…sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan…Yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Roma 3:9, 23)
For all have sinned and come short of the glory of God (Romans 3:23 KJV)
Kung paanong ang kaluluwa ay humihiwalay sa katawan sa pisikal na kamatayan, hinihiwalay rin ng ‘kasalanan’ ang tao mula sa Diyos. Inilalayo ng kasalanan ang tao mula sa Diyos. Ang pagkakahiwalay at pagkakalayong ito ay nagbunga sa atin ng galit sa Diyos, ng galit sa kapwa, at ng galit sa ating sarili. Inaalis ng kasalanan ang kapayapaan sa puso ng tao.[1]
Ayon sa talata, ‘yamang ang lahat ay nagkasala,’ lahat ng tao ay dapat hatulan ng Diyos (v.19) – relihiyoso man ang turing sa sarili o hindi.
Halimbawa, ang bansang Israel na siyang bayang hinirang ng Diyos ay hindi nakaligtas sa hatol ng Panginoon sapagkat sila man ay hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.[2] Ipinagkaloob sa kanila ng Diyos ang Kanyang Banal na Kautusan upang sa pamamagitan nito ay maging asin at liwanag sila sa mga Hentil o mga bansang hindi sumasamba kay Yahweh.[3] Subalit ano ang kanilang ginawa? Sa kabila ng napakayamang espirituwal na pagkakataon o pribelihiyo na sa kanila ay ipinagkaloob ng Diyos, nakuha parin nilang maghimagsik at sumuway sa napaka mabuti at makapangyarihang Diyos ng langit at lupa. Kaya, ipinahayag ng Diyos na sila man ay dapat hatulan. Ito ang dahilan kung bakit bago ang Roma 3:23, mababasa muna sa Roma 3:22 na, ‘there is no difference’ o ‘walang pagkakaiba.’ Walang pagkakaiba sa ano? Well, wala ng pagkakaiba sa pagitan ng Judio at Hentil. Sa madaling salita, wala ng pagkakaiba sa pagitan ng relihiyosong Israel at paganong Hentil sapagkat ang lahat ay nagkasala; lahat ay bumagsak; lahat ay nahiwalay sa Diyos.[4]
Dito pumapasok ang isa sa mga dahilan kung bakit sinasabi ng Protestanteng Ebanghelikal na ang kaligtasan ay hindi nakapundasyon sa taguri nating ‘relihiyon’[5] – yun ay, sa programa ng simbahan, sa hostia, donasyon, kawang-gawa, at maging sa bastang paniniwala sa Diyos. Huwag mabilis isipin na ang tao ay maliligtas sa apoy ng impyerno ng dahil sa nagsisimba siya tuwing linggo. Kaibigan, ang demonyo man ay naniniwala at humaharap sa Diyos subalit kaaway ng Diyos.[6] Sa laro pa ng salita: may mga taong nagsisimba ngunit hindi sumasamba.
Ang punto ay: may uri ng paniniwala sa Diyos na hindi nagliligtas. Hindi purket relihiyoso ang tao ay ligtas na siya. Matuto tayo sa pagkakamali ng Israel at sa kapaimbabawan ng mga Pariseo at Eskriba – lalo’t sa pagkakamali ng mga Saduceo. Kaya kung ang paniniwala ay hindi taus sa puso[7] at kung ang pagkarelihiyoso ay hindi nakapundasyon sa ebanghelyo ni Cristo, ang isang tao ay nasa ilalim pa rin ng kahatulan ng Diyos.