Hirap ng Buhay

Isang mahirap at malalim na palaisipan ang tanong na, “Bakit may paghihirap?”

Syempre, lahat ng tao ay may problema. Tama? Sino ba sa atin ang walang problema? May nagsabi na kapag wala ka na raw problema, patay ka na? Hehe. Pero, wala na bang problema kung patay ka na? Depende kasi kung sino ang patay? Kung Kristyano,[1] wow, buhay na buhay (Langit). Pero kung Di-Kristyano, naku, patay na patay. Bakit? Kasi may impyerno eh. And so, hindi purket patay, tapos na ang problema. May mali o dapat linawin sa gayong pananaw.

Si Abraham Lincoln na ika-16 na presidente ng Estados Unidos ay nagsabi ng ganito,

“Absence and death are the same – only that in death there is no suffering.” 

Sa pangungusap na ito, maaring sa lupang-pananaw (socio-political) lang ang tinitingnan ni Lincoln at hindi niya pinapasok ang religious na usapin. Ngunit, sa ating mga Kristyano, ang tanaw natin sa lupa ay ayon sa tanaw ng Langit. Ibig sabihin, ang pananaw-Kristyano ay kung ano ang tanaw ng Diyos na lumikha ng mga bagay na nakikita at hindi nakikita.[2] Maituturing kong mali rin ang katagang “absence and death are the same”[3] – sa biblical na tanaw natin. Bakit? Kasi ang kamatayan na tinutukoy ng Biblia ay hindi anihilismo o katapusan ng pagiral. Ang Biblia ay nagpapakita sa atin ng dalawang lugar lang na pupuntahan ng tao kapag siya ay namatay sa katawan – Langit at Impyerno. Walang gitna o walang Purgatoryo. Wala ng second chance! And so, ang taong namatay ay hindi “absent” o wala. Bagkus, siya ay iral na iral o may kalalagyan matapos ng kanyang pisikal na kamatayan. Ang tanong nga lang eh, saan? Langit ka ba? O impyerno?[4] Kita mo?

And so, gusto ko lang sabihin na hindi purket patay, wala ng problema – actually may matindi at nakapangingilabot na walang hanggang problema kung namatay ang tao na wala si Jesus sa puso niya. Kaya sa tuwing napapadungaw ako sa kabaong ng Di-Kristyano, napapabuntong hininga ako.  Well, maaring dito sa lupa ay dyologs ang pananaw na iyan, na arte lang; ngunit kapag nasa impyerno na ang tao, tingnan natin kung dyologs ang ibabad sa lumalagablab na apoy. Tiyak na hindi ka mag-i-inarte dun! Pero kaibigan, oh dalangin ko na may Kristo ka na sa puso mo!

Subalit yun nga (balik ako sa paksa), dito sa Lupa, tayo ay mayroong problema. Bahagi ng buhay ang paghihirap; hindi natin ito matatakasan. Ika nga ng iba, ingredients na ito ng buhay. Simula ng bumagsak sina Eba at Adan, bumagsak rin tayo sa problema – lalo’t higit problemang espiritwal.[5]

Sa pananaw ng isang Aleman na pilosopo na nagngangalang Friedrich Nietzsche, (na noong una kong rinig ng pangalan niya ay akala ko pangalan ng isang Fried Chicken Restaurant – parang KFC o Mang Inasal), ganito ang pagmumuni-muni niya,

“To live is to suffer, to survive is to find some meaning in the suffering.”

