Ang ‘makasalanang likas’ ng tao ang siyang dahilan kung bakit siya sinasabing ‘makasalanan.’ Sa paliwanag ng isang Reformed theologian na amerikano sa Florida na si R.C Sproul,
Ang suliranin natin sa kasalanan ay yaong pag-uugat nito sa kaibuturan ng ating pagkatao. Nanunuot ito sa ating puso. At yamang ang kasalanan ay nasa ating kaibuturan at hindi nasa labas lang, naging pahayag ng Biblia na: walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakakaunawa at walang naghahanap sa Diyos. Lahat sila’y lumiko ng landas at naging masama. Walang gumagawa ng mabuti (Roma3:10-12). At dahil sa kalagayang ito, ang Banal na Kasulatan ay kapariringgan ng hatol na tayo ay ‘patay sa ating pagsalangsang at kasalanan’ (Efeso 2:1); na tayo ay ‘ipinagbili sa kasalanan’ (Roma 7:14); na tayo ay ‘bihag ng kautusan ng kasalanan’ (Roma 7:23), at na tayo ay ‘mga katutubong mga anak ng kahatulan’ (Efeso 2:3). Tanging sa pamamagitan ng nagbibigay-buhay na kapangyarihan ng Espiritu Santo tayo ay mapapalaya mula sa kalagayang ito ng espirituwal na kamatayan. Ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng buhay upang tayo’y Kanyang maging kahangahangang sining (Efeso 2:1-10).[1]
Gamit ang biblikal na pagsusuri at paliwanag ni Sproul, makikita na ang dahilan kung bakit ang tao ay makasalanan ay hindi primaryo dahil sa gumagawa siya ng kasalanan, kundi ‘primaryo’ dahil sa mayroon siyang ‘kalikasan na makasalanan.’ Sa madaling salita, nakakagawa ang tao ng kasalanan sapagkat siya’y makasalanan. Sa kataga pa ni Sproul sa Ingles, mayroong ‘…sin that is rooted in the core of our being.’ Ang puso, isip, at kalooban ng tao ay inuugatan ng kasalanan at dulot nito’y nahahayag ito sa kanyang asal-kilos.
Umuugat ang makasalanang kilos sa makasalanang puso.
[1] Heto ang orihinal na pangungusap sa Ingles: “Our problem with sin is that it is rooted in the core of our being. It permeates our hearts. It is because sin is at our core and not merely at the exterior of our lives that the Bible says: There is none righteous, no, not one; there is none who understands; there is none who seeks after God. They have all turned aside; they have together become unprofitable; there is none who does good, no, not one. (Romans 3:10-12) It is because of this condition that the verdict of Scripture is heard: we are “dead in trespasses and sins” (Ephesians 2:1); we are “sold under sin” (Romans 7:14); we are in “captivity to the law of sin” (Romans 7:23) and are “by nature children of wrath” (Ephesians 2:3). Only by the quickening power of the Holy Spirit may we be brought out of this state of spiritual death. It is God who makes us alive as we become His craftsmanship (Ephesians 2:1-10).” – (R.C Sproul. “The Essential Truths of the Christian Faith.” Chapter VI, “Human Beings and the Fall,” under the subject of “Human Depravity.” Tyndale House Publishers, Inc. Wheaton Illinois, 1992.)
Ang sanaysay na ito ay orihinal na naisulat noong 2012. Rebiso ay 2022.