Ang South African na manunulat at pastor na si Andrew Murray,[1] na kilala sa kanyang mga aklat tungkol sa paksa ng Panalangin ay nagsabi ng ganito,
“Wala tayong ibang higit na kailangan kundi ang makilala si Cristo ng higit pa’t mainam.”[2]
Yun nga lang, kahit na si Cristo naman talaga ang ating tunay na ‘higit na kailangan,’ subalit dahil sa walang tigil na takbo’t gayuma ng sanlibutan sa ating puso at isipan, natatangay pa rin tayo ng ‘ibang pangangailangan.’ At dahil rito, tayo ay naliligaw ng landas at nasasadlak sa mga pagdurusa na gawa ng ating makamundong kahangalan at pita ng laman – na udyok ng mapang-akit na panlilinlang ni Satanas.
Subalit nawa’y maging palagiang dasal, pagnanasa’t pagsusumikap ng puso at isip mo na si Jesu-Cristo ang maging Bighani at natatanging ‘higit na pangangailangan’ sa buhay mo, upang tulad ni Count Zinzendorf[3] ay maging kumpisal mo rin,
“Mayroon lang akong isang masigasig na hangarin sa buhay – si Cristo.”[4]
Ngunit ang tanong ay: kung matapat mong susuriin ang iyong kalooban, si Jesu-Cristo ba ang masigasig na hangarin (passion) mo sa buhay? Siya ba ang pinag-aalayan ng iyong puso, isip, sigasig, lakas, at kaluluwa? Oh! sana’y dumating tayo sa pagkarealisa at karanasan kung saan masasabi natin tulad ni Apostol Pablo,
“Gayon man, ang mga bagay na sa akin ay pakinabang, ay inari kong kalugihan, alang-alang kay Cristo. Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Cristo Jesus na Panginoon ko: na alangalang sa kanya’y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong sukal[5] lamang, upang tamuhin ko si Cristo.” (Filipos 3:8-9, TAB)
Kaibigan, para kay Apostol Pablo, ganyan kadakila at kaganda ang Panginoong Jesus, na anupa’t nagawa niyang ituring ang lahat ng bagay na ‘kalugihan, alang-alang kay Cristo.’ Sa madaling salita, wala siyang ibang masigasig na hangarin, kagalakan, at makapangyarihang udyok sa buhay kundi ang makilala ang Panginoong Jesus. Oh! kaibigan, ganito rin ba ang hangarin natin? Ganito rin ba ang laman ng ating mga isip? Oh! Kalugihan po sa atin kung tayo ay walang tapat at nag-aapoy na pagibig sa Panginoon! Kalugihan sa atin kung tayo ay may matabang na pagsamba at paglilingkod sa Kanya. Kalugihan sa atin kung inaawitan natin Siya ng papuri ngunit hindi naman pinagtitiwalaan ang Kanyang makatotohanang presensya.
Kaya harinawa’y sa liwanag at paghipo ng Espiritu ng Diyos, nawa’y magising tayo mula sa ating mga kalugihan. Nawa’y imulat ng Espiritu ng Diyos ang ating puso sa katotohanan ni Jesus na tunay na nagmamahal sa atin – na anupat inialay Niya ang Kanyang buhay, pinasan ang krus, at dumanas ng katakot-takot at karimarim na pagtitiis at kamatayan para sa ating kaligtasan. Oh! kalugihan sa iyo at sa akin kung ang ating puso at isipan ay hindi luluhod, sasamba, at magiging tapat sa pagyakap at pagmamahal sa Kanya! Oo, Siya na dapat sana’y maging Bukod Tanging Kagandahan sa ating buhay na hindi mapapantayan ng kahit ano pa mang mga bagay sa langit at sa lupa at sa magpasa-walang hanggan.
Orihinal na naisulat, 2016. Rebiso 2021.
[1] Actually isa siyang ‘Dutch Reformed’ na nag-misyon sa South Africa.
[2] Aking salin sa: ‘We have no greater need than to know Christ better.’ Cited in ‘Preach the Word’ – https://www.preachtheword.com/sermon/misc0109-necessity-jesus.shtml
[3] Isang Aleman na Lutheran (1700-1760)
[4] ‘I have one passion – Christ’
[5] O ‘basura’