Ang pilosopo na si Nietzsche ay isang makata at klasikong pilologista o batikano sa wika.  Maituturing kong may sense ang kanyang sinabi rito,[6] sapagkat sa liwanag ng Common Grace ay napansin niya ang katotohanang nagaganap sa ating karanasan at kasaysayan bilang tao; yun ay, ang buhay ay mahirap. Now, bilang makata, marahil ay ginagamit niya lang ang technique ng exaggeration o pagmamalabis para tumawag ng pansin. In reality, ang buhay ay hindi talaga laging bagyo o ulan; may araw rin. Yes, mahirap ang buhay, pero awa ng Diyos inaaliw Niya tayo ng Kanyang Common Grace (o sa kataga ko pa ay Pangkalahatang-Pagpapala) upang hindi tayo lubos na malunod sa hirap ng buhay na hinatid ng kasalanan.[7] Hindi rin ako panig sa solusyon ni Nietzsche na para mag-survive ang isang tao ay kailangan niyang hanapin ang kahulugan o kabuluhan sa kahirapan o sa kataga pa niya “to find some meaning in the suffering.” Now, sinabi konghindi ako panig sapagkat walang maibibigay na kabuluhan o lakas na magpatuloy (to survive) ang paghahanap ng kabuluhan sa kahirapan. Ang kahirapan sa kanyang sarili ay hindi nagbibigay kabuluhan sa tao.[8] Mas lalo lamang siyang ibabagsak nito kung dito siya maghahanap ng kabuluhan.  Pero bakit ko nasabi iyan? Ganito ang punto ko: ang pag-iral ng kahirapan ay bunga at patotoo ng bumagsak o nawalang makulay na kabuluhan ng Tao noong siya ay nasa Eden pa lang.[9]  Originally, nilikha ng Diyos ang tao ng may makulay o makaDiyos na kabuluhan. Hindi nilikha ng Diyos ang tao upang paglaruan sa kahirapan.[10] Ngunit nang ang Tao ay sumuway sa kalooban ng Diyos, winasak niya ang makaDiyos na kabuluhan na ito at pinalitan niya ng makasariling-kabuluhan. Sa ganitong punto, ang pagsuway ng tao sa Diyos at ang kanyang pagyakap sa makasariling-kabuluhan ang dahilan ng kanyang kahirapan.[11] Ang kabuluhan na ibinigay ng Diyos sa tao (orihinal-historikal)[12] ay hindi kabuluhan sa kahirapan, kundi makulay na kabuluhan sa Kanyang Piling (presensya).[13]  Iyan ang scenaryong ipinapakita sa atin sa hardin ng Eden ng Genesis 1 at 2.

Subalit, sa isang punto, kung aayusin ko ang basag na pananaw ni Nietzche, masasabi ko na kung may kahirapan man na magbibigay ng kabuluhan sa tao, ang kahirapan na iyon ay walang iba kundi ang sakripisyo-kahirapan ng mahal na Panginoong Jesu-Cristo.[14] Patotoo ni Apostol Pablo sa harapan ng busog at hayahay sa buhay[15] na si haring Agripa,

“…ang Cristo ay kailangang maghirap at kung paano na siya muna sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay ay magtatanyag ng ilaw sa bayan, at gayon din sa mga Gentil.” (Gawa 26:23 TAB).

Kita mo?

Ngunit dapat nating alalahanin na ang paghihirap ni Cristo ay hindi dahil sa Kanyang sarili, kundi dahil sa atin at para sa atin.[16] Pinasan Niya ang ating kahirapan upang sa pamamagitan ng Kanyang paghihirap ay makatagpo tayo ng kaligtasan[17] – hindi survival, na sa pananaw ni Nietzsche ay kulong sa Lupa lang. Oh, napakayaman sa theolohiya ng katotohanan ng kamatayan ni Jesus. Hindi sapat ang isang sanaysay upang ihayag ang yaman nito.

Ang solusyon o kaligtasan na kaloob ng krus ni Kristo sa mahirap na buhay ng tao ay nanunuot sa buong pagkatao. Ang kabuluhan na binibigay nito ay kabuluhan sa buong[18] pagkatao at pag-iral[19]ng pagkatao. At ito ay matatanggap lamang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya na tinaguriang Suffering Servant[20] o Lingkod na Naghirap para sa ating mga kasalanan. Now, dapat kung mabilis na sabihin na ang pananampalataya sa Kanya ay hindi nag-aalis ng kasalukuyang paghihirap na dinaranas ng kristyano sa daigdig. Mali, hungkag, at bulaan ang tanyag na katuruan ng tinaguriang Prosperity Gospel o Ebanghelyo ng Kasaganahan tungkol sa diwa ng kaligtasan na hatid ni Jesu-Cristo sa buhay ng tao.[21]  Ang kristyano ay daraan parin sa mga kahirapan ng buhay na karaniwang dinaranas ng tao. Ngunit ang malaki at makapangyarihang pagkakaiba ng kristyano sa oras ng paghihirap ay ito, wika ni Apostol Pablo,

Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di masukat na kaluwalhatian, sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.(2 Corinto 4:17-18)

Now, by immediate context na tinatawag, ang pangungusap na iyan ni Pablo ay nakapaloob sa naganap na pang-uusig sa mga Kristyano na hatid ng sistema ng sanlibutan at dahil sa pamamahayag ng Ebanghelyo. Gayunpaman, generically, ang prinsipyo ay nagpapakita na ang kasalukuyang kahirapan ng Kristyano ay magtatapos. Bakit? Sapagkat Siya ay pinagkalooban ng Diyos ng dakilang pag-asa kay Cristo Jesus. Ang Kristyano ay itinalaga ng Diyos sa makalangit na kaluwalhatian o sa tawagin kong di-masukat na maluwalhating kabuluhan sa piling ng Diyos. Oh! Diyos ko, pambihirang katotohanan!

Ngunit habang hinihintay natin ang makalangit na kaluwalhatian, ngayon pa lang, maging sa kasalukuyang karanasan at kamalayan ay maari nating maranasan ang makulay na kabuluhan sa kahirapan kung ang ating mga paghihirap ay hinaharap o dinaranas natin ng may pagtitiwala sa magagawa ng Diyos o sa kabilang banda’y kung nararanasan natin ang mga ito para sa kapakanan ng pangalan ni Jesus.[22] Kita mo?

Ang pananaw kung gayon ng presidenteng si Lincoln at ng pilosopong si Nietzche ay hindi natin maasahan o masasaligan. Di hamak na higit at dakila ang sagot na tinanggap ni Apostol Pablo na sa kataga pa niya’y ilaw na nagtatanyag ng kabuluhan sa ating makasalanan at nahihirapang buhay.

Orihinal na sanaysay, 2019


[1] I mean, tunay na Kristyano ha! Yung ayon sa Ebanghelyo ng Biblia, hindi yung sa birth certificate lang o member kasi ng ganito o ganyang sekta.

[2] Colossians 1:16

[3] Now, hindi ko alam ang konteksto ng usapan rito. Ngunit ang aking ginagawa lang ay yung ituwid ang idea na binibigyang pahiwatig ng salita, bagamat hindi ko alam kung ano ang konteksto ng pangungusap na ito sapagkat nakuha ko lang ang quote na ito online.

[4] Sa puntong ito, ginagamit ko ang salitang Impyerno para sa kapakanan ng Masang unawa. Theologically, hindi ko direkta na tinutukoy rito ang Dagat-Dagatang Apoy, kundi ang Hades o Place of Torment muna na tinatawag.

[5] “with all miseries spiritual, temporal, and eternal.” Westminster Confession of Faith. Chapter 6, Article 6.

[6] Bagamat hindi ko alam ang contexto.

[7] Mahaba itong talakayin, ngunit hindi ko isasagawa sa sanaysay na ito.

[8] I’m not talking about character growth here. Existensya ng kahirapan ang tinutukoy ko rito.

[9] Westminster Confession of Faith, Chapter 6. Article 1-3.

[10] That is kung experiential-historical scenario ng Genesis 1 and 2 ang pag-uusapan.

[11] Ito’y paliwanag sa experiential at historical na kamalayan gamit ang deskripsyong scenario ng Genesis 3. Hindi ako lumalangoy rito sa theolohikal at pilosopikal na usapin kung bakit may kahirapan. Hinggil sa ganyang paksa, maimumungkahi ko ang sanaysay ko na: “Problem of Evil: Putok Batok na Usapin.”

[12] Ayon sa talang-saysay ng Genesis 1:26-30.

[13] Heidelberg Cathechism. Lord’s Day 3. Question 6.

[14] 2 Corinthians 8:9

[15] Sa katawang-lupa lang.

[16] Theology of Huper and Anti

[17] 2 Corinthians 5:21

[18] Puso, Isip, Kaluluwa, Lakas, Katawan

[19] Here and Yet to Come perspective

[20] Isaiah 53

[21] Mayroon akong sanaysay na pinamagatang: “Ang Lugi at Yari sa Huli.” I-type sa website na ito ang “Pagbabalik-Loob.”

[22] Matthew 5:10-11; Luke 21:17; Acts 9:16; Romans 8:36; 1 Corinthians 4:10