“At nilalang ng Diyos ang tao, ayon sa Kanyang wangis at larawan.” (Genesis 1:27).
Paano mo ba masusukat ang katatagan ng isang lalake? Saan at kaylan ba nasusukat ang pagkakalake ng isang lalake? Sa Pilipinas, mayroon tayong alamat tungkol kay “Malakas” at kay “Maganda.” At bagamat alam natin na hindi ito totoo sa historikal, sumasalamin naman ito sa pananaw ng mga Pinoy tungkol sa lalake at babae. Gustong ipakita sa alamat na ang lalake ay simbolo ng “lakas.” Pero, of course ang tanong ay, sa ano siya malakas? Ano ang kanyang lakas?
Sa ating lipunan ngayon, karaniwan na ang sukatan ng pagkalalake ay nasa muscle, nasa kamao, nasa husay sa pakikipaglaban. May iba naman na hinahanap ito sa sugal, sa sigarilyo, sa alak, at sa pambababae. May iba naman na sinusukat ito sa pamamagitan ng pera, negosyo, at kapangyarihan. Well, sa lahat ng ito, maaring lumabas na ang lalake ay malakas, mapanakop, at dakila. At ito nga ang pananaw na walang sawang inilalagay ng sistema at patalastas ng mundo sa isipan ng ating mga kalalakihan. Para sa sanlibutan, ito ang sukatan, ito ang batayan ng pagiging lalake – bagamat may ilang mga relihiyoso na may GMRC na magsasabing “Hindi naman po lahat.”
Okay. Ngunit ang tanong, ano ba talaga ang batayan ng pagiging tunay na lalake?
Kung (sana’y) babalik ang ating Bayan sa katotohanan ng Biblia, makikita natin na noong nilikha ng Diyos si Adan, maari mong maitanong – kapag binasa mo ang Genesis 1 – “Ang pagkalalake ba ni Adan ay dahil sa “macho” sya? Tinawag ba siya ng Diyos na “lalake” dahilan sa malapandesal na ‘abs’ niya?” Kung ganyan ang pagkalalake, naku hindi ako pasado. Gusto kong magka-abs, pero wala eh, hanggang apdo lang.
Okay ito pa, lalake ba si Adan dahil ba may korona siya? Dahil ba sa may kapangyarihan siya? Dahil ba sa mas superior siya sa babae? Kabayan, kapag binuksan mo ang maalikabok mong Biblia sa bahay (kung meron man) at binasa mo ang Genesis 1:27, ganito ang pangungusap na iyong mababasa,
“At nilalang ng Diyos ang tao, ayon sa Kanyang wangis at larawan.” (Genesis 1:27).
Maraming dapat sabihin sa talata na ito, ngunit gusto ko lang mabilis na pansinin na ang pagkalalake ni Adan ay galing sa Diyos at maka-Diyos. Ito ay binabalot ng kabanalan. Sa madaling salita, ang batayan ng tunay na pagkalalake ay hindi nakabatay sa paghubog ng sistema at pananaw ng mundo. Ang pagkalalake ng lalake ay hindi MakaPaligid (MakaMundo), kundi sa makaLangit-na-desensyo ay MakaDiyos. Kita mo? Ang tunay na pagkalalake ay ayon sa paghubog ng Diyos, ayon sa pananaw ng Diyos; ayon sa kalooban ng Diyos.
Ang pagiging lalake kung gayon ay hindi lang sa kasarian, kundi sa diwa na galing sa Diyos. Pananaw ng Diyos ang batayan ng tunay na pagkalalake. Ang isang lalake ay maaring walang abs, hindi brusko, hindi puno ng muscle, hindi umiinom ng Red Horse, maaring hindi mayaman at hindi pulitiko; ngunit kung siya ay may Diyos, naihahayag niyang tunay ang pagkalalakeng bigay sa kanya ng Diyos.
Ang sabi sa isang Christian song na inawit ng 4Him,
“This world can analyze and size you up and throw you on the scales. They can I.Q. you and run you through their rigorous details. They can do their best to rate you and they’ll place you on the charts. And then back it up with scientific smarts. But there’s more to what you’re worth than their human eyes can see.
Oh, I say the measure of a man is not how tall you stand, how wealthy or intelligent you are. ‘Cause I’ve found out the measure of a man, God knows and understands, for He looks inside to the bottom of your heart. And what’s in the heart defines the measure of a man.”
See? The point is: Ang sukatan ng pagkalalake ay hindi pananaw ng mundo, kundi ang mata ng Diyos na sa Kanya ay lumalang.
Note: Ang sanaysay na ito ay orihinal na naisulat noong September 2012