Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at sinoma’y hindi nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at sinoma’y hindi nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak. (Mateo 11:27, TAB)
Maliwanag sa talatang ito na si Jesus ay Kurios – ang dakilang Panginoon. Aniya, “Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama.”
Pagisipan mo ito: madalas na marinig sa mga lokal na simbahan ang paanyayang “Tanggapin mo si Cristo at ikaw ay maliligtas.” Syempre, sa punto ng ating responsibilidad, tama naman ang pangungusap na ito. Subalit sa kabilang banda, dapat rin nating ikonsidera na sa punto ng tinaguriang Sola Gratia,[1] kung iniisip mo na ang kaligtasan ay nakabatay sa iyong pagpili at paglapit kay Jesus, kaibigan sa tingin ko’y kapos na pananaw iyan. Bakit? Kasi dito sa talata,[2] mahalagang maunawaan na nasa kamay ni Cristo ang ‘lahat ng bagay.’ At dahil rito sinabi Niya na ang pagkakilala natin sa Diyos ay bunga parin ng Kanyang kalooban. Wika Niya, “…at walang nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan Niya.”Kita mo? Malinaw iyan. Sa madaling salita, hindi mo makikilala ang Ama maliban na ipahayag Siya sa iyo ni Cristo. Kita mo? Minsan pa, ang linaw ng sinasabi sa talata, ang sabi ng Panginoong Jesus, ang Amang Diyos raw ay makikila ng “sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan Niya.”Kaya’t sa makaDiyos[3] na punto divista ni Jesus, hindi ikaw (primaryo) ang pumipili sa Diyos upang lumapit ka at maligtas, at makilala Siya. Kundi, ani ni Jesus, Siya ang pumipili sa iyo upang makilala mo ang Diyos – ang Amang nasa langit. Kaya nga, huwag mong isipin at ipagyabang na ang iyong kaligtasan ay nakabatay lamang sa pagtanggap mo kay Cristo, kundi dapat mong pakahigit na isipin na ito ay primaryong dahil sa pagtanggap saiyo ni Jesu-Cristo – sa pagpili sa Iyo ng Anak ng Diyos. Kita mo? Iyan ang hiwaga[4] ng ating kaligtasan na dapat maghatid at magbunga sa ating kalooban ng kapakumbabaan.
Orihinal na sanaysay, 2009