“Ako’y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol.” (Mateo 11:25)
Karaniwang pananaw ng mga komentarista ng Biblia na ang mga ‘pantas at matatalino’ na tinutukoy rito ni Jesus ay ang mga Pariseo, Eskriba, at isama mo narin ang mga (ika nga, ‘liberal theologians’ na) Saduceo.
Kapansin-pansin na ang mga Pariseo at Eskriba noong panahon ni Cristo ang mga matayog ang lipad na relihiyoso. Sila ang mga elite, mga utak at gasolina’t apoy ng relihiyong Judaismo. Gayunmay…Oh ‘kaylungkot na subalit…’
Ano ang kanilang naging tugon, asal-ugali kay Jesus?
Hindi ba’t pang-uusig sa Panginoong Jesus? Hindi ba’t pang-aalipusta sa Anak ng Diyos? Hindi ba’t pakikipaglaban sa Kanya? Hindi ba’t sila pa mismo ang nanguna upang ipapako si Jesus? Ngunit ano bang problema nila? Diba’t mga relihiyoso naman sila? Hindi ba’t sila ang may ‘PhD in Theology’ o ‘Doctors of Law’ degree ng panahong iyon? Anong problema? Bakit tinanggihan nila si Jesus? Syempre, maraming angulo ng sagot na maaring pulutin sa pag-aaral ng Gospel accounts,[1] ngunit dito sa Mateo 13:14-17, makikita natin na ang dahilan ay: kamanhiran ng puso at isip sa Panginoon.[2]
Oh! Isang nakapangingilabot ito na ‘kalagayan ng kalooban’ na maaring mangyari sa buhay ng isang tao. Alam mo, nababasa nga nila ng malinaw ang sinasabi ng Kautusan, ngunit hindi nila ito maunawaan[3] sapagkat naging manhid ang kanilang puso sa Diyos! Wala talaga silang pagmamahal sa Panginoon sa tunay na diwa nito.[4] Sila ay naging pakitang tao, mapagpaimbabaw, mayayabang, at relihiyosong naliligaw ang pang-unawa. Bulag sila sa Espiritu, at dahil dito ay hindi nila nakilala si Cristo; hindi nila Siya pinanaligan at hindi nila Siya pinakinggan sapagkat sila ay naging mga pantas at matatalino sa ganang sarili. Bunga nito, itinago ng Diyos Ama mula sa kanila ang katotohanan ng Persona at Salita ni Cristo – sa punto na naging manhid na kasi ang puso nila sa Panginoon. Kaya kahit na nagbigay ang Diyos-Ama ng mga malinaw na ebidensya o patotoo patungkol sa Kanyang Anak, hindi parin sila naniwala. Dahil rito, bilang hatol ng Diyos, sila ay hinayaan[5] Niya sa kanilang kamanhiran at itinago mula kanila ang ‘biyaya at katotohanan’[6] na nakay Jesu-Cristo.
Ngayon, anong aral ang mapupulot natin rito. Kaibigan, ito ang aral na aking natutuhan: napakaseryong bagay ang kapakumbabaan. Kaylanman at saanman, hindi ka makakalapit kay Jesu-Cristo kung walang kapakumbabaan. Maliwanag na turo sa atin na ang biyaya ng Diyos ay nasa mapagpakumbaba,[7] ngunit ang Kanyang hatol ay nasa mga palalo; nasa mga nagpapaka pantas sa kanilang sarili. Kaya’t pinapalapit tayo ng Panginoong Jesus sa Kanya, sapagkat nais Niya na tayo ay magpakumbaba. Iyon ang dahilan kung bakit Niya tayo tinatawag – ang magpakumbaba. Ang paanyaya ni Cristo ay nangangahulugan na dapat tayong magpakumbaba; na huwag tularan ang mga Pariseo at Eskriba. Oo nga’t sila ang mga propesor at mga dalubguro ng Kautusan ni Moises noong panahong iyon, gayunma’y ang kanilang ‘degree’ o talino sa Theology ay hindi naghatid sa kanila sa Panginoon. Bakit? Sapagkat pinag-aralan nila ang Kautusan ng walang kapakumbabaan; walang tunay na paghahanap sa Diyos sa diwa ng pagbabalik-loob at pagibig. Kaya nga, nawa’y magsilbing babala ito sa bawat nagtuturo o nag-aaral ng Biblia – lalo’t kayong mga banal-banalan sa seminaryo! Sa inyong mga iskolar na walang puso! Sa mga propesor ng divinidad na hindi marunong magbabad sa panalangin! Sunog ang kilay sa talata, pero ang tuhod ay hindi kinalyo ng dasal.
Ang pagiging Pastor ay hindi lamang pag-aaral ng theology, kundi higit sa lahat, ito’y pagpapakumbaba sa Theos, sa Diyos. Bagamat ang Bible School at Seminary ay nagtuturo sa atin ng mga paraan ng pagpapaliwanag at pagkakaunawa sa nilalaman ng Biblia, ngunit ang ‘tools’ ay mawawalan ng kabuluhan o di-magagamit ng maayos[8] at matuwid kung ang gumagamit nito ay bulag. Ang pag-aaral ng Biblia ay dapat na sinasangkapan ng pagpapakumbaba sa Diyos; Oo, isang pusong tapat na nagmamahal sa katotohanan ng Panginoon, na ang nais ay ang kalooban ng Panginoon at hindi ang papuri ng tao.[9] Kaya nga, magpakumbaba tayo sa panawagan ng Panginoong Jesus! Ito ang nararapat na asal-tugon natin sa tuwing lumalapit tayo sa Diyos at nag-aaral ng Kanyang Salita. Wika ni propeta Isaias,
“Ang langit ay aking trono, at ang lupa ay aking tuntungan. Ano ang bahay na itatayo ninyo sa akin? At ano ang dako na aking pahingahan? Sapagkat ang lahat ng mga bagay na ito ay nilikha ng aking kamay, kaya’t nangyari ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng PANGINOON. Ngunit ito ang taong aking titingnan, siya na mapagpakumbaba at may nagsising diwa, at nanginginig sa aking salita.” (Isaias 66:1-2)
Ang sanaysay na ito ay orihinal na naisulat, 2009, mula sa aking aklat na “Nababagabag na Kaluluwa ng Kristyano.” Rebiso 2020.
[1] Ang mga aklat na Mateo, Marcos, Lukas at Juan
[2] Matthew 13:10-15
[3] Marcos 7:6-13, kasama ang punto ng 1 Corinto 2:8
[4] Juan 5:42
[5] Tulad ng sa punto ng Roma 1:24 at isama narin ang punto ng Mateo 7:6
[6] John 1:17, kasabay ang punto ng 2 Corinto 3:13-15
[7] Santiago 4:6
[8] Gaya ng sa punto ng 1 Timoteo 1:5-11
[9] Galacia 1:10