Ika nga, ‘Nobody is Perfect’

For all have sinned and come short of the glory of God (Romans 3:23 KJV)

Yamang ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Roma 3:23, TAB)

Kapansin pansin sa talatang ito ang katagang ‘For all have sinned’ o ‘Yamang ang lahat ay nagkasala.’[1] Hindi sinabing ‘for some,’ ‘for many,’ o ‘for few’ kundi ‘for all.’ Lahat! Walang sinumang exempted! Lahat ng tao ay makasalanan.

Sa sikat na kataga pa, ‘Nobody is perfect.’ At bakit may ganitong konseptong moral? Sapagkat sa kaibuturan ng ating puso, batid natin na tayo ay may kasalanan; may bagay na kulang.  

Simpleng arithmetic tayo: ipalagay natin na ikaw na ang pinaka relihiyosong tao sa balat ng lupa at isang beses ka lang nagkakasala sa isang araw. Gayunma’y i-times natin sa isang taon, hindi ba’t lalabas na 365 ang bilang ng lahat ng iyong pagkakasala sa isang taon? Ngunit heto pa, ilang taon ka na ngayon? I-multiply mo ang 365 dito. Anong resulta?

Kita mo? Gamit ang simpleng ilustrasyon na ito, sa punto lang ng gawa, walang sinumang makaamin na siya’y perfect, sapagkat sa kaibuturan ng ating puso, may budhi tayong pumipisil sa atin na nagsasabing may pagkukulang tayo. Ika nga, “Bumato ang sinumang walang sala!” (Juan 8:7).

Isa pa, alam natin na hindi lang tayo isang beses magkasala sa isang araw. Kung tutuusin, kapag titimbangin na sa hukuman ng Diyos, marami tayong kasalanan – yun ay, ‘hindi nakaabot’ sa Kanyang kaluwalhatian. Gayundin naman, kung isasaalang-alang natin ang batayan ng mata ng Diyos hinggil sa kaganapan o perfection, naku, talagang ‘nobody is perfect’ – pwedeng tingnan ang Mateo 5.  

Heto pa: may kamalayan o utak tayo na ituring na ang 99.9% ay hindi pa rin 100%! Kahit kapirasong mintis lang, hindi pa rin masasabing perpekto. Diba? Tama ba?

Sa talata, ang salitang ‘for’ ay ‘sapagkat.’  Nangangahulugan ito na mayroong dahilan kung bakit ang tao ay makasalanan at kung bakit walang sinuman ang matuwid o perpekto sa mata ng Diyos. Sa wikang Griego, ang katagang “all have sinned”[2] o “lahat ay nagkasala” ay bumabalik sa nakaraan upang bigyang dahilan ang kasalukuyang kalagayan.  At ano ba ang nangyari sa nakaraan? Well, kung babalik tayo sa hardin ng Eden, doon nagsimula ang pagbagsak ng tao, ang ugat ng ating imperfection sa mata ng Diyos.[3] Sinuway ng ating Unang Magulang ang utos ng Diyos. Kinain nila ang bungang ipinagbabawal. Ang pagsuway na iyon o first sin ay nagbunga ng espiritwal na pagkakalayo sa Diyos, espirituwal na kamatayan, at hindi mabuting kalagayan sa harapan ng Diyos. Higit itong ipinaliwanag ng mga theologo sa pamamagitan ng konseptong ‘original sin,’ na kung saan ang ating pagiging makasalanan ay hindi lamang sa gawa, kundi dahil sa likas. Iyan ang dahilan kung bakit mayroon tayong kataga sa simbahan na ‘makasalanang kalikasan’ – siyang pundamento at tampok na dahilan kung bakit Oo ‘nobody is perfect’ o ‘walang matuwid’ sa paningin ng Diyos.  


  • [1] Ang Bagong Ang Biblia
  • [2] “Pantes gar hemarton” – Constantive aorist active indicative. – A.T. Robertson, Romans 3:23
  • [3] Ang konseptong ‘nobody is perfect’ kung gayon ay dapat at marapat na salaminin sa liwanag ng Genesis 1-3.