay nasa scenario na ipinapakita sa Mark 3:1-6. Hindi ko sinasabing ang halimbawang ito ay pasok sa lahat ng sitwasyon sa buhay. Mahalagang unawain lang natin ang general principles.
[2] Suportado ako ni Adam Clarke sa ganitong pananaw. Wika niya, “What was the anger which our Lord felt? That which proceeded from exceesive grief, which was occasioned by their obstinate stupidity and blindness: therefore it was not uneasy passion, but an excess of generous grief.” (Clarke, Mark 3:5).