Magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti. Gawin mo ang ayon sa lahat ng kautusang iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. (Josue 1:7)
“Be of good courage, and let us be courageous for our people, and for the cities of our God, and may the LORD do what seems good to him.” (2 Samuel 10:12)
Ang tapang ay dapat na likas na katangian ng pagkalalake. Karaniwang hinahangaan ang mga lalake na matapang humarap sa mga laban, hamon, at kahirapan ng buhay. Tayo ay nai-inspire kapag may mga lalakeng tumatayo ng may matibay na paninindigan sa kanilang prinsipyo, kahit na ang kapalit pa nito ay ang kanilang buhay. Tinatawag natin silang mga “bayani” – karapat-dapat ng ating pagpupugay, isang huwaran.
So, ang tapang at lakas ng loob ay magandang katangian. Gayunpaman, ito ay maaaring ma-corrupt, ma-misinterpret, at ma-misapplied. Paano? Maraming paraan. Pero, isang halimbawa na maibibigay ko ay yung tungkol sa pagharap sa mga batikos. Paano ba hinaharap ng tunay na lalake ang mga insulto na galing sa kanyang mga kaaway? Kapag siya ay minamaliit, sinisiraan, paano niya dapat ipakita ang kanyang tapang at pagkalalake? Syempre, ang karaniwang tugon ng iba ay sa pamamagitan ng kamao, ganting-paninira, paghihiganti, mata sa mata, ngipin sa ngipin. At madalas nga, akala nila, kapag ginawa nila ang mga bagay na ito ay lalake na sila, na matapang na sila. Ngunit kung ganyan ang tunay na tapang, paano mo ipapaliwanag ang pagpipigil sa sarili ni Jesus noong Siya ay pinahirapan, dinuraan, at pinako sa krus? Hmm.
Maganda ang sinabi ni Molier; siya ay isang French playwright at kinilalang isa sa mga dalubhasang komedyante sa Western literature. Wika niya,
“A wise man is superior to any insults which can be put upon him, and best reply to unseemly behavior is patience and moderation.”
Sa liwanag ng common sense at common grace, maganda ang kanyang sinabi. May sense. Gusto ko ang salitang “superior” at “best reply”, lalo’t sa panahong ito ng Facebook or Social Media na napakadali para sa mga tao ang bumato ng batikos, hatol, at paninira sa kanyang kapwa.
Sabi naman ni David Brinkley, isang amerikanong newscaster noong 1943-1997
“A successful man is one who can lay a firm foundation with the bricks others have thrown at him.”
Wow grabe! Parang kaDiwa lang ng ating kasabihan na, “Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng Tinapay.” (Take note: Walang garapon ha). Pero yun nga, isa itong mahusay na pag-uugali sa liwanag ng common sense at common grace.
Kita mo? Para sa mga taong ito – at kabayan, sila’y hindi mga kristyano ha – nakita nila na hindi kamao o paghihiganti ang sukatan ng tapang. Yes, may lugar sa kamao, may lugar sa baril, sa sandata (gaya ng ginawa ng ating bayaning si Bonifacio), pero ang sukatan ng tapang ay wala sa mga iyon, kundi nasa katangian. Wala sa dahas, kundi sa dangal. At kabayan, sa biblikal na pananaw, ang dangal ay hinuhubog ng Salita at Espiritu ng Diyos sa puso ng lalake.[1]
Point is: Ang tapang para maging mabuting katangian ay dapat na ipahayag at gamitin sa tamang paraan na udyok ng makatotohanang prinsipyo (conviction). Sa madaling salita, ang katapangan ay hinuhubog at pinapaapoy ng katotohanan – syempre katotohanan na galing sa Diyos.
Ang tapang kasi kapag hindi aral sa katotohanan ay magiging arogante. At hindi lang iyan, maging ang kanyang ipinaglalaban ay magiging paghihimagsik o kayabangan kapag ang apoy ng tapang ay hindi galing sa gasolina ng katotohanan. Ibig sabihin, ang katapangan at katotohanan ay laging magkasama. At iyan mismo ang aral na matututuhan natin sa buhay ni Josue – na isang dakilang Heneral ng Israel pagkatapos na pumanaw si Moises.
Kung babasahin mo ang Joshua 1:6-9, makikita mo na upang maging matagumpay si Josue sa pamumuno sa Israel at sa mga digmaang kakaharapin niya, wika ng Diyos,
Magpakalakas ka at magpakatapang na mabuti, sapagkat ipapamana mo sa bayang ito ang lupain na aking ipinangakong ibibigay sa kanilang mga ninuno. Magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti. Gawin mo ang ayon sa lahat ng kautusang iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay maging matagumpay saan ka man pumunta. Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag aalisin sa iyong bibig, kundi ito ay iyong pagbubulay-bulayan araw at gabi, upang iyong masunod ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo’y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at magtatamo ka ng tagumpay. Hindi ba’t inutusan kita? Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manlupaypay; sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ay kasama mo saan ka man pumaroon.”
Kita mo? Oh, napakayamang talata! Hindi lang nais ng Diyos na magpakatapang si Josue, kundi sa kanyang pagpapakatapang, dapat na aral siya sa Banal na Kasulatan.
Sa aking palagay, parang ganito ang kombinasyon ng dalawa. Ang katotohanan ay kaluluwa ng katapangan, at ang katapangan ay katawan ng katotohanan. Kapag ang katotohanan ay walang tapang, ito ay hindi maririnig; ito ay hindi makikita. At syempre, kapag ang tapang ay walang katotohanan, ito ay magiging kapalaluan at panlilinlang, o kaya’y sinceridad sa mali.
Kaya nga, dapat na ang tapang natin ay aral, inspirado, at pinapatnubayan ng Banal na Kasulatan.
[1] Iyan ay tumatawag ng pagbubulay.
Note: ang sanaysay na ito ay orihinal na naisulat noong September 2012