Ang kasalanan ay pwedeng ma-enjoy, as in, pwedeng-pwede![1] Maihahalintulad ko siya sa isang makamandag na lason ng kobra sa probinsya ng Tarlac na inihalo sa maraming minatamis na dessert. See?
That’s why, hindi nakapagtataka na marami ang nalululong sa mga bagay na ipinagbabawal ng banal at mabuting Diyos. Well, ito ay sapul na sapul sa pinasikat na kanta ni Eva Eugenio. Tiyak na alam ito ng mga millennials, bagamat uso parin ang kanta na ito lalo na tuwing linggo – sa Area B, Dasmarinas Cavite at siguro maging sa lugar mo. Ito ay pinamagatang “Tukso.”
Ilan sa hinog sa karanasang pangungusap sa awit ay ganito ang sinasabi bago pumailanlang ang koro.
Wag sanang mangyari
Matukso ako nang sandali
Pagka’t ang tukso ay
Madaling nagwawagi
Kayrami nang winasak na tahanan
Kayrami ng matang pinaluha
Kayrami ng pusong sinugatan
O, tukso, layuan mo ako.
Syempre, maraming dapat i-komento sa mga kataga ng awit. In light of common sense-experience, tama nga naman diba? Hindi ba’t lasap ito sa lipunang Pinoy? Alam mo kasi, kung walang enjoyment sa kasalanan, disin sana’y walang gagawa ng masama o pagkakasala. But sin is enjoying, ‘kilig to the bones’ pa nga, ika ng iba; o sa kataga ng awit “madaling nagwawagi.”[2] At dahil riyan nasasabi ng marami na, “Gusto kong bumait ngunit di ko magawa.”[3] At bakit? Kasi ang sarap ng kasalanan. Nasa inklinasyon (desire) ito ng likas ng tao. Mas higit itong malinamnam sa bibig ng tao, kaysa sa sinasabi ng Biblia. Tama po ba?
Okay, scenario-experiment tayo: Tanungin kita lalaki: Kapag nakakita ka ng seksing babae, anong magandang isipin? Ang i-pray siya? Oh!… Talaga (harinawa)? O pagnasaan siya? Syempre naturally, yung pagnasaan diba? Bakit? Kasi yun yung masarap sa ating isip at maging sa katawan. Okay ito pa: Anong magandang gawin kapag tsinismis ka? Yung manalangin sa Diyos, o yung siraan din ang iba? Eh tsitsaron kaya ang tsismis na patok sa panlasa ng Pinoy!
Ito pa: Sayo lalaki, kapag ikaw ay tinitigan ng isang lalaki na “nakakalalake”[4] ang dating, ano ang gagawin mo o asal mo, yung maging kalma lang, o yung titigan rin siya at buntalan na? Hay, andami pang pwedeng ibigay na halimbawa mula sa pagkatao hanggang sa kalagayan ng ating bansa. Kahit ikaw ay pwedeng magbigay ng maraming halimbawa. But stop muna dito.
Well…..of course, yung masiyahan ka sa kasalanan ay masama o makasalanan – sinful joy iyan. In light of common grace, sa punto ng moral law, hindi na kailangan pang i-memorize iyan. Nasa konsensya iyan.[5] Bagamat sa postmodern world, ang “kasalanan” ay relative na. But anyway, sa description ng Scripture, ang sinful joy ay inilalarawan na fleshy, worldly, at satanic.[6] So ang question is: Paano ilantad, baguhin, sugpuin ang lasa ng kasalanan sa likas-panlasa ng tao? Well, wala ng paligoy-ligoy pa, syempre ang sagot ay sa pamamagitan ng Ebanghelyo ni Jesu-Cristo – wala ng iba pa, period! Ang panlasa ng tao ay dapat na gamutin at baguhin ng dugo ng Krus.[7]
Ang tao sa kanyang likas ay walang kakayahan (power) at kalooban (desire) na layuan ang tukso.[8] Bakit? Well, maraming dapat sabihin, ngunit bahagi rito ay dahil sa maliban sa ang tukso ng diyablo at sanlibutan ay pasok, sapul na sapul, at mapang-akit sa paningin ng tao, ang puso kasi ng tao ay hiyang na hiyang rin sa tuksong ito. In other words, ‘natatangay siya kasi gusto niya;’ at gusto niya kasi likas niya.[9] That’s why, ang pundasyong-sagot ay una sa lahat, ma-born again siya. Bakit? Well, upang mangyari ang basic supernatural na ito:
- Tumanggap ng paghuhugas ng dugo ni Jesus (redemption).[10]
- Tumanggap ng katuwiran at bagong kalikasan na nilikha kay Kristo Jesus (new nature).[11]
- Tumanggap ng Espiritu Santo na mananahan sa kanya (power).[12]
Oh, bawat puntos ay masarap pagbulayan o kaya’y gawan ng term-paper hinggil sa isyu ng pagsugpo sa sarap ng kasalanan sa lasa ng tao. Ngunit, sapat na pambungad ko lamang na sabihin na ang Ebanghelyo ni Jesu-Cristo ang makapangyarihang sagot at pansugpo sa likas-panlasa ng tao na nasasarapan sa lasong-tamis ng kasalanan at sa bawat umaaligid-aligid na tukso sa ating lipunan. Kaya nga, mga kapatid na Kristyano, higit kaylan pa man, ipangaral natin si Jesu-Cristo. Share His gospel! Siya ang sagot sa pumuputakting tukso sa buhay at lipunan ng masang-Pilipino.
Pagbulayan mo ang verse na ito: John 8:32-36.
Ang sanaysay na ito ay orihinal na isinulat noong Marso 2019.
[1] Implikasyon ng Total Depravity. Inclination ng tao ang magkasala.
[2] Dahil sabi ng Biblia, nasa likas ng tao ang kasalanan. Romans 3:10-18; 8:5-8
[3] At wala talagang magagawa, sapagkat may spiritual inability ang tao pagdating sa tunay na kabutihan o katuwiran sa harapan ng Diyos. Patay ang tao sa kasalanan kung kaya’t wala siyang “response-desire-ability” upang maging mabuti sa harapan ng Panginoon.
[4] Although, I’m aware na sa panahong ito, ang titig ng lalake sa kapwa lalake ay may iba naring meaning – ibig sabihin “crush” ka niya, hehe.
[5] Romans 2:15
[6] 1 John 2:15-16; John 8:44; 2 Timothy 2:26
[7] Ito ay principle na gusto kong pagisipan mo ng mabuti.
[8] But of course, may isang problema na pwedeng itanong o kaya’y kung hindi mo naisip itanong ay gusto kong itanong upang iyong maging tanong. Ito yun: Eh bakit may ibang tao na kahit na hindi sila Kristyano, pero may magandang moral o GMRC sa buhay? Kaya nilang lumayo sa tukso? Paano yun? Isa pa, bakit by experience, ang Kristyano ay pwede paring masarapan sa kasalanan? Hehe. Maganda iyang mga tanong, pero next time na iyan, isa-isa lang. Just letting you know that I’m aware.
[9] James 1:13-16
[10] Romans 5:9-11; Ephesians 1:7
[11] Romans 3:19-31; 2 Peter 1:4; Colossians 3:10
[12] Romans 5:5